Chapter 19

272 7 0
                                    

"Sino sabi 'yan eh!" bulyaw ni Father Mer sa sinumang nasa labas ng pinto.

Hindi ito sumasagot. Tuloy-tuloy lang ito sa pagkatok at sige pa rin ito sa pagpihit ng doorknob. Lumabas ulit si Ulap mula sa ilalim ng kama. Umalulong ito at tila nilakasan pa lalo ang pagtahol.

"Ulap, stay here! Ulap!" tinatawag ni Father Mer ang alaga pero parang hindi siya nito naririnig.

"Hindi ko bubuksan ang pinto hangga't 'di ka nagpapakilala." Wala pa rin. Dinadaga na ang dibdib ni Father Mer. Tumayo siya at sumilip sa bintana. Wala kahit isang kaluluwa siyang nakita sa labas. Mga kinse minutos na lakaran pa ang layo ng kasunod niyang kapitbahay. Maririnig kaya siya ng mga nakatira doon kung sakaling sumigaw siya ng saklolo?

Nagpalinga-linga si Father Mer. Sandata--kailangan niya ng sandata. Proteksyon sa sarili kung sakaling masamang tao ang nasa labas ng pinto.

Wala siyang nakita na kahit ano na sasapat maliban sa tabo. Kinuha niya iyon.

"Kapag hindi ka pa umalis, tatawag ako ng pulis!" banta niya kahit wala naman siyang telepono sa kuwarto.

Ayaw pa rin nito tumigil. Ano bang puwede niyang gawin? Huminga siya nang malalim. Nakaisip siya ng plano.

Bubuksan niya ang pinto, sabay tago sa likod nito. 'Pag pumasok na ang kawatan saka niya ito susurpresahin ng malakas na hampas ng tabo sa ulo habang ito ay nakatalikod.

Pumuwesto na si Father Mer. Isa pang hinga nang malalim. Isa... Dalawa... Tatlo!

At hinigit niya ang doorknob.

Bigla namang bumulusok na parang motor na humaharurot si Ulap palabas ng kuwarto. Maya-maya, may tumili. Boses babae.

"Ay, naku kalabaw ka! Ay! Ay! Ano ba 'yang aso mo, Merlindo! Hoy!"

Agad na lumabas si Father Mer mula pinagtataguan nito. Nakita niyang kagat-kagat at pilit na hinihila ni Ulap ang laylayan ng palda ng babae.

"Ate Isabel?"

"Oo! Kanina pa ako tawag nang tawag, bakit hindi mo ako pinagbubuksan? Kanina pa ako d'yan sa gate, ah. Nasa'n na ba mga kasama mo rito?"

Nagtaka si Father Mer. Kanina pa raw tinatawag, pero wala naman siyang naririnig.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Tastas na ang laylayan ng paldang suot at hindi na maipinta ang mukha ng kanyang Ate Isabel. Nilibot nito ng tingin ang buong kuwarto ni Father Mer at lalo pang nadagdagan ang pagkadismaya nito. Binuhat ni Father Mer si Ulap at saka pansamantala muna itong ikinulong sa may hardin.

"Ilang beses ko ba naman sasabihin sa'yo na ang tulugan ng tao ay para sa tao lang. Hindi ka dapat nagpapapasok ng mga hayop dito. Tingan mo nga 'tong kuwarto mo, ang dami ng balahibo." Hindi ginagalaw ni Ate Isabel ang hiniwang buko pie na nasa platito at pasalubong niya para sa kapatid.

"Ate, hindi ko puwedeng patulugin sa labas ang aso ko at baka ma-pa'no. Hindi ko siya puwedeng pabayaan. Pare-pareho kaming hindi kabisado lugar na 'to. Namatayan na nga ako ng isa kamakailan lang dahil nasagasaan." Isusubo na sana ni Father Mer ang buko pie kaya lang nawalan na siya ng gana nang maalala si Kape.

Parang wala lang ang sinabi niya. Tumayo si Ate Isabel at tila mayordoma sa palasyong ininspekyon ang silid ni Father Mer kahit na nasuyod na niya ito noong unang bisita niya sa Casa. "Maganda nga ang kuwarto. Mukhang mamahalin ang itsura. Ang kaso, ang gulo-gulo dito. Ang kama, hindi nakaayos. Ang punda ng mga unan parang lampas isang linggo nang hindi napapalitan. Ayan oh, may mga bakas pa ng laway. Anong silbi ng mga kasambahay mo dito? At ito---," binuksan ni Ate Isabel ang aparador. "Itong mga damit mo dito parang kinalahig ng manok. Bakit ganito 'to? Merlindo, paalala ko lang sa'yo, ha. Kuwarenta siyete ka na. Hindi ka na dose anyos. Hindi kita pinalaking burara."

"Magpo-forty six pa lang," pagtatama ni Father Mer.

"Sabihin na natin na bente uno ka lang, hindi pa rin dahilan 'yon para maging ganito ka ka-iresponsable. Huwag mong sabihin na ganito ka rin noon sa Vatican. Aba! Mahiya ka sa mga kasama mong pari doon." Patuloy sa paglibot sa kuwarto si Ate Isabel habang pinangangaralan si Father Mer. Pumunta ito sa kasilyas at pinindot ang switch ng ilaw. "Mahabaging langit! Ano ba naman, Merlindo. Kaganda ng kubeta mo pero ang panghi! Mano man lang buhusan mo. Ayan oh, ang dilaw dilaw na ng tubig."

Nanakbo agad si Father Mer sa kubeta. Nalimutan niyang lagyan ng tubig ang cistern ng inidoro kaya hindi siya nakapag-flush kanina. Nang matapos, walang imik na bumalik siya sa kanyang kinauupuan.

"Ano 'to?" hawak ni Ate Isabel ang diary ni Father Mauricio. Binuklat ito ni Ate Isabel at namilog ang mga mata niya sa mga nakita. "Por Diyos! Ano ba tong mga naka-drawing dito. Bakit may mga  demonyo?"

Muntik pang madapa si Father Mer nang hablutin niya bigla ang notebook mula sa kamay ng kapatid. Sa sobrang bilis ng paghablot, napilas pa nga ang isa o dalawang pahina nito. "Akin na 'yan, ate!"

Nabuwisit si Father Mer sa nakatatandang kapatid. Bakit ba kasi ang hilig-hilig nitong mangialam. Mula sa ayos ng kanyang kuwarto hanggang sa mga desisyon niya sa buhay. Hindi sa kanya ang notebook, pero para kay Father Mer sagrado ang mga nakasulat dito at ayaw niya iyong makita ng ibang tao.

"Hoy, Merlindo. Bakit may demo-demonyo at mga nakahubad d'yan? Anong kalokohan 'yan? Umayos ka, ha! Sinasabi ko sa'yo," nakapamewang si Ate Isabel. "Baka kung ano na 'yan. Naku 'pag 'yan nakita ng mga superior mo, baka hindi ka pabalikin sa Italya. Nakausap ko pa naman si Bishop Teves. Pumayag na siyang ibalik ka sa Vatican."

"Ha?"

"Ang sabi ko malaki ang chance na ma-assign ka na ulit sa Vatican next month," ulit ni Ate Isabel.

Napailing si Father Mer. "Ayoko ate. Gusto ko dito. Kaya nga kahit na dito sa malayong probinsya ako nilagay, pinag-tyagaan ko na dahil ayoko na doon sa Roma."

"Anong pinagsasabi mong ayaw mo d'un? Hoy, Merlindo, hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon na makapangibang bansa tapos ikaw sasayangin mo lang? Aba, pahirap nang pahirap buhay dito sa Pilipinas baka akala mo. Doon, kahit hindi ka yumaman, mabubuhay ka pa rin ng disente dahil maayos gobyerno nila doon. Mag-isip isip ka nga riyan nang matauhan ka. Hindi ko iginapang pagpapalaki sa'yo para lang gumapang ka ulit sa kahirapan dito sa Pilipinas! Maging praktikal ka!" Umaalingawngaw ang boses ng Ate Isabel niya sa buong bahay.

Hindi niya maipaliwanag sa Ate Isabel niya na iba ang manirahan sa ibang bansa lalo na sa Europa. Gusto niya sanang sabihin sa ate na ayaw niya roon dahil malamig. Naninigas na parang bakal ang mga daliri niya sa paa't kamay sa tuwing umuulan doon ng niyebe na lampas tuhod ang kapal. Gusto niyang sabihin sa Ate Isabel niya na walang lalim ang mga pagkakaibigang nalikha niya roon. Hindi niya matukoy kung dahil ba magkaiba ang mga lenggwaheng sinasalita nila o dahil sa hindi sila magkaka-lahi. Kakarampot lang ang mga kagaya niyang Pilipino roon at halos lahat sila mga turista. Gusto niyang sabihin sa Ate Isabel niya na walang lasa mga pagkain doon, hindi kagaya ng tortang giniling o ng sinigang na baboy na pinigaan ng totoong katas ng sampalok, hindi ng powder lang. Gusto niyang sabihin sa Ate na malungkot siya sa Italya at dito sa Pilipinas mas sumasaya pa rin siya kahit na sari-sari ang problema. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa mga parokyano niya o baka naman dahil sa tahimik at mabagal na pamumuhay sa Villapureza o baka dahil sa simpleng tilaok ng mga manok sa umaga. Pansin niya na kahit nararamdaman pa rin niya ang pangil ng depresyon, mas hindi na niya iyon inaalintana at nararamdaman dahil... Basta! Mahirap ipaliwanag.

"Ate, ayoko. Hindi na ako babalik doon. Hayaan mo na sana ako dito. Malaki na ako. Lampas kuwarenta na nga, 'di ba. Pabayaan mo na akong mag-desisyon para sa sarili ko. Kung magkamali man ako sa desisyon kong manatili rito, eh di magkamali. Buhay ko naman 'to," paki-usap niya sa kapatid.

Napangisi lang si Ate Isabel at saka ito tumayo at inayos ang tumabinging palda. Isinukbit niya sa balikat ang bag na dala. "Hindi mo na ako kailangan. Ano pang ginagawa ko rito?"

Pinigilan ni Father Mer sa Isabel bago ito makalabas ng kuwarto. "Ate, hindi naman sa gano'n..."

Hinarap siya ni Isabel at inalis ang kamay niyang nakahawak sa braso nito. "Lahat ng ginagawa ko para rin sa ikabubuti mo. Next month, Merlindo. Kung hindi ka mag-iimpake papuntang Italya, kalimutan mo ng may kapatid ka."

Inihatid pa ni Father Mer sa labas ang ate hanggang sa makapara sila ng tricyle at sumakay ang kapatid niya roon.

Mula sa kuwarto hanggang sa pag-uwi ni Isabel, hindi sila nagkikibuan.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now