Chapter 21

258 9 0
                                    

Gising na si Nana Conrada bago pa sumapit ang alas kuwatro 'y medya ng umaga. Nagluto lang siya saglit ng sinangag at daing para sa almusal ng mga anak at lumarga na rin siya papunta sa katabing bayan ng Maasin. May dadaanan lang siya muna roon bago bumalik sa Casa.

Dala niya sa wallet ang pangalan ng taong pupuntahan doon. Isinulat iyon ni Manong Jerry para hindi niya makalimutan.

"Punta ka doon sa gilid ng simbahan ng San Simon. Ipagtanong mo lang sa mga taga roon kung nasa'n kamo si Mameng. Kilala siya du'n. Maaga pumupuwesto 'yon doon," bilin sa kanya ni Manong Jerry noong nagdaang gabi matapos nila mag-inuman sa rooftop.

Mabuti na lang at nakasakay na siya agad ng jeep at wala pang trenta minutos ay narating na rin niya ang terminal ng mga tricycle ng Maasin. Nagpahatid siya sa isa sa mga tricycle driver doon na naabutan niyang nagkakape pa habang nakikining ng balita.

"Mama, may kilala ka na Mameng na nakapuwesto raw sa simbahan?" tanong niya sa driver habang binabaybay na nila ang daan. Hindi siya kinibo ng driver. Baka abala sa pagmamaneho o baka hindi siya narinig sa ingay ng motor.

Kinakabahan si Nana Conrada sa plano nila ni Manong Jerry. Ang daming mali na puwedeng mangyari, pero wala na 'tong atrasan. Parang noong nagdaang gabi lang sinabihan pa niya si Manong Jerry na huwag gagalawin ang pari. Pero kalaunan, habang hinahatid niya sa gate ang lasenggong kaibigan, naisip ni Nana Conrada na may punto nga si Manong Jerry. Perwisyo na si Father Mer sa kanila. Hindi na sila makakakilos nang malaya sa Casa Del Los Benditos.

"'Nay, nandito na po tayo sa simbahan. 'Nay?" Nagulat siya sa tapik ng tricycle driver. Naglalakbay ang kanyang diwa at hindi na niya namalayan na nakarating na pala sila sa simbahan ng San Simon.

"Ay, pasensya na," kinuha niya ang pitaka sa bra at dumukot siya roon ng bente pesos.

Dagsa na ang mga mananampalataya sa simbahan kahit na mag-aalas sais pa lang ng umaga at marami pa ang parating. Alas siyete pa raw ang umpisa ng unang misa, pero ang ingay na ng paligid. Ang dami na agad na nakahambalang na mga sidewalk vendor at mga naglalako sa daan, abala sa pagtawag sa mga magsisimba. May nagtitinda ng lobo, palabunutan ng sisiw, naglalako ng sampaguita, nagbebenta ng suman at iba pang mga kakanin at kung ano-ano pa. Saan kaya niya hahanapin si Mameng sa gitna ng ingay na 'to?

Pumunta siya sa kaliwang gilid ng simbahan. Nagulat siya dahil mas siksikan pa yata ang mga tao roon na kumakain ng almusal sa magkakatabing kariton ng mga naglalako ng mainit na lugaw at champorado. Lumusong pa rin doon si Nana Conrada.

"Ineng, may kilala ka ba ritong Mameng?" sabi niya sa dalagitang naghuhugas ng mga pinagkainan ng mga customer sa isang balde ng tubig.

Kinalabit ng dalagita ang kasamang lalaki na siya namang naghahain sa mga customer ng tindang spaghetti na mukha yatang matabang dahil maputla ang sauce. "Uy, may kilala ka raw ba na Mameng?"

Nakatatlong kalabit pa ang dalagita bago siya nilingon ng kasama. "Ah, si Aling Mameng. Naro'n po siya 'Nay sa kabilang gilid ng simbahan. Sa may dulo po."

"Salamat apo," paalam ni Nana Conrada at agad na tinahak niya ang kabilang gilid ng simbahan.

Ganoon din ang kapal ng tao rito. Kung sa kabila ay puro pagkain ang tinda, doon naman ay sari-saring damit ang naka-display. Mula sa damit pambata hanggang pang-matanda. Sinuong ni Nana Conrada ang masikip na eskinita. Pagkarating sa gitnang bahagi, iba na ang mga tindang nakabuyangyang. May mga agimat, iba't ibang dahon ng pito-pito na nakalagay sa plastic, mga ugat-ugat ng halaman na nakalagay sa bote ng alak na nakababad sa kulay brown na likido. Mga herbal na pampakapit raw sa bata. At herbal ulit na pamparegla naman daw.

Nilapitan ni Nana Conrada ang nagtitinda ng panyo sa isang sulok. "May kilala ka ba dito na Mameng, apo?"

Itinuro ng lalaki ang isang tolda  ilang metro lang ang layo sa kanila. "Ayun po. Bakit? Magpapahula po ba kayo sa kanya?"

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon