Chapter - 05

235 46 32
                                    

Freya

Palabas na ako ng school nang mapakunot ako ng noo pagkakita kay Emma. Mag-isa lang itong naglalakad na may dalang paper bag. Hindi nito batid na nasa likod lang niya ako. Hindi na ako um-attend ng panghapon kong klase dahil may pupuntahan ako.

Hindi ko pinagtuunan ng pansin ang babae ngunit ganoon na lamang ang pagkunot ng aking noo nang makitang itinapon nito ang dalang paperbag sa trash can na nasa tabi ng daan. Na-curious ako sa laman niyon dahil halatang mamahalin ang paperbag.

Kaya naman pagdaan ko sa basurahan ay pasikreto kong kinuha ang itinapon niya. Lalo akong natigilan nang makita ang laman ng paperbag. Isang mamahaling damit na kung susuriin ay tipong hindi pa naisusuot.

“Bakit naman niya itinapon ang ganito kagandang damit?” naitanong ko sa sarili habang habol ng tingin ang dinaanan ng dalaga.

Bestfriend ito ni Pauline at sa pagkakaalam ko ay naging scholar si Emma sa tulong ni Tito Paolo. Anak ng labandera, imbalido ang ama at may maliliit na kapatid. Kaya nga lalong humanga ang buong school kay Pauline dahil sa pakikipagkaibigan nito sa tulad ni Emma. Napakabait daw ng huli at hindi matapobre.

Hmmp! If I know, gusto lang ng Pauline na iyon na mahawa ng talino ni Emma.

Tsk! Bakit ko ba pinapansin ang mga galamay ng bruhang iyon? Kailangan ko nang umalis dahil baka gabihin ako sa mall. Bibili pa naman ako ng damit na isusuot sa birthday party ni Jen.

Ibinalik ko sa basurahan ang paperbag at umalis. Habang sakay ng taxi ay nag-iisip pa rin ako kung bakit iyon ginawa ni Emma. Kung iisipin ay imposibleng sa kanya iyon. Mamahalin ang damit at hindi sa pangmamaliit pero hindi niya afford bumili niyon. Sigurado akong galing iyon kay Pauline. Pero bakit niya itinapon kung bigay iyon ng matalik niyang kaibigan?

Hmmm...

Pagdating sa mall ay dumiretso na agad ako sa clothes section. Habang namimili ng damit ay tinawagan ko si Kuya Lucas upang kumpirmahin ang pagdating nito. Mamayang gabi na ang party kaya hindi na ito pwedeng mag-back out, lalo at naibalita ko na sa mga kaibigan ang tungkol sa kanya. Ang sabi ko sa mga ito ay ipakikilala ko sa kanila ang special na tao sa buhay ko. Bahala na ang mga itong magbigay ng maling isipin.

“Oo, pupunta ako. Nasa bayahe na ako ngayon,” sabi ng kapatid ko.

“Yes. Thank you talaga! Ibibili na rin pala kita ng damit na isusuot mo, tutal ay narito na rin lang ako sa mall,” masaya kong saad.

“Huwag na. May dala naman akong damit. Tiyak na uubusin mo lang ang allowance mo sa pagbili niyon,” tanggi nito na ikinasimangot ko nang lihim.

“Ah basta! Ibibili kita!” giit ko saka mabilis na pinutol ang tawag upang hindi na ito makapagreklamo pa.

Siguradong iyong lumang stripe polo na naman ang dala nitong damit. Tsk! Panahon pa ng kastila ang style niyon at hangga’t kasya yata sa kanya ay hindi nito papalitan.

Napakakuripot kasi ni Kuya! Actually, no, he’s not kuripot talaga... Masyado lang itong nagtitipid dahil siguro sa klase ng trabaho nito. Sabi nga, hangga’t hindi ikaw ang umiigib ng tubig—hindi ka matututong magtipid n’on. Nagbago si Kuya Lucas nang mawala ang mama namin. Nag-matured siya nang sobra at pati pag-aasawa ay kinalimutan na yata nito.

Kaya kahit mahirap sa part ko ay sinusunod ko ang patakaran ng kapatid sa paggastos ng pera. Hoping na isang araw ay magbabago ang lahat at hihiga na lang ako sa salapi tulad ni Pauline.

Alam kong mangyayari iyon lalo at nandyan pa ang Villanueva Builders Company. Nariyan din ang Eco Bar. Kung iisipin ay may karapatan din kami sa negosyo nina Pauline, pero ang nakakalungkot lang ay walang plano si Kuya na magtrabaho sa kompanyang iyon. Iba pa rin syempre kapag naroon siya. Hindi naman sa wala akong tiwala sa ama ni Pauline—I just want the best for my brother. Sayang kasi ang talino nito kung buburuhin lang ang sarili sa farm at hacienda namin.

Until I Get Over YouWhere stories live. Discover now