Chapter 37

229 15 0
                                    

Napatakip ng tenga si Father Mer at Minggay sa lakas ng dumadagundong na iyak ni Serberus hanggang sa napadapa na silang dalawa. Nagsimulang magkaroon ng mga bitak ang istatwa at ang mga piraso ng mga bitak ay nangagsihulog sa sahig. Unti-unti nang sumisilip ang tunay na anyo ng demonyo sa ilalim ng inukit na kahoy. Lumilitaw na ang makapal at maitim na balahibo at ang tatlong pares ng mga nanlilisik at mapupulang mga mata nito.

Galit na galit ito dahil mukhang maisasakatuparan na ang propesiya ng Birheng Maria sa kanya. Alam na ng halimaw ang kanyang sasapitin. Malapit na siyang magapi at inihahanda nito ang sarili para sa huling pagtutuos. Hindi ito basta-basta magpapatalo.

Samantala, hindi halos makagalaw sina Father Mer at Minggay. Sa tuwing sinusubukan ng pari na tumayo para kunin ang nakalutang na balaraw, pakiramdam ni Father Mer ay sasabog na ang kanyang ulo sa napakalakas na atungal ni Serberus. Pumapasok sa kanyang tenga ang ingay na iyon at tila pinaparalisa nito ang kanyang buong katawan.

Nagpatay-sindi na ang mga lamparang nakakalat sa sahig at kapag lahat iyon ay tuluyang namatay, malalagay sina Father Mer at Minggay sa mas higit na kapahamakan. Mahirap talunin ang kalabang hindi nakikita at nasa dilim.

Kaya naman bago pa tuluyang mahuli ang lahat, tinipon na ni Father Mer ang natitirang lakas na mayroon siya. Kahit mahirap, kahit parang puputok na ang kanyang tenga, kahit na parang sasabog na ang kanyang bungo, ay pinilit pa rin niyang bumangon mula sa pagkakadapa. Dahan-dahan hanggang sa nagawa niyang bumalik sa pagkakaluhod. Lalong lumakas ang atungal ng demonyong nagtatago sa likod ng istatwang santo. Ngayon ay may kasama na itong alulong. Sigaw na nang sigaw si Minggay sa kanyang likuran: "Tama na! Tama na! Ang sakit-sakit na!"

Nilingon siya ng pari at nakita niyang nakadapa pa rin ang dalaga, pero ang ulo nito ay naka-angat. Nakatingin ito nang diretso sa kanya, ang mga mata nito ay nagmamakaawa. Sa ilong nito ay may pulang tila sipon na tumutulo. Dugo. Nakumpirma iyon ng pari nang maramdaman din niya ang pagpatak ng sarili niyang dugo mula sa ilong papunta sa kanyang kamay. Pinunasan niya iyon at lalo itong kumalat sa kanyang bibig at pisngi.

Trumiple pa ang lakas ng atungal ni Serberus at halos bumalik si Father Mer sa pagkakadapa. May kung ano kasing tila karayom ang biglang tumusok sa magkabilang tenga ng pari. Maya-maya pa ay naramdaman na lang niyang may mainit na umagos mula rito. Dugo ulit at mas marami ito kaysa sa naunang lumabas sa kanyang ilong. Naluluha na si Father Mer sa sakit. Ang krusipiho at ang agua benditang hawak niya ay muli niyang nabitawan. Ang diary ni Father Mauricio, nalaglag malapit sa lampara. Kaunti na lang at malapit na itong dilaan ng apoy.

"Nasa panig ko ang langit. Langit na ipinagpalit mo at ng mga katulad mong dating anghel para sa impyerno," matapang na sabi ni Father Mer.

Isa pang bugso ng malakas na atungal ang ginanti ni Serberus. Tuluyan nang lumabas ang tatlong ulo nito mula sa istatwa. Ang mga pangil nila ay mas mahaba pa sa kanyang hita ng isang karaniwang tao at ang mga laway na tumutulo mula sa mga bibig ng demonyo ay mistulang asido na tinutunaw ang mapatakan.

Pansamantalang napatda si Father Mer. Hindi siya makakilos sa pinagsamang takot at pagkamangha. Ganito pala ang itsura ng demonyo sa malapitan. May bahagi ng isip niya na parang gusto niyang hawakan ang mga nakalabas na pangil ng mga ito at damhin ang mas maitim pa sa uling na balahibo ni Serberus. Titigan nang matagal ang mga nanlilisik at umiilaw na mga mata nito. Dati siyang anghel, sa isip ni Father Mer. Pero mas nangingibabaw pa rin ang bahagi ng isip niya na gusto itong puksain at wasakin at sirain at patayin at sunugin hanggang sa maging abo at liparin ito ng hangin sa kahit na saang dako.

Hinawakan na ni Father Mer ang nakalutang na balaraw para sana itarak ito sa kanyang dibdib subalit bigla niya itong binitawan. May kung anong mga tinik na kagaya ng sa tangkay ng mga rosas kasi ang nagsilabasan sa hawakan nito na hugis ulo ng ahas. Tinutusok nito ang laman ni Father Mer. Sinubukan niya ulit at ganoon pa rin ang nangyari. Nagsugat ang mga palad ng pari. Tila sinasabi ng balaraw na ayaw nitong hawakan siya. Kung gano'n sino?

Sino lang ang puwedeng humawak dito?

Napatingin si Father Mer sa kanyang kaliwa at nakita nito si Minggay. Gumapang ito mula sa kanyang puwesto kanina papunta sa kanyang tabi. May mga bahid din ito ng dugo sa kanyang suot na t-shirt at nanlalagkit na buhok.

"Minggay, halika rito! Itarak mo sa dibdib ko ang balaraw!" sigaw ng pari.

"Bakit ako? Ayoko po!" nahihilong umupo si Minggay.

"Ikaw ang bantay. Ikaw lang ang dapat gumawa ng pag-aalay. Dalian mo na bago pa tayo mamatay dito. Bilis!" inis na si Father Mer.

Si Father Mer na ang kusang lumapit. Hinila niya papunta sa kanya si Minggay at pinilit itong kunin ang balaraw. "Kunin mo na! Dali at baka sa susunod na atungal n'yan ay tumigil na sa pagtibok ang mga puso natin!"

Nagpupumiglas si Minggay. "Ayoko Father, pakiusap po."

Binigyan siya ng isang malakas na sampal sa mukha ng pari. "Tumigil ka nga! Makinig ka sa akin. Hindi ito ang tamang oras para ka gumanyan. Sundin mo ako dahil kung hindi lahat tayo mapapahamak. Ikaw, ako, mga kapatid mo, mga kaibigan at mahal natin at ang buong mundo. Naintindihan mo ba ako?"

Mukhang natauhan yata si Minggay pagkabanggit ni Father Mer sa mga kapatid. Tama siya. Masyadong pang bata ang mga ito at gusto pa niyang makita at maranasan nila ang lungkot at ligaya na mabuhay sa daigdig na ito. Kinuha ni Minggay ang nakalutang na balaraw at hinawakan niya ito nang mahigpit na mahigpit. Walang mga tinik na tumusok sa kamay niya. Umatungal nang pagkalakas-lakas ang asong may tatlong ulo at saka natumba nang sabay sina Father Mer at Minggay. Namatay din ang mga nakasinding lampara na nagkalat sa sahig ng kuwarto.

Subalit bago sila napasalampak sa sahig, naitarak na ni Minggay sa dibdib ni Father Mer ang balaraw. Ibinaon iyon ni Minggay nang madiin na madiin habang nalulunod na siya sa kanyang sipon at mga luha. Namumulaklak ng dugo ang suot ng pari at hinawakan ni Minggay ang dugong iyon at saka iwinisik at ipinahid sa istatwa.

"Tanggapin mo ang dugo ng sugo!"

Nagwala na si Serberus. Umusok ang mga mata nito at bumukas ang pinto ng lagusan sa kanyang likuran at isang napakalakas na hangin ang  umihip. Tinangay nito ang demonyong may tatlong ulo ng aso at ang mga lampara sa sahig. Nagpaikot-ikot sila sa ere na parang nasa gitna sila ng isang nakakahilong ipo-ipo. Kinakagat-kagat ni Serberus at kinakalmot ng mahahaba niyang mga kuko sa paa ang mga dingding ng kuwarto upang makahanap siya ng makakapitan, pero hindi iyon umubra nang biglang parang vacuum cleaner na hinigop siya ng hangin papasok sa pinto ng lagusan.

Kahit anong lakas ni Serberus hindi nito nalabanan ang puwersang humahatak sa kanya pabalik sa impyerno. Lumusot si Serberus sa pinto kasama ng mga daan-daang lampara. Halos mapipi pa nga ito nang pilit na pagkasyahin ang napakalaki nitong mga ulo sa pintuan. Nahulog si Serberus sa dagat-dagatang apoy at sinalo siya ng mga nag-iiyakang mga kaluluwa roon at nagdiriwang na mga kapwa niya demonyo.

Wala na si Serberus.

Pabulagsak na sumara ang pinto ng lagusan at pagdaka'y nagliyab ito hanggang sa matupok.

Nanatili lang sa kinalalagyan ang dalawa. Ni hindi nagulo ng malakas na hangin ang ni isang hibla ng kanilang mga buhok. Tinatawag ni Minggay si Father Mer hanggang sa kanya itong nakita. Tinanggal niya ang nakatarak na balaraw sa dibdib nito at saka ito tinapon sa 'di kalayuan.

"Father, gising po kayo. Father! Huwag po kayong pipikit. Hihingi ako ng tulong. Isusugod po kita sa ospital," pagmamakaawa ni Minggay.

Pero hindi na malabanan ni Father Mer ang antok. Parang wala na siyang halos lakas na natitira pa labanan ang kahit ano - maging ang talukap ng kanyang mga mata.

Unti-unting nagsasara ang mga ito. Ang huling bagay na nakita niya ay ang nasusunog na pinto ng lagusan at ang huling tunog na kanyang narinig ay ang boses ng naghihinagpis na si Minggay.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon