Chapter 25

231 10 0
                                    

"Sa ngalan ng ama, ng anak at ng espiritu santo. Amen." Yumuko si Father Mer pagkatapos niyang bigyan ng bendisyon ang mga maninimba. "Tapos na ang misa. Humayo kayo nang mapayapa."

Umawit ang choir na nakapuwesto sa gilid, malapit sa altar. Nagpalakpakan ang mga tao. Pero imbes na samahan ni Father Mer ang mga sakristan niya sa pag-martsa palabas ng simbahan at para makamayan na rin ang mga parokyano, agad na nanakbo ang pari sa may likod ng altar. Napahawak siya sa pader. Sobrang bilis ng tibok ng kanyang puso na para bang ito'y sasambulat na sa kanyang dibdib. Ang mga palad at batok niya ay nagsisimula nang mag-pawis. Narito na naman muli ang pakiramdam na may sasalpok na kometa sa kanya.

Sinusumpong na naman siya ng kanyang anxiety attack.

Umupo siya saglit sa isang sulok, tumingala at ipinikit ang mga mata. Huminga siya nang malalim. Pakiramdam ni Father Mer anumang sandali ay bigla siyang tutumba at malalagutan ng hininga. Kumapit siya sa bangko at mas pilit pang pinakalma ang kanyang paghinga.

"Father, okay lang po kayo?" tanong sa kanya ng isa sa mga sakristan. Binalikan siya nito nang mapansin niyang hindi pala nakasunod ang pari sa kanila.

"Yes, yes. Okay lang ako. Just give me a second. Medyo nahilo lang ako dahil wala lang akong almusal kanina. You go ahead," sabi ni Father Mer na nakapikit ang mga mata habang nagsasalita.

"Gusto niyo po ba ng sandwich saka juice. May baon po ako," hirit ng sakristan. "Nakain po ba kayo ng tuna sandwich?"

"Thank you pero okay lang talaga ako. Kailangan ko lang magpahinga sandali. Sunod na lang ako sa inyo sa labas mamaya. Just give me ten minutes," pakiusap ng pari.

Nag-aalangan man, sinunod na lang ng sakristan ang kagustuhan ni Father Mer. Iniwanan niya ito at pinuntahan ang mga kapwa niya sakristan sa labas. Pagkalipas pa ng kinse minutos sila sinamahan ni Father Mer para pasalamatan at para sabihan na rin na  sana agahan nila ng dating sa Biyernes para makapag-almusal sila nang sabay-sabay.

Lumipas na ang anxiety attack.

Kinausap niya rin ang ilan sa parokyano at ilang miyembro ng mga taga-asosasyon. Napasarap ang huntahan kaya hindi namalayan ni Father Mer na alas onse 'y medya na pala.

Pumunta siya sa changing room at hinubad na niya ang suot na sutana. Nagpalit siya ng isang simpleng t-shirt at itim na slacks na pantalon. Tinanggal na rin niya ang mga sapatos at pinalitan iyon ng tsinelas. Saka na lang siya ulit magbibihis ng pang-pari. Tutal naman alas dos pa ng hapon at alas otso ng gabi ang mga susunod na misa.

Didiretso na muna siyang Casa para makapananghalian.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

"Bakit nand'yan ka pa? Ba't hindi na ka na muna matulog du'n sa likod bahay?" Pinakuluan pa ni Nana Conrada nang dagdag trenta minutos ang karne ng baka na gagamitin niya sa para sa beef steak ni Father Mer. Gusto kasi ng pari na malambot na malambot ang karne na halos mistula na itong sorbetes na natutunaw sa bibig.

"Mamaya na lang po, Nana. Nawala na antok ko." Kinusot-kusot ni Minggay ang mga mata. Nasa paanan niya si Ulap. Kinakagat-kagat nito ang mga daliri ni Minggay doon.

"Eh kung ganyan din lang, tulungan mo na lang akong magluto. Ikaw na kaya ang mag-saing. 'Yung rice cooker, nar'yan sa cabinet sa taas ng lababo. Bilisan mo't darating na 'yung pari. Nakita ko naglalabasan na ang mga tao sa simbahan," utos ni Nana Conrada habang naghihiwa naman ng bawang.

Nanlalambot na sinunod ni Minggay ang matanda at agad na sinimulan ang iniatang sa kanya. Si Ulap naman, tumigil na pagkagat ng mga daliri ni Minggay at umupo na lang malapit sa ref. Dismayado dahil gusto pa niyang makipaglaro.

Hindi alam ni Minggay kung bakit pa siya naroroon? Hindi siya mapakali. Gusto ba niyang makita kung paano lasunin ni Nana Conrada si Father Mer. Gusto ba niyang makitang bumubula ang bibig ng pari habang nagkikikisay ito sa sahig. O baka naman ayaw lang siya patahimikin ng kanyang konsensya. 

Sa dami ng mga tanong at iniisip, hindi na namalayan ni Minggay na sampung beses na pala niyang pabalik-balik na hinuhugasan ang bigas. Tinawag ni Nana Conrada ang kanyang atensyon. "Ano ka bang bata ka, ha? Ilang beses mo bang balak hugasan 'yang bigas? Baka nakakalimutan mo na hindi ka nagbabanlaw ng damit d'yan."

"Nana, ano po kasi..."

"Hep! Teka lang," itinaas ni Nana Conrada ang kanang kamay. "Bago mo ituloy 'yang sasabihin mo, isalang mo muna 'yang bigas sa cooker at nang maluto na agad."

Inilagay na ni Minggay ang hiwalay na cooking container sa loob mismo ng cooker at tinakpan ito. Pinindot niya ang "On" at saka ipinagpatuloy ang naputol niyang sasabihin. "Nana, ano po kasi... kung puwede huwag niyo na lang pong ituloy ang plano niyo... kay... kay... Father Mer. Baka puwede pong makaisip pa tayo ng ibang paraan."

Binitawan ni Nana Conrada ang sandok at saka siya hinarap. "Paraan, Minggay? Anong klaseng paraan? Sabihin mo nga sa'kin."

"Hi-hindi ko po alam. Pero makakaisip naman po siguro tayo," nauutal na pag-amin ng dalaga. "Hindi po ba kayo natatakot na baka mag-tanong ang mga pulis kapag nagsumbong ang taumbayan sa kanila kung bakit bigla na lang pong nawala na parang bula si Father Mer?"

"Sus! 'Wag mo ng isipin 'yang mga pulis-pulis na 'yan. Kumpare ni Jerry ang hepe ng pulis dito sa Villapureza. Madalas niya kainuman noon. Kaunting pampadulas lang katapat ng mga 'yan." Hinalo-halo ni Nana Conrada ang beef steak. Tinakpan niya ito ulit at pinakuluan pa nang limang minuto para masipsip maigi ng karne ang katas ng kalamansing isinahog niya.

Ilang sandali pa, narinig ng mag-lola na bumukas ang pinto ng bahay. "Nana?"

Si Father Mer!

"Father, dito po kami," tarantang sagot ni Nana Conrada. Nagmamadali niyang isinalin ang ulam sa isang malinis na mangkok. Pagkatapos, kinuha niya ang lason mula sa pitaka at ipinatak ang laman niyon ng tatlong beses sa beef steak. Sabi ni Mameng na sapat na ang dalawang patak, pero gustong makasiguro ng matandang kasambahay.

Nakangiti si Nana Conrada habang ginagawa niya iyon. Umiwas naman ng tingin si Minggay at sa halip, sumandok na lang din siya ng kanin galing sa rice cooker at inihain iyon sa lamesa.

"Father, tara na po. Kain ka na po. Nagluto ako ng paborito niyo pong beef steak," nakangiting aya ni Nana Conrada.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now