Chapter 29

223 8 0
                                    

Sapo ni Father Mer ang nalamog niyang tagiliran. Nakasandal siya sa mainit na pader ng silid. Ginapang niya ang apat na dipang layo mula sa puwesto niya kanina hanggang sa kasalukuyan niyang kinalalagyan kahit na halos panawan na siya ng ulirat. Pinanood lang siya ni Manong Jerry na parang insektong tinanggalan ng mga paa.

"Anong kasalanan namin sa inyo? Bakit nandito ate ko? Anong ginawa niyo sa kanya?"

"Sssssh, huminahon ka, Father. Kailangang mangyari ang dapat mangyari?" si Nana Conrada.

"Anong hinahon? Anong dapat mangyari? Hindi ko kayo maintindihan!" Nagpalipat-lipat ng tingin si Father Mer kina Nana Conrada at Manong Jerry. Naghihintay ng kapaliwanagan.

"May sumpa ang bahay at simbahang ito. Sumpang nandirito na simula noong itatag ang haligi ng mga gusaling ito. May bantay na kailangan naming pakainin para iligtas tayong lahat sa kapahamakan," nanlalaki at namumula ang mga mata ni Manong Jerry habang nagsasalita.

"Anong pinagsasabi niyo! Hindi ko kayo maintindihan! Mga hayop kayo! Anong ginawa niyo sa kapatid ko!" atungal ni Father Mer. Napangiwi siya dahil sa biglaang pagkirot ng kanyang tagiliran.

"Minggay, ikaw na ang magpaliwanag sa kanya kung sino ang nasa likod ng lahat ng 'to. Ipakita mo sa kanya ang tunay na anyo ni Serberus." Nag-aapoy naman ang mga mata ni Manong Jerry ngayon. Dahil iyon sa repleksyon ng liwanag ng mga lamparang nakakalat sa buong kuwarto.

Hindi kumikilos ang dalaga. Nakaluhod lang si Minggay sa tabi ng wala pa ring malay na si Isabel. Nahimatay ang ate ni Father Mer dahil sa kasisigaw kanina.

"Ayoko po. Itigil na po natin 'to," pakiusap ni Minggay.

Sinugod siya ni Nana Conrada at dinakot ang buhok nito. "Anong tigilan? Ikaw! - ikaw mismo ang nagsabi na gawing alay si Isabel. Iniutos kamo sa'yo ni Serberus!"

Halos nakatingala na si Minggay dahil sa sabunot. Pilit nitong inaalis ang mga kamay ng matanda na nakabuhol na yata sa kanyang buhok. "Wala po silang kasalanan. Ayoko na pong pumatay. Ayoko na pong mag-alay."

"Sandali. Anong patay? Anong alay?" sabat ni Father Mer.

"Tumahimik ka!" bulyaw ni Manong Jerry. At pagkatapos si Minggay naman ang kanyang binalingan. "Ipakita mo sa paring ito ang tunay na anyo ng istatwang ito. Ilabas mo siya Minggay nang wala na tayong mahabang paliwanagan."

"Ayoko po."

Dinampot ni Manong Jerry ang balaraw sa kanan ni Minggay. Kanina pa ito nakalapag kasama ang maliit na mangkok na paglalagyan sana ng dugo ni Isabel. "Ayaw mo o gigilitan kita sa leeg? Mamili ka."

Naka-amba na ang kutsilyo sa mukha ni Minggay. Sa maiksing sandaling iyon, dumaan sa harapan niya ang mga mukha ng kanyang mga kapatid. Hindi pa siya handang iwan sila."O-opo. Gagawin ko na po. O-opo."

Dahan-dahang binitawan ni Nana Conrada ang nagulong buhok ni Minggay. Tumayo si Minggay at hinubad ang kanyang kuwintas na may pendant na susi. Itinaas niya iyon sa istatwang pari na nasa kanyang harapan.

"Serberus! Ipakita mo sa amin ang tunay mong hitsura! Serberus, tinatawag kita! Ilabas mo ang tunay mong anyo!"

Walang nangyari. Walang kulog o kidlat. Walang mahiwagang usok. Walang liwanag, kidlat o ingay man lang. Hindi gumalaw ang istatwa. Nakabibinging katahimikan ang nangibabaw.

Kung tutuusin kahit naman hindi tawagin ni Minggay si Serberus, kusa naman itong gumagalaw - iyan ay kapag gusto ng demonyo. Pero sa mga sandaling iyon, mukhang wala itong ganang sumali sa sarswela ng mga taong nasa paanan niya ngayon. Nagtatalo-talo sila at nag-aaway-away. Mas naaaliw yata ito na panoorin na lamang sila.

"Ayaw po. Hindi ko po alam kung bakit ayaw niya po gumalaw," sumbong ni Minggay kay Manong Jerry.

Napa-palatak si Manong Jerry. "Hindi pupuwede 'yan. Tawagin mo ulit. Ulitin mo nga."

Itinaas ulit ni Minggay ang kuwintas na halos naka-tingkayad na siya. "Serberus, tinatawag kita. Ipakita mo sa amin ngayon ang tunay mong itsura!"

Wala pa ring gumagalaw maliban na lamang kay Nana Conrada na nagkakamot ng ulo. Mukhang pati siya ay napahiya.

"Ang pinto. 'Yun na lang. Ipakita mo kay Father ang nasa likod ng pintong 'yun. Tingnan ko na lang kung hindi pa siya maniwala d'yan. Ipakita mo sa kanya ang lagusan," nakaturo si Nana Conrada sa isa pang pinto na nasa bandang likuran pa ng silid.

"Nana, baka po kasi..."

"Dalian mo na. Utang natin kay Father na maipakita man lang natin sa kanya ang totoo kapalit ng buhay nilang magkapatid," may lungkot sa boses ni Nana Conrada.

"Ano? Papatayin niyo kami ng ate ko? Sa anong dahilan?" Walang pumansin sa tanong na iyon ni Father Mer.

Lumakad si Minggay papunta sa pinto ng lagusan kahit na tutol ang kanyang kalooban. Nagsimulang may maulinigan si Father Mer na mga tinig. Kanina pa niya naririnig ang mga tinig na iyon. Mga tinig ng mga umiiyak at nanaghoy at tumatangis na hindi niya talaga alam kung saan galing o baka nasa isip niya lang. Subalit habang papalapit nang papalapit si Minggay sa pintong tinutukoy ni Nana Conrada, ang mga tinig na naririnig ni Father Mer ay palakas nang palakas at sigurado na siya na sa pintong iyon galing ang mga ito.

Isinuksok ni Minggay ang susi sa butas ng doorknob, pinihit niya ito at saka hinila. Pagbukas, isang mainit at mabahong singaw ng hangin ang bumuga sa kanilang lahat. Napatakip sila ng ilong at nagsipag-sayawan ang mga apoy ng mga lampara sa sahig.

Ngunit, isang madilim at itim na itim na kuwarto ang bumungad sa kanila. Walang kahit ano. Parang langit na walang bituin sa gabi. Parang isang papel na ginuhitan ng kulay itim na krayola.

"Nasa'n ang lagusan? Bakit... 'Di ba dapat ano... Sabi mo Cora nariyan ang impyerno. Bakit ganyan ang itsura? Wala tayong makita," lumapit din si Manong Jerry sa may pinto para mas makita nang maigi ang laman ng kabila nito.

"Oo nga, Minggay. Bakit ganyan? Nasa'n na yung mga demonyo? Yung mga kaluluwang pinahihirapan nila, nasa'n na? Alam kong ayan ang mismong pinto ng lagusan ng impyerno. Pinakita na sa 'kin 'yan noon ni Father Greg." Tinabihan na rin ni Nana Conrada si Manong Jerry.

"H-hindi ko po a-alam..." hindi na natapos ni Minggay ang sasabihin. Sumemplang silang lahat nang biglang umihip ang isang malakas na hangin. Namatay ang mga ilaw sa mga lampara at pansamantalang nabalot sa karimlan ang buong silid.

Maya-maya, napansin na lang nilang unti-unting nawawala ang kulay itim sa pintong lagusan. Papalayo ito nang papalayo hanggang sa kinilabutan silang lahat sa kanilang natanto. Ang kanila palang nakikita ay ang loob ng ilong ng isang pagkalaki-laking demonyo. Inaamoy sila nito. Inaalam kung ligtas ba silang kainin. Lumayo ang higante mula sa pinto at nakita nilang lahat ang tunay na anyo nito. May katawan ito na kagaya ng sa tao subalit ang mga braso, binti at ulo nito ay kagaya ng sa kambing. May mahaba itong balbas na umaabot sa pusod nito at sungay na katulad ng sa kalabaw subalit mas mahaba. Ang mga mata nito ay may ilaw na kulay kahel at berde. Sa bawat hakbang nito, daan-daang mga katawan ng mga kaluluwang pinarurusahan ang kanyang tinatapakan, ang kanyang dinudurog sa kanyang paanan. Wala itong pakialam kahit magmakaawa ang mga ito sa kanya. Lumusong ang dambuhalang demonyo sa dagat-dagatang apoy at saka ito lumubog doon at naglaho na parang buwaya sa ilog. Kasama niyang pumailalim ang ilan pang mga kaluluwa na humihingi ng awa. Ang iba pang mga maliliit na demonyo na kasing-laki lang ng normal na tao at may pakpak na malalapad, nagsipag-palakpakan at nagtatalunan sa pampang. Tuwang-tuwa sa kanilang namalas.

Isang pagkalakas-lakas na sigaw ang kumawala sa bibig ni Father Mer. Sigaw na magpapakulo sa dugo ng kahit na sino kapag narinig.

"Tulungan niyo ako! Parang awa niyo na. Palabasin niyo ako dito! Ayoko pang mamatay!" iyak ng pari habang paika-ikang hinihila, pinipihit at sinusuntok-suntok ang doorknob palabas ng silid ni Serberus. Gusto niyang buhatin ang Ate Isabel niya pababa sa ground floor ng bahay, palabas ng Casa Del Los Benditos at palayo sa nakapanghihilakbot na bagay na kanyang nasaksihan.

Subalit sa kasamaang palad ay ayaw nitong mabuksan.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon