Chapter 23

257 10 0
                                    

Sandaling tumigil si Minggay sa tabi ng kalsada. Sumandal siya sa poste ng kuryente para hindi matumba. Malakas ang tibok ng kanyang puso at nagbubutil-butil na ang pawis niya sa leeg. Kahit wala na ang bulong, parang may naiwan pa rin itong alingawngaw sa kanyang tenga.

Umusal siya ng maikling dasal kahit na hindi naman talaga siya relihiyosong tao. Humingi siya ng panibagong proteksyon at gabay sa panginoon kung ano ang gagawin sa tila bagong utos na gustong ipagawa sa kanya ni Serberus. Hindi pa ba sapat na sinusunod niya ang lahat ng gusto nito? Na mistula siyang alipin? Bakit kailangan pati si Ate Isabel? Bakit hindi na lang siya makontento sa mga dugong inaalay nila? Bakit kailangan pa niyang gawing komplikado ang lahat?

Gustong sumigaw at sabunutan ni Minggay ang sarili. Isinusumpa niya ang araw na tumapak siya sa Casa Del Los Benditos. Pinipigilan na lang niyang maiyak dahil nahihiya siyang makita ng mga taong dumadaan.

Kaysa mag-aksaya sa pamasahe, napagpasyahan ni Minggay na lakarin na lang ang papunta sa Casa. Baka sa paglalakad-lakad kausapin siya ng Diyos at sagutin nito lahat ng tanong na mayroon siya.

Ngunit narating na niya't lahat ang simbahan ay wala pa rin siyang sagot na nakuha. Dismayadong pumasok ng gate si Minggay at naabutang nag-uusap si Nana Conrada at Manong Jerry sa may hardin.

"Oh, isa pa 'to. Ba't ngayon ka lang? Hinahanap kayo ni Father Mer sa akin. Wala raw siyang almusal kanina pagkagasing. Ayun, nag-misa na lang siya nang walang laman ang tiyan. 'Yung sahig din daw puno ng alikabok. Bakit ba hindi kayo nakabalik nang maaga?" hawak-hawak ni Manong Jerry ang pruning shears. Katatapos lang niyang magtabas ng mga halaman.

"Pasensya na po. Tinanghali po kasi ako ng gising. May... may sasabihin po sana ako," hindi mapakali si Minggay. Nag-aalangan siyang ikuwento ang tungkol sa kanyang napaginipan.

"Ano ba 'yun, ha," dumiretso ng upo ang nakahilatang si Nana Conrada. Nagpapaypay ito at halatang kararating lang din mula sa kung saan.

"Nanaginip po ako kagabi. Ilang beses po akong nagigising, pero sa tuwing matutulog ako ulit, parehong panaginip pa rin ang nakikita ko. Si Serberus po. Nagpapakita siya sa akin. May gusto siyang sabihin." Napaupo na rin si Minggay sa tabi ni Nana Conrada. Nanlalambot ang mga tuhod niya sa mahabang lakaran ginawa niya kanina.

"Magsalita ka, anong gusto niyang iparating sa'yo?" bahagyang yumuko si Manong Jerry para mas marinig nang maigi ang mga susunod na salitang bibitawan ni Minggay.

Huminga nang malalim ang dalaga. "Gusto ni Serberus na ialay natin sa kanya ang kapatid ni Father Mer, si Ate Isabel."

Pansamantalang natigilan ang tatlo. Hindi nila alam ang sasabihin o marahil nag-iisip kung anong dapat gawin sa bagong impormasyon na mayroon sila. Umihip ang malamyos na hangin at isinayaw nito ang samu't saring mga halaman sa paligid.

"Eh, 'di ayos na pala. Buti nga't hindi na tayo mag-iisip at maghahanap pa kung sino ang susunod nating alay. Pinadali niya trabaho natin," saad maya-maya ni Manong Jerry.

Nagulat si Minggay sa tinuran ng hardinero. "Pero po ang kasunduan natin ay mag-aalay lang tayo ng masasamang tao. 'Yung mga magnanakaw, 'yung mga pumapatay din ng iba. 'Yung mga nanggagahasa. 'Yung mga ganu'n po. Pa'no na po 'yun?"

"Alam mo ineng tayo lang naman ang gumawa ng kasunduang 'yan at hindi si Serberus. Sa huli, siya pa rin ang masusunod. Siya ang may huling salita. Kung gusto niyang inumin ang dugo ng kapatid ni Father Mer, aba'y may magagawa ba tayo?" wika ni Manong Jerry. Dumahak siya ng plema at saka idinura iyon sa damuhan.

Sumabat na rin si Nana Conrada. "Parang talagang sinasadya tayo ng tadhana, ano. Sinunod ko na payo mo."

Bumaling si Manong Jerry kay Nana Conrada. "Alin du'n? Ang dami ko nang ipinayo sa'yo mula pagkabata natin."

Natawa si Nana Conrada. "Hindi 'yun.
Wala namang mga kuwenta 'yun. Ang tinutukoy ko 'yung napag-usapan natin kagabi."

Naguguluhan na si Minggay sa mga pahapyaw ni Nana Conrada. "Ano po ba pinag-usapan niyo kagabi?"

Si Minggay naman ang hinarap ni Nana Conrada at halos pabulong itong nagsalita. "Balak na rin naming idispatsa 'yang si Father Mer. Sagabal na siya sa pamumuhay natin dito sa Casa."

"Ha? Pinuntahan mo nga si Mameng sa Maasin? Akala ko naman hindi ka seryoso nu'n," inilapag ni Manong Jerry ang kagamitan at naki-upo na rin siya sa bench.

"Ano ka ba. Hindi ko ipapasulat sa'yo sa pangalan nu'n kung nagbibiro lang ako." Inilibas ni Nana Conrada ang wallet sa bra at kinuha mula roon ang maliit na botelya ng luha ni Hudas. Ang lason na kikitil sa pari.

"Hindi! Ayoko! Hindi ako papayag! Ayoko!" Napatayo bigla si Minggay.

"Huy! 'Wag kang ngang sumigaw d'yan!" saway ni Nana Conrada. "Sige ka't baka may makarinig sa'yo."

"P-pero... bakit si Father Mer? A-anong ginawa niya? Hi-hindi po ba kayo natatakot na pumatay ng pari? Pa'no po kung hanapin siya ng mga nagsisimba rito?" Nagtayuan balahibo ni Minggay sa braso at batok.

"Bakit Minggay, ni minsan ba hindi ka pumatay ng pari?" balik sa kanya ni Nana Conrada. "Ang bilis mo naman yata makalimot. 'Di ba nga sinunog mo nang buhay si Father Eman doon sa second floor? 'Di ba 'yan ang kuwento mo sa akin?"

Parang binigyan ng malakas na sampal ni Nana Conrada si Minggay sa mukha. "Iba naman po 'yun. Pinagtanggol ko lang po sarili ko."

"Pinagtatanggol? Ineng Minggay, ano ba sa tingin mo ginagawa namin dito? Hindi ba't ipinagtatanggol lang din namin ang sikreto ng simbahang ito? Ano sa tingin mo ang gagawin ni Father Mer kapag nalaman niya ang tungkol kay Serberus at sa lagusan?" mabilis na sagot sa kanya ni Nana.

"Bakit kasi hindi na lang natin sabihin sa kanya ang totoo? Pari po siya, alagad ng Diyos. Baka makahanap siya ng paraan kung paano mapapa--" hindi na itinuloy ni Minggay ang sasabihin. Natatakot siyang marinig ng nilalang na nasa ikalawang palapag

"Ineng, daan-daang taon nang nandirito ang lagusan. Napakahabang panahon na ang lumipas. Napakarami ng pari o kung sino pa man ang dumating dito at nagpaalam. Sa tingin mo ba ni isa sa kanila walang sumubok kung paano wawakasan 'yang nariyan sa second floor ng bahay. May nagtagumpay ba? Sagutin mo ako," hindi inaalis ni Manong Jerry ang pagkakatitig kay Minggay. Gusto niyang ipadama sa dalaga ang kanyang sinseridad.

Umiling-iling si Minggay.

"Walang nagtagumpay," patuloy ni Nana Conrada. "Kailangan nating tanggapin na kabahagi na si Serberus ng mga buhay natin sa ayaw at sa gusto natin. At kailangan din nating protektahan ang sikretong ito laban sa mga taong gustong ipahamak hindi lang tayo kundi pati na rin ang kapakanan ng mundong ito. Kabilang na riyan si Father Mer. Sa tanda naming ito ni Jerry, marunong na kaming kumilatis ng mga tao at hindi namin puwedeng pagkatiwalaan 'yang pari na 'yan. Naintindihan mo ba, Minggay?"

Nakayuko lang si Minggay. Para sa kanyang murang isip, may punto ang mga sinabi sa kanya ng dalawang matanda. Wala siyang maisip na sasabihin. Kinagat na lang niya ang kanyang labi.

"Buweno, kailan mo ba balak simulan 'yang plano, Cora?" tanong ni Manong Jerry.

"Ngayong tanghali. Ihahalo ko na 'to sa iluluto kong beef steak na uulamin niya." Inalog-alog ni Nana Conrada ang laman ng maliit na botelya at pagkatapos ay muli niya iyong isinilid sa kanyang bulsa.

"Eh, ikaw. Si Isabel, umpisahan mo ng tiktikan at baka makawala pa 'yan. Special request pa naman 'yan ng nasa taas," nakanguso si Nana Conrada sa second floor ng Casa.

"Oo na. Hay buhay!" tinatamad na sagot ni Manong Jerry at saka ito naglakad na palayo para ibalik ang pruning shears sa lagayan nito.

Humayo na rin si Nana Conrada. "Mauna na ako at umpisahan ko ng magluto ng beef steak. Kung gusto mo matulog ka na lang muna sa likod. Tingnan mo nga 'yang itsura mo, oh. Ang itim-itim na ng ilalim ng mata mo. Gisingin na lang kita kapag nadala na ni Manong Jerry mo si Isabel."

Iniwanan ng dalawang matanda si Minggay sa hardin kapiling ang mga bubuyog, para-paro at isang baul ng kalungkutan.











Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now