Chapter 9

280 13 0
                                    

Halos hindi na maidilat ni Father Mer ang mga mata sa sobrang mugto ng mga ito. Bumangon siya at muling napahiga dahil sa sakit ng kanyang ulo na para bang tinadyakan ito ng tatlong kabayo. Inabot niya ang isang baso ng tubig na nakapatong sa lamesitang katabi ng kama para basain ang nanunuyo niyang lalamunan. Pakiramdam niya ay naubos na ang lahat ng tubig sa kanyang katawan sa ilang oras na pag-iyak noong nagdaang gabi.

Nakatingin siya sa kisame. Kumurap-kurap para alisin ang agiw ng antok at pagod. Kahit na bigat na bigat ang buo niyang katawan, pinilit pa rin niyang umupo sa gilid ng kanyang kama para magdasal ng pasasalamat para sa panibagong araw na ipinagkaloob sa kanya. Noong una ay puro pa siya papuri sa Diyos hanggang sa napalitan ito ng pagsusumbong sa kanya at pagmamaktol. Bakit ayaw mawala ng bigat ng kalooban niya? Ng sakit niya sa pag-iisip? Bakit ba siya tina-traydor ng mga taong itrinato at pinakitaan naman niya ng kabutihan? Bakit kailangan niyang kunin si Kape? Hindi na niya tinapos ang kanyang pagdadasal dahil unti-unti na namang naninikip ang kanyang dibdib sa sama ng loob. Sinilip na lang niya ang natitira pa niyang alaga na si Ulap sa ilalim ng kama. Wala ito roon. Napatayo si Father Mer bigla.

"Ulap, come here oh. Tara sa garden," udyok niya. Paborito kasi ng aso ang magpaikot-ikot doon. Pero walang Ulap ang lumapit sa kanya.

Nagsimula niyang halughugin ang buong kuwarto. Pinindot niya ang switch ng ilaw at saka niya binalikan ang kama sabay inangat niya ito nang bahagya para tingnang maigi ang ilalim nito at wala talaga roon ang aso. Hinawi rin niya ang mahabang kurtina ng bintana na nakasayad na sa sahig, nagbabakasakaling natabunan lang ito ng tela, pero wala pa rin. Sa labas, nadungaw niya ang madilim pa na kalangitan. Ni hindi pa rin niya naririnig ang sunod-sunod na tilaok ng mga manok mula sa kalapit na bahay. Tumingala siya sa wall clock. Menos-kinse bago alas-singko. Napa-aga pala siya ng gising. Alas-sais ng umaga talaga kasi ang nakagawian niyang bangon.

Sunod niyang tinungo ang kubeta. Sakto lang ang laki nito at wala masyadong kagamitan kaya sa unang tingin pa lang ay kitang-kita na niya agad na wala rin doon ang alaga. Saglit niyang tinignan ang sarili sa salamin ng medicine cabinet at nalungkot siya sa namasdan. Sabog-sabog ang kanyang buhok at naniningkit ang namumula niyang mga mata. Binuksan niya ang gripo at hinayaang dumaloy doon ang tubig at saka niya inihilamos iyon sa kanyang mukha nang kahit papa'no ay kumalma ang kanyang mga matang namumugto at maalis ang naninigas na muta sa mga sulok nito.

Hindi niya natagalan ang lamig ng tubig na mas lalo pang pinalamig ng hangin galing sa aircon kaya nagmadali na siyang lumabas ng banyo. Hindi na siya nagpunas ng mukha at agad niyang binuksan ang aparador para inspeksyunin ang loob nito. Baka nakasiksik lang sa bundok ng mga damit doon si Ulap. Wala talaga. Nagsimula na siyang kabahan.

Nasa'n na kaya ang asong 'yun?

Huwag mong sabihing... Ah, hindi! Hindi maaari. Hindi pa nga siya nagsisimulang magluksa sa pagkamatay ni Kape at heto, may kasunod na naman ba?

Huminga siya nang malalim at mabagal. Mga limang beses. Technique na natutunan niya sa kaibigang pari sa Italya para pakalmahin ang sarili at kalimutan sandali ang anumang negatibong bagay na nag-uumpisa nang magtayo ng bahay sa kanyang isip.

Hinga papasok. Isa, dalawa, tatlo...

Hinga palabas. Isa, dalawa, tatlo...

Nang bumagal na ang kanyang pulso, saka siya lumabas ng kuwarto. 

Tahimik sa pasilyo. Nakabukas naman ang dalawang mahahabang fluorescent lamp sa kisame pero bakit gano'n? Tila may mga bahagi pa rin ang hindi naaabot ng liwanag nito.

"Ulap? Nasa'n ka na? Dali punta tayo sa garden." Hinihinaan pa ni Father Mer ang boses para hindi maka-istorbo sa mga kasama niya sa bahay na mahimbing na ngayong natutulog at saka niya naalala na mag-isa nga lang pala siya rito. Si Nana Conrada ay may hiwalay na tulugan sa likod ng Casa kasama ang apo niyang si Minggay.

May kaluskos siyang narinig. "Ulap!" sigaw ni Father Mer. Hindi pa man siya sigurado na si Ulap nga iyon, nagmamadali na niyang sinundan ang tunog.

Dinala siya ng mga paa sa may hagdanan at doon nakita niya kanyang aso na kinakalmot-kalmot na parang pusa ang plywood na harang nito. Nakahinga siya nang maluwag.

"Ulap! Anong ginagawa mo rito sa labas? Pa'no ka nakatakas, ha?" May halong kaunting inis sa boses ni Father Mer. Natutulog pa sana siya ngayon kung hindi lang siya pinag-alala ng makulit na aso na 'to.

Nilapitan niya si Ulap at niyakap. Inamo-amo niya ang ulo nito at pinag-hahalikan. Pero hindi siya pinapansin nito. Bumalik ito sa pagkalmot-kalmot sa nakaharang na plywood sa hagdanan. Para bang gusto niyang alisin ang harang at pasukin ang nasa likod nito.

Biglang may kumalabog. Galing ang ingay na iyon sa second floor. Parang may bumagsak na mabigat na bagay. Nagulat ang mag-amo. Tumakbo si Ulap pabalik sa kuwarto nila ni Father Mer, iniwan nito ang pari na 'di alam ang gagawin.

Ayan na naman siya. May kung ilang beses na niyang naririnig ang mga kalabog na nagmumula sa ikalawang palapag. Kadalasan nga nagigising pa siya sa gitna ng kasarapan ng tulog dahil lang sa mga iyon. Noong una, ipinagsawalang bahala niya lang ang mga ito. Baka kasi mga daga lang na naghahabulan o 'di naman kaya ay mga nakatambak na kagamitan na bumagsak dahil sa ihip ng hangin. Napansin niya kasing nakabukas ang ilan sa mga bintana ng kuwarto roon. Pero madalas? Iba na ang kutob niya rito.

Paano kung sa magnanakaw pala galing ang kalabog na iyon at doon ito dumaan sa isa sa nakabukas na bintana sa second floor? Naloko na. Umusbong ang kaba sa kanyang sikmura.

Hindi niya alam kung anong gagawin. Kokomprontahin ba niya ang magnanakaw o tatawag ba siya ng pulis? Pero hindi siya sigurado kung bente kuwatro oras bukas ang istasyon ng pulis ng Villapureza. Isa pa, malayo ito mula sa tinitirahan niya. Baka kapag pumunta siya roon, nakatakas na ang suspek pagbalik nila.

Ano kaya kung akyatin niya sa taas ang magnanakaw? At pagkatapos, ano? Makikipagsuntukan siya? Sa lumilipad nga lang na ipis takot na takot na siya, sa magnanakaw pa kaya na malamang may dalang sandata.

Isip. Isip. Isip. Pa'no ba?

Isang bumbilya ng ideya ang biglang nagliwanag sa kanyang kokote. Aabangan niya lang niya ang magnanakaw mula sa kanyang pinagtataguan at saka niya ito susugirin habang ito ay abala sa pagtakas.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon