CHAPTER4
Natapos na kumain ng almusal ang lahat. Mukhang masaya pa rin ang lahat na kitang-kita sa kanilang mga ngiti at tawa. Nais ko mang maging masaya din subalit hindi ko mapilit ang aking sarili sa tuwing naiisip ko ang mga bagay na naghihintay sa amin sa lugar na ito. Hindi naman ako nega. Ewan ko ba kung bakit ko nararamdaman ito. Sa buong buhay ko, parang ngayon ko lang ito nadama. Mabuti na lang nariyan ang nakakahawang tawa ni Trish. ‘Pag tumawa na iyan siguradong tatawa din ang sinumang nakarinig sa kanya. Gayunpaman, nandito kami para mag-enjoy sa kabila ng mga paghihirap na aming dinaranas sa aming kurso.
“Kapag nakapagpahinga na kayong lahat, sabihin n’yo lang. Ililibot ko muna kayo sa buong lugar na ‘to,” sabi ni Raprap.
“Sige ba,” sagot ni Theo.
“S’ya nga pala Rap, madalas ka ba sa lugar na ‘to?” tanong ko sa kanya.
“Sa totoo lang guys, hindi talaga. Tuwing summer lang kami dito. Naiiwan lagi ito kina Tita Janet,” sagot ni Raprap.
“Ah. Pero sa inyo ba talaga ito?” tanong naman ni Jade.
“Kina lolo at lola ito, magulang ni daddy,” sagot ni Raprap.
“Tara na. Libutin na natin ito,” ani Theo.
“Teka lang. Sino’ng magliligpit nito?” tanong ko sabay turo sa pinagkainan namin.
“Sige, ipaliligpit ko na lang kay kuya James.”
Lumabas na nga kami mula sa aming silid. Nilibot namin ang malaparaisong lugar. Kahit saan ka lumingon ay mga halaman at puno ang makikita mo. Malamig din ang klima. May mga alaga din silang hayop. Dinaanan ulit namin ang mga swimming pool na nauna na naming nakita kahapon. Tatlo ang mga ito. Isang pambata, isang pang-adult, at ‘yung isa ay jacuzzi.
“Kailan tayo pwedeng maligo d’yan?” tanong ni Theo.
“Bukas na siguro,” sagot naman ni Raprap. “Ipapapalit ko muna ‘yung tubig d’yan.”
“Sige,” sabi ni Theo.
“S’ya nga pala Rap, paano kayo napunta ng Pampanga?” tanong ko.
“Kapampangan kasi si mama. Nagkakilala sila nung nadestino si daddy sa Pampanga,” sagot ni Raprap.
“Ano naman ang trabaho nila?” tanong ko ulit.
“Sa isang car company sila,” sagot ni Raprap. “Tara ikot pa tayo dun.”
Meron pa palang sports field dito para sa basketball, volleyball, tennis, at iba pa. Ang yaman naman talaga yata ng pamilya ni Raprap. Sasabihin ko pa lang sana iyon, kaso naunahan na n’ya ako.
“Sa katunayan guys, ito na lang ang nag-iisang pagmamay-ari ng pamilya namin dito sa Isabela. Naibenta na lahat nung sabay na naospital sina lolo at lola. Sa kasamaang palad, hindi na din sila nailigtas,” sabi ni Raprap.
“So, ano naman ang ikinamatay nila?” tanong ni Theo.
“Hindi din malinaw. Ang nakita lang nila sa katawan nila ay mga kagat ng hayop. Baka daw venomous ‘yung mga hayop na kumagat sa kanila. Dahil din sa edad nila, hindi na nila nakayanan,” sagot ni Raprap. “Wag na lang nating pag-usapan ‘yan.”
Lalo akong kinutuban.
“Guys, matagal na iyon at kina lolo at lola lang nangyari iyon kaya ‘wag n’yo na ‘yong isipin,” sabi ni Raprap.
“Oo nga naman guys. Nandito tayo para mag-enjoy,” sabi ni Theo.
Hindi pa rin ako napanatag. Kumulang sa isang oras din naming nilibot ang lugar bago kami bumalik sa aming silid. Malinis na ulit ito pagbalik namin.
BINABASA MO ANG
Dream Vacation: Ang Kwento ng Pag-ibig, Pagkakaibigan, at Kababalaghan
AdventureSa isang hindi pamilyar na lugar ang tungo ko para magbakasyon kasama ang aking mga matatalik na kaibigan. Ano kaya ang naghihintay sa amin dun? May mga natuklasan ako tungkol sa amin habang kami ay naririto. Sana nga lang ay hindi ito makaapekto sa...