Chapter 14 - Ang Karanasan ni Father Mauricio Espejo (Taong 1890 hanggang 1891)

314 12 2
                                    

Tinanggihan ni Padre Mauricio Espejo ang alok ng kasamahang pari na si Padre Jose Epifañia Sandoval na maging bagong bantay. Nasa kanyang silid ito ngayon, nilalagnat, payat na payat at halos puro tubig lang ang laman ng sikmura. Hindi na ito kumakain ng kahit lugaw man lang. Unti-unting inaagaw ng hindi matukoy na sakit ang katawan.

Alam na marahil ng Kastilang pari ang ang nalalapit niyang pagpanaw. Kaya't isang araw, inaya niya ang kasamahan at Pilipinong pari na si Mauricio na maglakad-lakad sa aplaya sa isang tahimik na dagat noong nagbakasyon silang mga taga-simbahan sa probinsya ng Batangas.

"May sasabihin ako sa'yo, makinig ka," bagaman purong Kastila, matatas sa Tagalog si Padre Jose Epifañia. Dito na kasi siya ipinanganak at lumaki.

Huminto si Padre Mauricio at pinunasan ang pawis sa leeg. Napakataas ng sikat ng araw at nangangagat sa balat ang init nito. Bakit ba kasi sa malayo sila nag-uusap kung puwede namang sa lilim na lang sila ng kabana?

Hindi pinansin ng Kastila ang pagka-irita sa mukha ni Padre Mauricio. "Nalalapit na araw ng aking paglisan. Ikaw sana ang gusto kong maging susunod na hahawak ng susi. Sa iyo ko ipagkakaloob ang katungkulan."

"Aling susi ang tinutukoy mo, Padre Jose?" Naguguluhan si Padre Mauricio. Magta-tatlong taon na silang magkasama sa simbahan ng Villapureza pero ni isang banggit man lang tungkol sa kahit anong posisyon sa simbahan, wala sa kanyang sinasabi si Padre Jose Epifañia. Mabait ang pakitungo sa kanya ng Kastila pero may pakiwari si Padre Mauricio na hangga't maari gustong solohin ni Padre Jose Epifañia ang pangangasiwa sa simbahan at mga gawain sa parokya. Alalay lang ang tingin nito sa katulad niyang Pilipino at walang halong banyaga ang dugo.

"Ano sa tingin mo at bakit hindi kita pinapayagang pumanhik sa segunda planta ng Casa?" Nagpapaypay ito habang nagsasalita. Ang suot nitong kuwintas na may pendant na susi, parang bituwing kumikislap sa sinag ng araw na tumatama rito.

"Dahil gusto mo ng katahimikan at ayaw mong naiistorbo sa iyong pamamahinga. Iyan ang tanda kong habilin mo hindi lang sa akin kung hindi pati na rin kina Idyang at Felipe." Sina "Idyang" at "Felipe" na tinutukoy ni Padre Mauricio ay ang mga Pilipinong katulong nila sa Casa Del Los Benditos.

"Tama ang iyong kasagutan. Pero may isang bagay ka pang dapat na malaman. Mamaya, ipapakilala kita sa kanya pag-uwi natin sa Villapureza." Doon na tinapos ni Padre Jose Epifañia ang kanilang pag-uusap at agad na itong lumakad pabalik sa kabana kung saan nagtipon-tipon ang iba pang mga paring kasama nila sa iskursyon. Ni hindi man lang nito binigyan ng pagkakataon si Padre Mauricio na makahingi ng karagdagang paliwanag.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Sari-sari ang naglalaro sa isip ni Padre Mauricio habang nasa loob sila ng karwahe. Matagtag at maalikabok ang biyahe nila pabalik ng Villapureza pero hindi niya iyon alintana. Mas nasasabik siya na may halong kaunting kaba sa katungkulang ibibigay sa kanya ng paring Kastila.

Isa't kalahating araw ang itinagal ng biyahe. Noong inabot sila ng gabi sa Laguna, nagpalipas sila ng magdamag sa isang murang hotel. Sa kanyang tala-arawan, masaya niyang isinulat bago matulog ang mga naging karanasan niya sa tatlong araw na bakasyon nila sa dagat. Salamat na lang sa kanyang Inay Christina na walang sawang itinuro sa kanya ang kahalagahan ng pagsusulat sa diary, naging ritwal na niya ang pagbabahagi ng kanyang mga naiisip at nararamdaman sa mga pahina nito. Mainam din itong pampalipas oras.

Pero paano niya susulatin ang mga bagay na isiniwalat sa kanya ni Padre Jose Epifañia pagkarating nila sa Casa? Ang kahindik-hindik na sikreto na ilang taon na pala niyang kasa-kasama roon?

"Halika dali. Dito sa taas. Mas rapida!" utos ni Padre Jose Epifañia kay Mauricio. Ni hindi pa nga siya nakakainom ng tubig man lang pagpasok nila ng Casa Del Los Benditos.

Inilapag ni Mauricio ang kanilang mga maleta nila sa paanan ng hagdan at agad na sumunod sa Kastilang pari sa ikalawang palapag ng bahay. Unang beses pa lang siyang makaka-akyat dito.

"Kahit anong mangyari, tatagan mo ang loob mo," bilin sa kanya ng Padre Jose Epifañia noong marating na niya ang tuktok ng hagdan.

Tinignan lang ni Mauricio si Jose Epifañia. Walang kamuwang-muwang sa mga pinagsasabi nito sa kanya.

Pagtapak sa tuktok, unang napansin ni Padre Mauricio ang mainit na temperatura sa taas ng bahay kumpara sa baba. Ang hangin, medyo mabaho. Siguro dahil iyon sa mga inaamag na kagamitang nakatambak dito sa mahabang panahon. Ang mga palamuti at muwebles, luma at may mga agiw na. Halatang minsanan na lang madampian ng walis at basahan. Bakit kasi ayaw pa itong ipalinis sa mga katulong ni Padre Jose Epifañia. Hindi alam ni Padre Mauricio kung paano natatagalan ng Kastila ang matulog sa ganitong lugar.

Nawala ang pagmumuni-muni ni Padre Mauricio nang bigla siyang hatakin ng kasamahan. "Dito sa kaliwang kuwarto."

Pinihit ni Padre Jose Epifañia ang tarangkahan ng pinto. Pagbukas, hinambalos sila ng mas mainit na hangin. Napatakip na ng ilong si Mauricio. "Bakit ganito ang hangin dito?"

Isang rebulto sa pinaka-gitna ng walang bintanang kuwarto, iyan ang unang bagay na nakita ni Padre Mauricio. Nakatayo ito sa isang pedestal, ang ulo, bahagyang nakabaling sa direksyon nila. Parang kanina pa nito inaabangan ang kanilang pagpasok. Magkalapat ang mga kamay nito na animo'y nagdarasal. Nakapalibot sa sahig ang maraming lampara.

"Padre, sinong santo to? Bakit nakahiwalay siya sa mga santo natin sa simbahan?" Lumapit si Mauricio dito.

"Siya si San Serberus. Ang bago mong babantayan," taimtim na wika ni Padre Jose Epifañia.

Nagsalubong ang kilay ni Padre Mauricio. Naguguluhan sa tinuran ng kausap.

Lumapit sa kanya si Padre Jose Epifañia. "Marami ka pang dapat malaman tungkol sa misteryo ng langit at lupa at ng mundong nasa pagitan ng mga ito..."

At doon na isinalaysay ni Padre Jose Epifañia ang lahat-lahat kay Padre Mauricio.

Habang umuusad ang kuwento ng paring Kastila, palaki rin nang palaki ang mga mata ni Padre Mauricio. Magkahalong takot at pagkamangha ang nakapinta sa kanyang mukha sa bawat salitang binibitawan sa kanya ng Kastilang pari. Agad na lumayo si Padre Mauricio sa istatwa.

"Ngayong alam mo na, tatanggapin mo na ang alok ko?" seryosong tanong ni Padre Jose Epifañia.

Napalunok ng laway si Padre Mauricio. Ramdam niyang totoo ang lahat ng sinabi sa kanya ng kasamahang pari. Sa simula't simula, hindi nito ugali ang makipagbiruan sa sinuman sa kanila. Lalo pa siya umatras palayo nang mapansin niyang tila nakangiti na ngayon ang istatwa ni San Serberus sa kanya. Ang mga kamay nito ay nasa tagiliran na.

Gusto niyang lumabas ng silid, pero napaso siya nang hawakan ang tarangkahan ng pinto nito.

"Ikaw lang ang inaasahan ko na magpapatuloy ng misyong ito para sa ating lahat. Hindi ko rin ginusto ito," naiiyak na sabi ni Padre Jose Epifañia. "May gusto pa akong ipakita sa'yo. Pakiusap, lumapit ka rito."

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon