Chapter 34

228 15 1
                                    

Ensaymada at kape ang inalmusal ni Father Mer at ni Isabel pagkagising nila kinabukasan. Binili ni Mer ang mga iyon sa isang bakery na nakapuwesto sa ibaba ng hotel. Bago umakyat pabalik sa kanilang kuwarto, dinaanan ni Father Mer ang receptionist sa desk nito. Subalit bago na pala ang bantay na inabutan nila doon kahapon. Ang isang ito ay babae rin pero may katandaan na. Pinakiusapan ni Father Mer ang bagong receptionist kung maaaring paki-tingnan ang ate niya kung sakaling bumaba ito at umalis sa hotel. May misa kasi siya na kailangan gampanan sa simbahan at mamayang gabi pa ang tapos ng lahat ng tatlong seremonya na kailangan niyang tuparin para sa araw na iyon. Ipinangako naman ng pari na babalik-balikan naman niya ang ate sa hotel para silipin ito. Nagtanong ang receptionist kung may problema ba si Isabel na kakilala rin niya dahil madalas din niya itong batiin kahit na hindi naman siya pinapansin nito. Sinabihan daw kasi siya ng ka-relyebo niya na nakita niya raw itong nakatapis lang ng tuwalya kahapon. Sinabi na lang ni Father Mer dito na saka na lang siya magkukuwento at baka mahuli pa siya sa trabaho.

Sa kanilang silid, tahimik na kumain ang magkapatid. Nakatingin sa malayo si Isabel habang sinusubo ang inihain sa kanyang ensaymada. Mukhang wala pa rin ito sa sarili. Kaya naman niyang kumilos mag-isa mula sa pagligo, pagbibihis hanggang sa pagkain lahat, nagagawa niya na parang normal lang pero ang kaibahan lang ay blangko ang kanyang mukha. Wala itong ekspresyon kung masaya, galit o nalulungkot. Lagi lang itong nakatingin sa malayo. Hindi nagsasalita kahit ni "ha" o "ho". Mistula itong robot na hindi kikilos kung hindi rin lang kailangan. Pinangako ni Mer sa sarili na matapos lang ang lahat ng kailangan niyang tapusin, isusugod niya agad ang ate sa pinakamagaling na espesyalista sa Maynila para maipagamot.

"Ate, may pupuntahan lang ako ha. Dito ka na lang muna. Manood ka na lang muna ng TV d'yan. May pagkain din akong iniwan sa mini-ref kapag ginutom ka. May dadaanan lang ako and pagkatapos n'un kailangan ko pang mag-celebrate ng mass sa simbahan. Huwag ka aalis dito ha," habilin ni Mer sa ate na para bang nakikipag-usap siya sa dose anyos na bata.

Hinawakan siya sa braso ng kapatid. Mahigpit iyon at parang ayaw bumitaw sa pagkakakapit. Tila pinipigilan siya ng kapatid na umalis.

Dahan-dahan namang kinalas ni Father Mer ang kamay ni Isabel sa kanyang braso. "Ate, don't worry. Sisilip-silipin naman kita dito mamaya. May kailangan lang talaga akong gawin."

At umalis na si Mer at pinindot niya ang lock ng pinto bago siya lumabas.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Unang binisita ni Father Mer ang pamilya ni Nana Conrada dahil alam niya ang papunta sa bahay niya dahil nga natiktikan na niya noon ang matanda na umuwi roon pagkatapos nitong nakawin ang antigong candelabra ng simbahan.

Pinagbuksan siya ng nakangiting bunso ni Nana na si Jennifer. Wala pa siguro itong alam sa sinapit ng kanyang nanay. Para tuloy ayaw na ni Father ituloy ang sasabihin niya sa mga naulila ng matanda dahil ayaw niyang masaktan ang mga ito.

Ipinatawag muna ni Father Mer ang iba pang mga kapatid niya bago niya ikunuwento ang buong pangyayari sa sinapit ng kanilang ina. Ang ninakaw na antigong candelabra nakapatong sa isang lamesa sa sulok, pero nagpatay-malisya na lang siya.

Magkakahalong hiya, lungkot at galit ang ibinato ng apat na magkakapatid kay Father Mer pagkatapos nitong magsalaysay ng kuwento at naintindihan naman iyon ng pari. Iyon nga lang hindi lang din nila lubos na masisi si Father Mer dahil alam rin nila ang tunay na kulay ng kanilang ina. Alam nila ang malaking kasalanan nitong pagnakawan ang simbahan at makipagsabwatan sa demonyo na nag-resulta sa pagpatay at pag-aalay ng mga inosenteng tao.

"Kung magsusumbong kayo sa pulis, naintindihan ko. Pero kailangan niyo ring maunawaan na lahat ng puwede niyong iparating sa akin ay maaari ko ring iparatang sa inyo." Naisip ni Father Mer na kailangan niyang makipagmatigasan sa mga ito kung hindi baka siya pa ang ma-dehado sa bandang huli.

Natahimik silang apat. Nang sampung minuto na ang nakararaan at wala pa ring nagsasalita, magalang na nagpaalam na rin si Father Mer sa kanila para naman puntahan ang bahay nila Manong Jerry.

Nagtanong-tanong siya sa mga kapitbahay kung saan nakatira ang hardinero. Itinuro naman sa kanya kung nasaan ito at napag-alaman niyang nasa kabilang kalye lang pala ito kung nasaan sina Nana Conrada at ang pamilya nito. Magkapit-bahay pala talaga ang dalawang matanda.

Si Marie, na sumusunod sa panganay, ang nagpatuloy kay Father Mer sa bahay ni Manong Jerry. Katulad ng ginawa niya sa pamilya ni Nana Conrada, siniguro muna niyang kumpleto ang mga anak ni Manong Jerry bago niya sabihin sa kanila ang balita.

Hindi pa nga tapos ikuwento ng pari ang lahat-lahat at heto't biglang nagsipag-iyakan na ang anim na magkakapatid.

Ang dalawa sa kanila tumakbo sa itaas ng bahay sa sobrang hinagpis. Nagalit ang panganay na si Hero at pinagtulakan niya si Father Mer palabas ng kanilang bahay. Natapilok ang pari dahil sa nakausling bato sa lupa. Natumba siya at nadungisan ng putik ang suot niyang collared shirt.

"Huwag na huwag ka ng magpapakita sa amin!" banta ng panganay na si Hero. Labis-labis ang kanyang poot na nararamdaman dahil sa lahat siya ang pinakamalapit sa amang si Jerry. Kasa-kasama nga niya ito madalas sa paghahagilap ng alay.

Umalis na lang si Father Mer at sumakay na ng tricycle papunta sa Casa Del Los Benditos. Marami pa siyang naiwang gamit sa aparador ng kanyang kuwarto. Magpapalit siya ng namantsahang damit at pagkatapos ay tutuloy na siya para mag-misa sa umagang iyon.

Kandado ang gate at ang mismong pinto ng bahay nang makarating si Father Mer. Mabuti na lamang at lagi niyang dala ang mga duplicate na susi nito kahit saan siya magpunta. Nakaugalian na niya ang magdala ng ganito dahil sa Italya lagi siyang aksidenteng nala-locked out ni Kape dahil ang karamihan sa mga pinto sa kanyang tinutuluyang apartment noon ay awtomatikong nakakandado oras na naipinid na sa pintuan.

Ang tahimik ng bahay pagpasok niya. Mga huni lang ng mga ibon sa hardin ang tunog na pumupuno rito. Tinawag ni Father Mer si Minggay at walang sumasagot. Kung hindi umuwi baka naglilinis na siguro ito ng simbahan. Maayos ang buong Casa. Wala ng alikabok ang mga lamesa't bangko. Ang sahig, makintab na. Mukhang napasadahan na ng bunot at floor wax.

Nadaanan muli ni Father ang may harang na hagdanan papunta sa kanyang kuwarto. Nagmadali siyang makalayo rito dahil... dahil dama niya ang presensya ng nilalang na nasa taas ng mga harang ng plywood na iyon. Ang mainit na singaw ng hangin na lumulusot at ang dala-dala nitong amoy ng asupre.

Ini-lock agad ni Father Mer ang kanyang kuwarto at umupo panandalian sa kanyang kama para habulin ang hininga.

"Whew! Ayoko na talagang bumalik dito," sambit ni Father Mer.

Lumingon siya sa kanyang kaliwa at may napansin siyang dalawang pilas na papel sa katabing lamesa. Pinapatungan iyon ng makapal na bibliya para hindi liparin ng hangin. Naninilaw ang pahina at...

Nanlaki ang mga mata ni Father Mer. Ito ang kaputol ng diary na napunit base sa sulat kamay ni Father Mauricio na naka-imprenta roon.

May mga nakaguhit pa ring mga munting demonyo at mga apoy at mga katawang pinahihirapan pero hindi ang mga iyon ang nagpabara sa lalamunan ni Father Mer kundi ang nakasulat dito.

...syon. Upang maganap ang itinakda ng Diyos Ama, kinakailangang kusang ibigay ng hinirang ang kanyang dugo at buhay. Ipapahid ng sugo ang kanyang dugo sa katawan ng tanod ng lagusan kagaya ng pagpahid ng magandang babae sa dugo't pawis ng anak niya habang ito ay nakabayubay sa krus. Sa ganitong paraan lamang masusupil ang sumpa ng asong may tatlong ulo. Gawin niya nawa ito alang-alang sa kaligtasan ng sanglibutan. Ang pag-ibig ng Diyos sa kataas-taasan ay walang hanggan. Malalaman ng hinirang na siya ang tunay na pinili sa pamamagitan umano ng balaraw.

Gumapang ang mga rosas at ang tusok-tusok na mga tangkay nito na nasa kanyang paanan at saka ito dumami nang dumami hanggang sa tuluyan nang natabunan ang napakagandang babae. Sana ay makita ko pa siyang muli. Marami pa akong nais na itanong sa kanya.

Subalit sa ngayon ay hanggang dito na lang muna.

Sumasaiyo,
P.M. Espejo

Tapos nang basahin ni Father Mer ang karugtong na tala ni Father Mauricio. Inilagay niya ang punit na papel sa kanyang bulsa at siya ay biglang naluha.

Sa kanya kasing pagkakaunawa ay kailangang ibigay ng sugo ang kanyang dugo at buhay kay Serberus upang ito ay tuluyan nang maglaho.

Nangangahulugang kailangan niyang  kitlin ang sarili.

Siya pala ang itinakdang huling alay.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now