Chapter 16 - Ang Karanasan Ni Father Mauricio Espejo (Taong 1890 hanggang 1891)

287 12 0
                                    

Dumiretso si Father Mauricio sa simbahan. Nagdasal siya sa birheng Maria ng Villapureza, humingi ng gabay kung ano ang dapat niyang gawin sa lahat ng kanyang nalaman noong gabing iyon. Hinintay niya ang sagot ng mahal na ina. Minasdan niya nang maigi kung bubuka ba ang bibig nito o kakausapin ba siya sa pamamagitan ng isip, pero ni isang salita ay wala siyang nakuha. Nanatili lang itong nakatayo. Ang koronang nakaputong sa ulo nito, nagkikislapan at walang pakialam sa kanya.

Tumakbo si Padre Mauricio sa kanyang kuwarto at doon nagkulong. Kinatok siya ni Padre Jose Epifañia subalit hindi niya ito pinagbuksan. Sa halip, pinagmumura niya ang Kastila at itinaboy na parang salot na ibon sa pananim. Nag-iiyak si Padre Mauricio. Kinuha niya ang maleta at itinapon ang lahat ng damit na puwedeng magkasya roon. Pero tumigil din siya. Wala na siyang ibang lugar na mapupuntahan. Hindi niya masasabi sa obispo ang tungkol sa lagusan at sa santong demonyo. Kapag nagpalipat naman siya ng parokya, ganoon din. Tatanungin din siya ng mga nasa taas kung ano ang kanyang dahilan. At ano ang kanyang sasabihin? Na may kasama silang impakto na nakatira sa Casa Del Los Benditos? Wala na rin siyang natitirang kamag-anak. Nag-iisa na lang siya sa mundo.

At ngayon, ito na ang kanyang sitwasyon pagkalipas lang ng isang taon.

Gabi, pagkatapos lang ng hapunan, ipinatawag siya ni Father Jose Epifañia sa kanyang silid sa kahuli-hulihang pagkakataon. Ilang minuto na lang ang hinihintay at tuluyan na siyang papanaw. Subalit bago iyon, muling kinausap ng Kastila si Padre Mauricio tungkol sa naka-atang na responsibilidad na iiwan nito sa kanya. Bagaman tinanggap na rin ito ni Padre Mauricio ilang buwan na ang nakararaan, masidhi pa ring nanlalaban ang kanyang kalooban.

"Tanggalin mo ang kuwintas ko. I-isuot mo," utos ng naghihina nang si Padre Jose Epifañia.

Ginawa ni Padre Mauricio ang pakiusap. Nanginginig na kinuha niya ang kuwintas na may pendant na susi mula kay Padre Jose Epifañia at ito ay isinuot niya sa kanyang leeg.
May kung anong enerhiya bigla ang dumaloy sa katawan ni Padre Mauricio. Nagsimula ito sa kanyang dibdib at kumalat sa kanyang buong katawan. Pakiramdam niya ay nagising siya mula sa maraming taon ng pagkakatulog. 

"Ano 'tong nararamdaman ko?" nahihiwagaang tanong ni Padre Maurico sa kastilang pari.

Hindi direktang sinagot ni Padre Jose Epifañia ang sinabi ni Padre Mauricio. "Isa puso mo sana lahat ng sinabi ko sa'yo."

Iyon lang at suminghap ito at pagkatapos ay hindi na muling bumaba ang dibdib nito. Hindi na humihinga si Padre Jose Epifañia at si Padre Mauricio na ang pumalit sa kanyang puwesto.

Sinabi ni Padre Mauricio sa mga katulong sa Casa na sina Idyang at Felipe ang tungkol sa nangyari kay Padre Epifañia. Kapwa humagulgol ang mga ito dahil napakabuti raw sa kanila ng Kastila. Hindi lang iyon, ipinagtapat na rin ni Padre Mauricio sa dalawa ang tungkol sa lagusan at sa rebultong santo sa taas ng Casa Del Los Benditos.

Tulad ng inaasahan at naging reaksyon ni Padre Mauricio noong una, hindi rin makapaniwala ang dalawang katulong hanggang sa ipakita sa kanila ng Pilipinong pari ang katotohanan. Sa takot, nagpaalam ang dalawa na gusto na nilang umalis ng Casa. Hindi nila kayang tumira sa iisang bubong na may impaktong kasama. Pero pinigilan sila ni Padre Mauricio.

"Pa'no kung sabihin ko sa inyo na may gantimpala kayong makukuha?" nakatungong sabi ni Padre Mauricio. Kailan lang din ipinagtapat sa kanya ni Padre Jos Epifañia ang tungkol sa bagay na iyon. "Ang gagawin niyo lang ay kumuha ng bangkay sa sementeryo para ipakain sa... nilalang na nasa taas ng bahay."

Tumigil sa paghahakot ng gamit ang dalawa. "Anong gantimpala?" ika ni Felipe.

"Mga ginto. Gintong barya, gintong palayok, gintong sandok iba-iba pero lahat ginto. Makakatulong siya sa inyo. Pakiusap, 'wag niyo akong iiwan dito. Ibibigay ko sa inyo ang gantimpala niya."

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now