Chapter 27

229 9 0
                                    

Unti-unti nang nagbabalik sa wisyo si Isabel. Idinilat niya ang mga mata. May kalabuan ang nakikita niya pero alam niyang nasa loob siya ng isang umaandar na sasakyan base sa lakas ng hampas ng hangin na dumadampi sa kanyang mukha at sa nadaraanan nilang mga gusali. Sinubukan niyang umupo nang tuwid at agad din siyang napasandal muli. Bigla kasing umikot ang buong paligid niya.

"Ma'am, 'wag na po kayong malikot at baka madagdagan lang 'yang sakit niyo sa ulo," sabi ng boses sa kanya. Tinignan niya ang may-ari at agad na nanumbalik ang kanyang alaala.

"I-i-ikaw... driver. Sa'n mo 'ko d-dadalhin," hindi makapagsalita ng diretso si Isabel dahil hilong-hilo pa siya sa lakas ng palong natamo niya sa ulo.

"Relax ka lang d'yan," nakangiting sabi sa kanya ni Manong Jerry.

Ipinikit ni Isabel ang mga mata at mamaya pa ay naramdaman na lang niyang tila bumabagal na ang andar ng kanilang sinasakyan. Hindi pa rin niya tuluyang maibukas nang matagal ang mga mata dahil para siyang maduduwal.

"Hay, diyos na mahabagin. Bakit naman dinala mo agad 'yan dito? Puwede namang mamayang gabi na lang," ibang tinig naman ang narinig ni Isabel. Babae ang boses at pamilyar iyon sa kanya, pero hindi niya matukoy kung kanino.

Tuluyan nang huminto ang tricycle. Naramdaman na lang ni Isabel na may humawak ng kanyang baywang at saka siya nito binuhat na parang bagong katay na baboy. "Mabuti nang madala 'to dito habang wala si Father Mer. Nakasalubong ko siya kanina sa daan. Ano bang nangyari du'n?"

Kahit nahihirapan, idinilat ni Isabel ang mga mata at nakitang baliktad ang lahat. Lahat parang nakatiwarik.  Mula sa mga puno, ang langit at ang matandang babaeng kausap ng driver na bumubuhat sa kanya ngayon. Pagkakita niya sa mukha ng matanda, naalala na niya. Ito 'yung katulong ni Father Mer. Nasa Casa Del Los Benditos siya.

"Ay, sumablay nga ang plano. Buwisit 'yang si Minggay. Patawarin nawa ako ng Diyos. Muntik ko na nga masampal kanina. Dahil sa kanya muntik na tayo mabulilyaso. Imbes na 'yung pari, 'yung aso tuloy ang nakakain ng lason. Ayun, isinugod niya 'yung aso sa beterinaryo. Tara na nga't ipasok mo na 'yan at baka may makakita pa sa 'tin dito."

Narinig niya ang pangalan ng kapatid. Mer? Lason? May balak na masama ang dalawang 'to sa kanyang nakababatang kapatid. Nagsimula siyang magpumiglas.

"Ibaba mo 'kosh. Ishushumbong k-ko kayo...sha pulish," hindi niya maintindihan kung bakit parang lasing siyang magsalita.

"Huwag ka ngang malikot d'yan at baka bitawan kita bigla. Wala akong pakialam kahit babae ka pa," timpi ni Manong Jerry.

Pumasok sila sa malaking pinto ng bahay. Nasalubong nila si Minggay na alalang nakatanghod sa kanila sa isang tabi. Humingi si Isabel ng saklolo sa bata.

"T-tulong. Tulu...ngan mo naman ako," natulo na ang luha ni Isabel. Inaabot niya si Minggay pero sa iba nakatingin ang dalaga. "Saklolo!"

"Huwag kang maingay sabi eh," binigyan ng isang malakas na batok ni Nana Conrada si Isabel sa likod ng ulo. Kumalas sa pagkakatali ang naka-pusod nitong buhok at lumugay ito sa kanyang mukha.

Narating na nila ang hagdanang may harang at sinumulan nang hanapin ni Nana Conrada ang sikretong pintuan sa plywood. "Ano ba nama't ang hirap naman makita ng pintuan."

"Ayan, sa gilid. Nandyan lang 'yan. Kapa-kapain mo lang. Bilisan mo't ang bigat na nito," utos ni Manong Jerry sa kaibigan.

"Oo na nga. Ito na oh," Nang mahanap, hinatak na ni Nana Conrada ang pinto. "Dali, iakyat mo na."

Nasilip ni Isabel kung ano ang nasa likod ng pinto. Wala siyang makita na kahit ano rito. Pagkadilim-dilim at mukhang nakakatakot. Anong gagawin nila sa kanya roon? May sasabihin sana si Isabel pero napaubo siya nang masinghot ang mainit-init at amoy asupreng hangin na galing din sa pintuang iyon.

Inipon ni Isabel ang natitirang lakas niya kahit nahihilo pa rin siya. Pinagpapalo at pinagsusuntok niya sa likod si Manong Jerry. Hinihila niya rin ang damit nito. At kahit pudpod ang kanyang mga kuko, pinagkakalmot niya pa rin ang kulubot na balat ng matanda.

"Bitawan mo 'ko! Huwag! Parang awa mo na! Hindi na ako mag...shushumbong sa pulish basta pakawalan niyo lang ako," naghalo na luha at ang dugo galing sa sugat niya.

Pero walang talab ang lahat nang iyon kay Manong Jerry. Pumasok na sila sa lihim na pintuan.

"Sandali! Huwag! Ayoko! Parang awa niyo na," panay ang pakiusap ni Isabel.

Sumabit ang saya ni Isabel sa nakausling kahoy ng pintuan at dahil doon nagkaroon siya ng tsansa at kumapit na rin siya sa gilid ng plywood. Bumara tuloy sila sa pasukan. Itinodo pa niya lalo ang sigaw sa pagbabakasaling may makaririnig sa kanya.

"Saklolo! Tulong! Tulungan niyo ako!"

"Hilahin mo na, Jerry. Dali! Hatakin mo at baka may makarinig pa d'yan," pasigaw na utos naman ni Nana Conrada.

Hinigit nang malakas ni Manong Jerry ang katawan ni Isabel. Hindi sumama ang palda at naiwan itong nakasabit sa nakausling kahoy. Nahubaran tuloy si Isabel at panty na lang ang suot niyang pang-ibaba. Pero matatag ang kapatid ni Father Mer. Kahit na halos makita na ang buo niyang kaluluwa, hindi pa rin ito bumibitiw sa pagkakakapit sa plywood.

"Aba't napakatapang naman pala nitong babaeng 'to," namamanghang sabi ni Nana Conrada. "Sa lahat ng alay, ikaw lang nagpahirap sa amin nang ganito."

Lumapit si Nana at kinagat ang mga daliri ni Isabel. Madiin na madiin ang pagkakakagat ng matanda kahit na kakaunti na lang ang mga ngipin niya. Bumaon ito sa balat ni Isabel at sumirit ang dugo.

Tiniis iyon ni Isabel noong una, pero hindi na rin niya kinaya ang sakit. Pakiwari ni Isabel ay naputol ni Nana Conrada ang hinlalaki niya. Bumitaw siya mula sa pagkapit at inakyat na siya ni Manong Jerry sa ikalawang palapag.

"Ano bang ginagawa mo d'yang bata ka? Dalian mo't heto na ang alay. Sumunod ka na sa amin," bulyaw ni Nana Conrada kay Minggay na napatulala sa mga nakita.

"S-sige po," dahan-dahang lumapit ang dalaga. Tahimik siyang nagdasal na sana ay hindi totoo ang lahat. Na sana'y may milagrong maganap.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Narating ni Father Mer ang pinakamalapit na animal clinic sa loob lamang ng dalawampung minuto. Nagbayad siya ng singkwenta pesos bilang pamasahe, pero tinanggihan iyon ng driver. Balato na lang daw niya kay Father 'yon dahil siya ang kura paroko sa lugar nila.

Nagpasalamat si Father Mer at humahangos na ipinasok si Ulap sa clinic. Patuloy pa rin ito sa panginginig. Sinalubong siya ng nurse at ng mismong beterinaryo.

"Anong nangyari sa kanya?" tanong ng nurse.

"H-hindi ko alam. Doc, tulungan mo kami," naluluhang pakiusap ni Father sa beterinaryo.

Isang sulyap pa lang ng duktor, alam na nito agad ang diperensya ng aso. "Mukhang kinukumbulsyon, Labis-labis na paglalaway, ayan, nagdudugo ang ilong. Naku sir, mukhang nalason po itong aso ninyo."

Iniharap ni Father Mer ang mukha ni Ulap sa kanya. Oo nga, nagdudugo na ang ilong nito. Wala naman 'yon kanina.

"Doc, pakigamot naman po agad alaga ko."

Sumingit ang nurse. "Gagawin po namin makakaya namin, pero bago po 'yan, since emergency case siya, kailangan po namin ng five thousand pesos as downpayment."

Kinapa ni Father Mer ang bulsa. Anak ng... hindi niya pala dala ang kanyang wallet. Tatlong singkwenta pesos lang ang mayroon siya.

"Naku sir. Kailangan po muna ng downpayment bago namin gamutin aso ninyo. Pasensya na po kung mahigpit kami. Maraming beses na kasi kaming nagogoyo ng ibang pet owners dito," malungkot na sabi ng nurse.

"Hindi ko naman kayo tatakbuhan. Mukha ba akong mang-gogoyo? Pari ako ng simbahan ng Villapureza. Hindi ko lang nadala wallet ko ngayon dahil sa sobrang taranta," mataas ang boses ni Father Mer.

Nagsalita ang vet. "It's okay, Analyn. It's okay. Father, you can go and get your wallet now. Lalapatan na namin ng paunang lunas itong pet mo while you're away."

"Salamat! Salamat po, doc." Nakahinga siya nang maluwag.

Lumabas agad ng animal clinic si Father  Mer para kunin ang naiwan niyang pitaka sa Casa Del Los Benditos.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now