Chapter - 22

260 48 34
                                    

Pauline

Hawak ko ang tiyan at walang tigil sa katatawa matapos takutin ang bruhang si Freya. Panay naman ang iling ni Dale na nakahiga sa kama. Doon ako sa kwarto niya nagtago matapos magpanggap na multo. Mabuti na lang at pinahiram ako ng puting daster ni Yaya Perla. Nagtaka pa kanina ang matanda ngunit idinahilan ko na wala akong baong pantulog.

“Ang saya mo. Paano kung kagalitan tayo ni Kuya Lucas? Sila ang may-ari ng bahay na ito,” ani Dale.

“Hindi ako n’on palalayasin kasi in love siya sa akin. Ang KJ mo naman. Nakita mo ang mukha ni Freya, ‘di ba? Nakakatawa!” sabi ko at muling humalakhak.

“Tsk. Paano kung gumanti iyon?”

“Ready ako sa pagganti niya. Saka siya naman ang nagsimula. Pakainin ba naman ako ng sili!”

Mayamaya ay sabay kaming nagulat nang makarinig ng katok sa pinto. Akmang tatayo si Dale upang buksan iyon ngunit pinigilan ko ang kababata.

“Si Freya iyan. Baka kasama si Lucas,” kabado kong bulong.

“Akala ko ba hindi ka takot?” ngisi nito.

“Eh...”

Muli naming narinig ang mga katok kaya walang choice si Dale kun’di buksan ang pinto. Mabilis naman akong umayos ng upo sa gilid ng kama at umaktong mabait na bata roon.

“Bruha ka! Papatayin mo ako sa takot!” ani Freya na kung hindi naharangan ni Lucas ay nahila na ang buhok ko.

“Ha? A-anong sinasabi mo, Bestfriend?” maang-maangan kong tugon. Puppy eyes ako sa kuya niya na halatang na-stressed.

“Beast friend! Kunwari ka pa. Tinakot mo ako! Nagpanggap kang whitelady. Tingnan mo, Kuya, at naka-daster pa ang babaeng ito.”

“Pauline, ginawa mo ba talaga iyon?” baling sa akin ng binata. Sunod-sunod naman ang pag-iling ko.

“Bakit ko naman iyon gagawin, Lucas? Humiram ako ng daster kay Yaya Perla dahil wala na akong damit na isusuot. Tapos noong makita ako ni Freya ay bigla na lang nagtatakbo,” paliwanag ko sabay yakap sa braso nito.

“Payakap-yakap ka pa. Lumayo ka nga sa kuya ko!” ani Freya na hinila ako palayo kay Lucas.

“Bakit narito ka sa kwarto ni Dale?” tanong ulit ng lalaki na biglang naging seryoso ang mukha.

Baka hindi binili iyong alibi ko. Mas kailangan kong galingan.

“Magpapasama lang sana ako sa kusina. Nagutom kasi ako.” Siniko ko pa si Dale upang segundahan ang aking sinabi.

“O-oo, Kuya. Totoo ang sinabi ni Pauline.”

Matiim akong tinitigan ni Lucas, pagkuwa’y bumuntong hininga. “Matulog na kayo. Gabing-gabi na’y kung ano-ano pa ang ginagawa n’yo,” anito mayamaya.

“Okay,” ngiti ko.

“What? Ganoon na lang ba iyon, Kuya?” nagngingitngit na saad ni Freya.

“Freya!” tila warning na tawag nito sa babae.

Matalim akong iniwanan ng tingin ni Freya bago padabog na umalis ng kwarto. Nang lumabas na rin si Lucas ay sumabay ako. Sayang at hindi magkatabi ang aming kwarto.

“Lucas,” pigil ko sa kamay ng binata kaya nahinto ito sa paglalakad.

“Yes?”

“Uhmm, h-hindi pa tayo nakakapag-usap. K-kasi naman lagi kang wala rito tapos gabi na umuuwi.”

“May pag-uusapan ba tayo?”

“M-meron sana. Iyong tungkol sa atin—”

“Pauline, akala ko ba ay malinaw na ang huli nating pag-uusap tungkol diyan?”

Until I Get Over YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon