Chapter 30

231 12 0
                                    

"Masdan mo, Father. Ito!--ito ang itsura ng impyerno. Dito tayo iniligtas ni Serberus. Magpasalamat tayo sa proteksyong ibinibigay niya!" Parang na-uulol na si Manong Jerry. Hindi mawari ni Father Mer kung nawala na sa katinuan ang hardinero dahil sa malaking ngiti na nakapaskil sa mukha nito.

Mula sa kanyang kinatatayuan, tanaw ng pari ang milyong-milyong katawan ng mga tao sa lagusan. Pawang mga butil ng buhangin sa sobrang dami. Kung ano-anong uri ng pagpapahirap at parusa ang ipinapataw sa kanila ng mga demonyong nakabantay sa kanila. Kahit anong pikit-dilat ang gawin niya, hindi mawala-wala ang mga imaheng iyon sa harap niya. Totoo ang impyerno!

Salamat sa ilaw na galing sa mga nagbabagang apoy ng lagusan, nakita ni Father Mer ang tulog pa ring si Isabel. Nilapitan niya ang kapatid at ipinatong ang ulo nito sa kanyang kandungan. "Nakikiusap ako, palabasin niyo na kami dito."

Pinuntahan ni Nana Conrada si Father. "Pasensya na Father pero kailangan naming ibigay ang kapatid mo sa kanya," tiningala niya ang istatwang santo. "Kung hindi, lahat ng nakikita mong kaluluwa sa pintuang 'yan, lahat 'yan maglalabasan papunta dito sa mundo natin. Tayong mga tao ang mapapahamak."

"Wala akong maintindihan sa mga basurang pinagsasabi ninyo!" Nagtalsikan ang mga laway sa bibig ni Father Mer, pero wala na siyang pakialam doon. Ang mahalaga lang sa kanya ay makatakas sila ng kapatid niya patungo sa isang ligtas na lugar.

"Father, paano kung sabihin ko sa'yo na may kapalit na gantimpala ang dugo ng 'yong kapatid? Magkakamal ka ng yaman. Wala ka nang aalalahanin hanggang sa iyong pagtanda. Kami na ang gagawa ng pag-aalay sa kanya. Basta wala kang ibang gagawin kung hindi ang hayaan kami," wika ni Manong Jerry. Pinagmamasdan niya ang mga demonyong nagliliparan sa pintuang lagusan. Dinadagit nila na parang mga daga ang mga kaluluwa at saka ililipad nila ang mga ito nang pagkataas-taas at pagkatapos ay ihuhulog sa dagat-dagatang apoy para sunugin.

"Wala akong pakialam sa mga gantimpalang 'yan! Ang gusto ko lang ay palabasin niyo kami dito. Ngayon din!" matigas na sagot ng pari.

"Buweno, sinubukan naman natin, Cora. Pero ayaw niya talaga. Minggay, ituloy mo na ang pag-aalay nang matapos na tayo," utos ni Manong Jerry sa dalaga.

Umiling si Minggay. "Ayoko po."

"Anong sabi mo?"

"Ang sabi ko ayoko. Ayoko! Ayoko! Ayoko na!"

Isang malakas na sampal ang pinakawalan ni Manong Jerry. Kumunekta ito sa panga ni Minggay at parang laruang manika ito na napasalampak sa sahig.

"Siraulo kang bata ka! Lumalaban ka na ngayon. Kami ang nagpakahirap ni Conrada sa paghahanap ng alay. Simple na nga lang ang gagawin mo - kunin ang dugo nila. Tapos ano? Tatraydurin mo lang kami, ha! Hindi ka karapat-dapat maging bantay. Sana noon pa lang sa amin na ni Cora ipinagkatiwala ang kuwintas. Wala kang silbi. Wala!" Umimbabaw si Manong Jerry sa patpating si Minggay. Pilit nitong inaagaw ang kuwintas na muli nitong isinuot. Ayaw ibigay ni Minggay ang alahas. Ikinuyom niya ang pendant sa mga kamay at inipit niya sa leeg ang mismong kuwintas.

Lalo lang nagngitngit sa galit si Manong Jerry. Hindi na niya gustong kunin ang kuwintas. "Ah, ganu'n ha!"

Gusto na niyang patayin ang may-ari nito. Hinawakan ng magagaspang niyang mga kamay ang leeg ni Minggay at unti-unti niya iyong idinidiin, hinihigpitan sa malambot nitong lalamunan.

Nagkakakawag si Minggay. Hindi na siya makahinga. Naluluha. Nauubo. Namumula na. Pinagkakalmot niya si Manong Jerry, pinagsasampal. Gusto niyang abutin at dukutin ang mga mata nito pero sa tuwing gumagalaw siya tila nababawasan ng doble ang hanging hinihinga niya. Ang bilis niyang nanghina.

"H-huwag p-po. May mga kapatid..." hindi na siya halos makapagsalita.

"Eh kung sa 'kin mo na lang ipinasa ang kuwintas, eh 'di sana wala sa atin ang mapapahamak. Ang tigas kasi ng ulo mo eh." Sumasayaw sa mukha ni Manong Jerry ang liwanag ng apoy na nagmumula sa lagusan. Sa biglang tingin, aakalain mong naging isa na siya sa mga demonyo.

"Huwag mong patayin ang bata! Bitawan mo siya Jerry!" awat ni Nana Conrada. Tumakbo siya at hinila ang t-shirt ng kaibigan. Pero desidido na talaga si Manong Jerry tapusin si Minggay.

Itinulak niya si Nana Conrada palayo, "Wag kang makialam!"

Palipat-lipat ng tingin si Father Mer sa tatlo. Gustong kunin ni Manong Jerry ang kuwintas na suot ni Minggay. Ayaw ibigay ni Minggay ang kuwintas habang si Nana Conrada inaawat si Manong Jerry. Lahat sila kaaway niya, pero hindi maatim ng kanyang konsensya na pagmasdan ang isang batang unti-unting pinapatay sa kanyang harapan. Pari siya. Alagad ng simbahan at tagapagtanggol ng karapatan ng bawat taong mabuhay sa mundong ito.

Lumalawit na ang dila ni Minggay. Ilang segundo na lang at tuluyan na itong titigil sa paghinga. Kahit na parang may isang daang karayom ang tumutusok sa kanyang tagiliran, pinilit pa rin ni Father na tumayo. At kagaya ng isang torong galit sa matador, sinugod niya si Manong Jerry at saka ibinunggo ang sarili dito.

Tumalsik ang hardinero at nagpagulong-gulong ito sa sahig. Pero sadya yata talagang matagal mawala ang masasamang damo. Nakuha pa rin nitong tumayo muli subalit hindi pa nga tuluyang nakakabangon ay nakita niya uli si Father Mer na mabilis na paparating papunta sa kanya. Para itong tren na nawalan ng preno at sinalpok siya nang malakas.

Naibuga ni Manong Jerry ang lahat ng hangin niya sa baga nang matamaan siya ng balikat ni Father Mer sa sikmura. Nawalan siya ng balanse at napaatras. Sinalo siya ni Nana Conrada subalit mahina na ito at hindi niya kinaya ang bigat ng kaibigan at ang momentum ng puwersa at kapwa na sila ngayon umaatras. Hanggang sa wala na silang maatrasan, wala na silang sahig na matapakan at naramdaman na lang nilang nahuhulog na sila sa lagusan.

"HUWAAAAAAAAAG!"

Sinalo ng mga naglipanang demonyo ang katawan ng dalawang matanda at parang bola nila itong pinagpasa-pasahan. Nagtawanan ang mga ito dahil may bago na ulit silang laruan.

Kusa at pabalagbag na nagsara ang pinto ng lagusan. Nawala ang liwanag na ibinibigay ng mga apoy ng impyerno kaya't muling nilamon ng dilim ang buong silid.

Hingal na hingal si Father Mer. Hinahanap niya kung saan nakahimlay si Minggay at ang ate niya subalit hindi na niya makita. Wala siyang ibang maaninag kung hindi ang nakaputing istatwa ng pari na nakatayo sa gitna.

Napansin niyang unti-unting gumagalaw ang ulo nito. Parang gusto siyang lingunin, pero hindi siya sigurado.

Basta ang alam niya pagod na pagod siya at kumikirot ang kanyang tagiliran. Napaupo si Father Mer at lalo pang dumilim ang paligid nang ipinikit niya ang kanyang mga mata at siya ay humiga at nakatulog.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon