Chapter 35

237 14 4
                                    

Hindi na binati ni Father Mer ang kanyang parokyano pagkatapos niyang mag-misa. Lumabas siya sa gilid na pinto ng simbahan at hinanap niya si Minggay sa tulugan nila ni Nana Conrada sa likod ng Casa Del Los Benditos.

Naabutan niya ang dalaga na nagsasampay ng mga nilabhang kurtina malapit sa poso kahit makulimlim ang langit. Tinawag niya sandali si Minggay para samahan siya.

"Sigurado ka bang wala ka ng ibang paraang alam para matalo si... 'yung... 'yung nasa itaas natin," halos pabulong na ang pagsasalita ni Father Mer. "'Di ba sabi mo kahapon na puwede kang humiling ng kahit ano sa kanya basta't mag-aalay ka lang ng dugo? 'Di ba naikuwento mo sa 'kin na nag-wish ka noon kay Serberus na sana huwag nang ituloy ng mama mo ang utos sa'yo na nakawin ang korona ng mahal na birhen. Tapos sabi mo kinabukasan bigla siyang nabundol ng tricyvle at ngayon ay paralisado na siya. E, 'di ibig sabihin tinupad nga ni Serberus ang wish mo. Hindi 'yung basta nagkataon lang. Ang gusto ko lang naman sabihin is pa'no kung mag-alay ka ulit ng dugo sa kanya at i-wish sa kanya na umalis na siya sa mundong ito at bumalik sa impyernong pinanggalingan niya. Pa'no kung gamitin mo ang kapangyarihan niya laban mismo sa kanya."

Napailing si Minggay. "Naisip at sinubukan ko na rin po 'yan Father."

Ipinakita ni Minggay ang isang mahabang peklat sa kanyang braso. "Dati po, naglaslas ako at inalay ang dugo sa kanya kapalit ng isang kahilingan na umalis na siya rito sa mundo natin at bumalik na kung saan siya nanggaling, pero Father wala pong epekto sa kanya. Tinawanan niya lang ako. Inulit ko po pagkatapos ng ilang araw gamit ang dugo naman ng isa sa mga alay. Pero wala ring nangyari. Kaya naisip ko Father na hindi epektib ang mga kahilingan kung ang kahilingan ay gagamitin laban sa kanya."

Nagsalubong ang mga kilay ng pari at rumehistro ang pag-aalala sa kanyang mukha. Kapwa sila hindi nagsasalita ng ilang minuto hanggang sa hindi na nakatiis si Minggay at diniretso na niya ang pari.

"Father, ano po bang iniisip ninyo? Mukha pong may malalim kayong iniisip. Tungkol po ba saan 'yan?"

Dahan-dahang humarap si Father Mer kay Minggay. "May sasabihin ako pero hindi rin ako sigurado kung ano ba talaga 'to. Pero kasi sa tingin ko nahanap ko na ang sagot kung paano natin siya matatalo. Kaya lang medyo kumplikado kasi. Noong second day ko rito sa Casa, nakapulot ako ng isang diary na nakatago sa ilalim ng isa sa mga baitang ng hagdanan..."

At doon na nga ikinuwento ng pari ang lahat sa dalaga. Hindi siya sigurado kung tama ba ang ginagawa niya dahil hindi niya alam kung talagang kaibigan ba o kaaway si Minggay. Hindi rin niya kasi maalis sa isip ang ginawa nitong pagpatay sa mga alay kahit na sabihin na nating napilitan lang siyang gawin ito. Kahit saang anggulo tingnan ay mali pa rin ang kanyang ginawa. Pero sa mga sandaling iyon ay wala na siyang ibang alam na matatakbuhan. Alangan naman sa barangay o sa pulis siya magsabi. Puwedeng sa obispo niya pero pa'no kung imbes na paniwalaan ay idiin pa siya nito.

"At ito... ito ang pinakamatindi sa lahat. Ang sabi sa diary ni Father Mauricio ay kailangan kong ialay ang buhay ko para matalo ang kadiliman. Hindi ko alam kung kaya ko Minggay. Hindi ko alam..." nakangiti si Father Mer habang nagsasalita pero halatang ginagawa niya lamang iyon para labanan ang lungkot sa kanyang tinig. "Hindi ko alam kung anong mangyayari sa ate ko, Minggay. Tulala na siya ngayon at ayaw magsalita. Sinong mag-aalaga kay Ulap 'pag nawala ako? Parang 'di pa ako handang mamatay."

Doon na napahagulgol si Father Mer. Para siyang nahuhulog sa isang walang katapusang balon. Ganito pala ang pakiramdam na mawalan ng pag-asa. Sa kabilang banda, hindi maiwasan ng pari na para bang pinaglalaruan din siya ng tadhana. Kung noon gustong- gusto na niyang maglaho at kainin ng lupa dahil sa depresyon at anxiety, ngayon na ibinibigay na sa kanya ang matagal na niyang hiling, saka naman siya umaayaw.

Hindi makapagsalita si Minggay. Inabot sa kanya ni Father Mer ang kaputol ng pahina at binasa niya iyon. Naalala niyang ito ang napulot niyang mga napilas na papel kahapon sa silid ng pari. Binasa niya muli ang mga nakasulat at sa pagkakataong iyon ay unti-unti na siyang namulat sa kahulugan nito.

Subalit hindi niya alam kung ano ang sasabihin o gagawin sa katabing panay ang pag-iyak. Hindi niya alam kung aabutan ba niya ito ng panyo o bibigyan ng payo. At anong payo naman kung sakali ang maibibigay ng isang menor de edad na katulad niya na wala pang karanasan sa mundo? Anong bang puwede niyang sabihin upang kahit papaano ay bumuti ang pakiramdam ng pari? Sa huli, itinikom na lang niya ang bibig at hinayaan na lang si Father Mer.

"Kailangan ko nang mag-desisyon sa lalong madaling panahon. Salamat Minggay sa pagsama sa akin," biglang sabi ni Father Mer maya-maya. Pinunasan nito ang mukha at saka kinuha ang katabing bag sa bench at sumakay na ng tricyle pabalik sa Villapureza Inn.

Tulog na si Isabel pagkarating niya. Maayos ang kuwarto nila at ang pinagkainan ng kanyang ate na fastfood ay nakalagay na sa basurahan. Sinabi sa kanya ng receptionist na lumabas sandali ito para bumili ng hamburger sa katapat na restaurant. Hindi nito ginalaw ang mga tinapay na iniwan niya.

Napangiti si Father Mer. Ibig sabihin kasi nakakapagsalita pa rin pala ang kanyang ate dahil nagawa nitong umorder ng pagkain. Pero bakit hindi na kagaya ng dati? Bakit hindi ito normal kapag kasama siya? Palaisipan pa rin kay Father Mer ang nangyari kay Isabel. Pero maigi na rin na nalaman niya iyon dahil kahit papaano alam niyang makakakilos at mabubuhay ng maayos ang kapatid kung sakaling wala na siya.

At si Ulap. Paano na si Ulap? Kanino niya ipagkakatiwala ang alaga? Puwede siguro kay Minggay. Nakita niya kasi minsan ang dalaga na inaamo ang aso sa kalsada noong bagong dating palang siya. Mukhang mahilig at mapagmahal sa mga hayop si Minggay dahil sa paraan ng pakikipaglaro at pakikitungo niya sa mga ito. Baka puwede niyang ihabilin si Ulap sa kanya.

Nanakit ulit ang dibdib ni Father Mer. Hindi pa man ay parang nadudurog na ang kanyang puso sa kaiisip na baka hindi na nga niya makita ang ate at ang pinakamamahal niyang alaga.

Pabaling-baling si Father Mer sa kanyang higaan hanggang alas-kuwatro ng umaga. Ayaw siyang patulugin ng kanyang pag-aalala. Binuksan niya ang TV at hinayaan niya lang magsalita nang magsalita ang newscaster sa screen kahit na hindi naman niya talaga ito pinapakinggan. Naglalakbay kung saan-saan ang kanyang isip.

Pagkaraan ng isang oras, pinatay na rin niya ang TV at saka naligo at nagbihis ng maong na pantalon at simpleng puting t-shirt. Sa gitna ng pagsusuot ng damit, bigla ulit siyang nakadama ng lungkot at takot at siya ay napahagulgol sa sahig. Bakit ba niya kailangang ialay ang sarili sa demonyo? Bakit siya pa?

Sinagot din naman niya ang sarili. Siya ang napili dahil iyon ang kagustuhan ng Diyos Ama sa langit at bilang isang alagad, kailangan niyang tuparin ang itinakda nito dahil kung hindi, walang katapusang siklo ng marahas at bayolenteng pagpatay ang magaganap nang paulit-ulit. Walang katapusang pag-aalay ng dugo at buhay. Kailangan nang putulin ang sumpa upang hindi na ito maipasa sa iba at para na rin sa kaligtasan ng mundo.

Pero hindi pa ba sapat ang mga paghihirap na dinanas niya? Ang dami naman d'yang iba na puwede pero bakit siya na puro kalungkutan at hirap ang dinadala mula pagkabata. Mga aso lang niya ang nagpapasaya sa kanya at ngayon nga ay magkakahiwalay na sila.

Pinunasan ni Father Mer ang mga luha at dinampot niya ang kanyang krusipiho, bibliya at ang diary ni Father Mauricio. Sama-sama niya iyong isinilid sa kanyang backpack. Tinignan niya si Isabel na hanggang noong mga oras na iyon ay naglalaway pa sa kanyang higaan.

"Paalam ate at salamat sa lahat," ang maiksi niyang sabi.

Lumabas siya sa pintuan ng kanilang tinutuluyan. Handa na siyang ialay ang kanyang sarili sa demonyong may tatlong ulo ng aso. Pero bago iyon kailangan niya munang makausap si Minggay.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now