Chapter 20

260 13 0
                                    

Nakangiti lang ang demonyong may tatlong ulo ng aso habang pinagmamasdan mula sa kanyang silid sa itaas ng bahay si Isabel, ang nakatatandang kapatid ng bagong kura paroko.

Pagpasok pa lang nito ng bahay ay agad niyang nagustuhan ang halimuyak nito. Bango na nanggagaling sa matinding debosyon sa Diyos ngunit puno ng hinanakit ang puso.

Dinilaan ng demonyong may tatlong ulo ng aso ang mga labi nito. Ang laway nila ay pumapatak sa sahig at napatay ang isa sa mga lamparang nakasindi roon.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Pagpasok pa lang ng gate, agad na tinakbo at niyakap ni Minggay si Tangkad, ang matalik na kaibigan niyang puno.

"Na-miss kita, Tangkad. Apat na araw din tayong hindi nagkita."

Naglaglagan ang ilan sa mga dahon ng puno at umulan iyon kay Minggay. "Uy, na-miss niya rin ako."

Hindi na muli pang gumalaw ang puno simula noong engkwentro nito sa Kuya Iking nila. Hanggang ngayon, pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang katawan ni Kuya Iking na nakabaon malapit din mismo sa puno ng Banaba.

"Ate!" sigaw ni Caloy. Halos sakyan na siya ng kanilang bunso sa sobrang pagkasabik nito sa kanya. "Pasalubong ate?"

"Aray, baba na muna. Ang bigat-bigat mo na. Ito na. Oy, hati-hati kayo riyan, ha," inabot ni Minggay ang isang plastik na punong-puno ng mga biskwit, chichirya at iba pang kutkutin. Naaalala pa ni Minggay na halos kasing bigat na lang ng papel ang si Caloy dahil wala na silang halos makain noon. Pero heto sila ngayong magkakapatid, nagkaroon na ng laman ang mga pisngi nila kahit papa'no.

Hinila ni Caloy si Minggay papasok ng bahay. Sinalubong sila ng iba pa--sina Edgar, Erika, Beng at Lito. Kanya-kanya ito sa pagkuha sa plastik ng mga pasalubong.

"Kumusta si Mama? Marami ba nakain? Heto, Choc Nut, masarap 'yan," binigay iyon ni Minggay kay Edgar na sumusunod sa kanya bilang panganay. Madalas kasi naaagawan agad ito ng pasalubong dahil hirap itong kumilos dala ng kanyang polio.

"Ayun ate, kumakain naman. Kaso sabi ni Aling Saling, kailangan na raw maglampin ni Mama para hindi na ito pabalik-balik sa kubeta kapag natae o naihi. Nahihirapan na raw po si Aling Saling magbuhat kay Mama," saad ni Edgar habang binubuksan ang kanyang Choc Nut. Iginulong nito ang wheel chair papunta sa nagkumpulan niyang mga kapatid para tingnan kung may natitira pa bang kutkutin sa loob ng malaking plastik. Napangiti uli si Minggay dahil nakabili na rin siya ng wheel chair para sa may kapansanan niyang kapatid. Dati kasi lagi lang itong gumagapang sa semento.

Lumapit si Minggay sa ina-inahan niyang nanonood ng balita sa TV. Nakaupo rin ito sa isang wheel chair. Ngiwi ang mga labi nito, laylay ang kalahati ng mukha, hindi na nakakapagsalita at halos leeg na lang ang naigagalaw. Inatake rin kasi ito ng stroke isang araw pagkatapos niyang ma-operahan bunga ng pinsalang tinamo niya sa aksidente. Naagapan ang stroke at nasagip ang kanyang buhay. Subalit nagmistula namang lantang gulay si Mama Linda.

"Mano po, Ma." Inangat ni Minggay ang maugat at namayat na kamay ni Mama Linda. "Ito Mama. Dinalhan kita ng orange. Pagbibilin ko kay Aling Saling na pakainin ka nito bukas pagdating niya."

Si Aling Saling ang kasa-kasama ng magkakapatid at ni Mama Linda sa bahay ng mga Vera-Real sa tuwing nasa Casa Del Los Benditos si Minggay. Si Nana Conrada ang kumuha kay Aling Saling bilang tagapangalaga nila. Umuuwi rin ito sa bahay niya pagsapit ng alas nuwebe ng gabi at saka babalik sa bahay ng mga Vera-Real alas-sais ng umaga kinabukasan. May edad na rin si Aling Saling kaya naisip ni Minggay na marahil hirap na rin ito sa pag-aasikaso sa kanila kaya binabalak na rin niyang kumuha ng isa pang katulong. Kaya naman niyang kumuha ng isa pa, kahit nga dalawa o tatlo pa. Salamat sa mga gintong barya na nasa loob ng kanyang pitaka.

Inilapag ni Minggay ang isa pang dalang plastic na may lamang anim na piraso ng orange sa kandungan ni Mama Linda. Pero sa lahat hindi man lang siya nilingon nito. Marahil ay masama pa rin ang loob ng ina-inahan kay Minggay. Sinisisi nito ang panganay sa kanyang sitwasyon ngayon.

"Patayin, niyo na 'yang TV tapos Erika, pakipasok na si Mama sa kuwarto niya. Maghilamos at maghugas kayo ng mukha at paa ninyo. Huwag niyo rin kalimutan mag-toothbrush bago matulog. Sino naka-toka magbantay kay Mama ngayong gabi sa kuwarto niya?" tanong ni Minggay sa mga kapatid.

Nagtaas ng kamay si Lito. "Ako ate!"

"Sige. Bantayan mo si Mama ha at baka mamaya n'yan mahulog sa kama. Harangan mo ng unan 'yung gilid niya. Patulong ka sa Kuya Edgar at Ate Erika mo sa paglipat kay Mama sa kama," bilin ni Minggay. "Aakyat na ako sa taas at nang makapagpahinga na tayo."

At isa-isa nang nagsipagkilos na parang mga sundalong sasabak sa giyera ang kanyang mga kapatid.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Masaya si Minggay sa nabiling bahay ng mga Vera-Real. Noong nakatira pa sila sa barong-barong, pinangarap na niyang tumira rito. Mukha itong malaki at magara sa labas, pero simple at katamtaman lang ang laki nito sa loob. May apat itong kuwarto. Isa sa baba at tatlo sa taas. Inilaan na niya ang kuwarto sa baba para kay Mama Linda para hindi na rin sila mahirapan pang magtaas-baba sa pagbuhat nito. At ang dalawang malalaking kuwarto sa taas ay pinaghati-hatian na ng kanyang mga kapatid. Samantalang kay Minggay naman ang pinakamaliit. Ayos lang sa kanya iyon dahil tanaw niya mula sa kanyang bintana roon si Tangkad.

Magha-hating gabi na nang nakatulog si Minggay. Simula noong maipasa sa kanya ang responsibilidad bilang tagapag bantay ni Serberus, naging mahirap na para sa kanya ang magkaroon nang malalim na pahinga. Ang dami niya kasing iniisip at alalahanin. Paano kung isang araw ay may makatuklas tungkol sa madilim nilang lihim. Paano kung may makatuklas sa kanila na pumapatay sila ng tao para gawing alay. Paano kung hindi nila sundin ang gusto ni Serberus at makawala ang mga kaluluwa sa impyerno. Paano kung ayaw na niya. Iba't ibang senaryo ang nakikita niya sa kanyang isipan sa tuwing ipipikit ang kanyang mga mata.

Subalit may dumagdag na isa pa sa kanyang problema.

Noong gabing iyon nagkaroon ng isang kakaibang panaginip si Minggay. May nakita siyang isang babae. Nakaupo ito sa isang silya sa may bintana. Umiiyak ito base sa mga hikbi at pagtaas-baba ng kanyang mga balikat.

"Ate, ate, bakit ka po umiiyak?" tanong ni Minggay.

"Kinukuha niya kasi dugo ko," sumbong sa kanya ng ale. "Wala na akong dugo. Mauubos na."

Napansin ni Minggay na nakasampay ang kaliwang kamay ng babae sa pasimano. Laslas ang pulso nito at mula roon ay walang patid ang pagbulwak ng dugo.

Nag-alala si Minggay. "Sino po?"

"Siya. Ayan oh, nasa labas ng bintana."

Sinilip ni Minggay ang tinutukoy ng ale. Napasigaw siya ng makita sa ibaba ang isang pagkalaki-laki at itim na itim na aso na may naninilaw na mata at mahahabang pangil. Nakatingala ito sa kanila. Ang tatlong ulo nito nag-aagawan sa bawat patak ng dugo mula sa aleng nahikbi.

Si Serberus!

Napatakip ng bibig si Minggay nang biglang titigan siya ng demonyo. Ngumiti ang tatlong labi nito.

"Siya ang gusto ko. Siya. Siya ang ibigay mo sa akin. Gawin mo siyang alay. Bibigyan kita ng gantimpala," nananatiling nakangiti lang ang labi ni Serberus. Ni hindi ito kumislot man lang. Nakakapagtaka na kinakausap siya ng demonyong aso na may tatlong ulo nang hindi man lang gumagalaw mga bibig nito.

Napalingon si Minggay sa babaeng tinutukoy ni Serberus.

Nakasuot ito ng blusa at nakapusod ang buhok. Ang mga mata nito ay natatakpan ng kulay pink na salamin na mukhang may mataas na grado.

Teka, parang kilala ni Minggay ang babaeng iyon.

Hindi ba kapatid 'yon ni Father Mer?

Si Ate Isabel.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now