Chapter 10

276 15 0
                                    

Naalimpungatan si Father Mer sa mga tilaok ng mga manok. Hindi niya namalayan na bente minutos na pala siyang naiidlip. Nakasandal siya sa isang kubling bahagi ng malaking aparador na nakapuwesto malapit sa tinakpang hagdanan, inaabangan ang paglabas ng magnanakaw sa sikretong pinto.

Naiinis siya sa sarili. Baka kanina pa nakalabas ang magnanakaw nang 'di niya namamalayan. O baka nakatakas na ito sa isa sa mga bintana sa taas.

"Napakatanga mo naman, Mer. Ang tanga-tanga mo. Nakatakas na tuloy 'yun," pinagalitan niya ang sarili, pero hindi pa rin siya umaalis sa kanyang pinagtataguan. Umaasa na hindi totoo ang kanyang hinala.

Hinawakan niya nang maigi ang floor mop na kinuha niya kanina sa may kusina. Gagamitin niya iyong panghambalos sa ulo ng kawatan. Sampung minuto pa ang lumipas at susuko na sana siya nang unti-unting bumukas ang sikretong pinto. Ang tunog ng langitngit nito ay lumikha ng ingay sa Casa Del Los Benditos.

Dahang-dahang tumayo si Father Mer mula sa madilim na sulok na kanyang sinisiksikan. Tahimik pa sa pusa na lumapit siya sa kawatan. Hawak-hawak sa dalawang kamay, itinaas niya ang floor mop na parang espada na handang humiwa.

Parang may banda na nagtatambol sa dibdib ni Father Mer sa sobrang kaba. Ramdam niya ang pagragasa ng kanyang dugo papunta sa kanyang pisngi. Pulang-pula na ang kanyang mukha.

May dumungaw na ulo sa pinto. Ito na! Hindi na niya hinintay pa na lumabas ang katawan nito at ibinagsak na niya ang naka-ambang floor mop sa ulo na iyon.

Huli ka!

Pero bigla siyang napa-preno. Nagtaka siya dahil parang may kakaiba siyang napansin. Bakit parang ang liit yata ng ulo ng magnanakaw na 'to? At bakit mahaba ang buhok? Hindi niya maaninag ang mukha ng salarin dahil siya ay nasa likuran nito.

Luminga-linga muna ang ulo na para bang naninigurado ito na walang tao sa paligid. Walang itong kaalam-alam na nasa likuran lang pala niya ang pari na kanina pa sa kanya naghihintay. At nang masigurong ligtas nga siya, doon lang siya tuluyan nang lumabas.

Nagulat si Father Mer sa nakita. Maliit ito, suot ang isang pink na t-shirt at puting short pants. Isang... bata? May benda ito sa paa. "Minggay?"

Napatalon si Minggay sa gulat. Agad nitong nilingon si Father Mer na may tangan na floor mop. Bahagyang nakabuka ang bibig ng pari sa pagtataka.

"Father Mer?" ang tangi niyang nasabi.

"Anong... anong ginagawa mo sa taas?" Lalo pang nanlaki ang mga mata ni Father Mer. Noong una hindi pa siya sigurado sa nakikita kaya lumapit pa siya nang bahagya kay Minggay. Napaatras siya nang makumpirma niya kung ano iyon. "Bakit... Anong.. Dugo ba 'yang nasa damit mo?"

Nadagdagan pa ang takot ni Father Mer nang masilip din niya ang hawakan ng kutsilyo na nakalitaw sa kanang bulsa ng shorts ni Minggay. "At 'yan!... bakit may kutsilyo kang dala, ha?"

Kinapa ni Minggay ang tinutukoy na kutsilyo ng pari at saka ito itinulak sa malalim pang bahagi ng kanyang bulsa para itago. Kailangan niyang maka-isip agad ng palusot. Si Minggay naman ngayon ang 'di makapagsalita sa nerbyos.

"Ummmm... Father, ano kasi," napalunok siya ng laway. "Ummmmm..."

"Ano?" inip na si Father Mer.

May nakita si Minggay na isang itim na bagay na biglang dumaan sa likod ng pari. Sumulpot ito galing sa kung saan at lumusot sa isang maliit na butas sa dingding. Daga.

"Ga-ga... galing po ako sa taas para po manghuli ng daga po sana." Abot-abot ang nerbyos ni Minggay. Hindi niya alam kung kakagatin ng pari ang napakalamya niyang dahilan. Pero, wala na talaga siyang maisip noong mga sandaling iyon.

"Daga?" Nakakunot ang noo ni Father Mer.

"Opo, Father. Marami po kasing malalaking daga dito sa bahay at karamihan po sa kanila, galing po sa taas. Doon po sa mga kuwarto doon. Kinakain po kasi nila 'yung mga pagkain natin sa mga cabinet sa kusina. Minsan po, nginangatngat din nila 'yung mga damit namin dito. Lalo na po 'yung mga sutana at pantalon nila Father Tonyo at Father Eman dati. Pasensya na po, Father. Napag utusan lang po ni lola." Tuloy-tuloy ang pagsasalita si Minggay. Bahala na kung paniwalaan siya o hindi.

"Nanghuhuli ka ng mga daga sa madaling araw? At ano 'yang mga dugo mo sa damit? Saan galing 'yan? 'Yang kutsilyo para saan 'yan?" Magkahalo ang takot at duda sa boses ng pari.

Malumanay na sumagot si Minggay. "Nanghuhuli po ako ng daga sa ganitong oras kasi po sa ganitong oras lang din po sila naglalabasan. Ito pong dugo ko sa damit, galing po 'yan sa sugat ko po dito sa braso. Nadulas po kasi ako habang nanghuhuli. 'Yung kutsilyo ko po na gamit, pampatay po sa mga daga, tumusok po dito," ipinakita ni Minggay ang kaliwang braso. May sugat nga ito na dalawang sentimetro ang haba. Hindi kalaliman, pero mukhang may natamaan sigurong ugat kaya ganoon na lamang ang bulwak ng dugo mula rito.

"Kung gusto niyo po dalhin ko po 'yung mga daga dito para makita niyo po," alok ni Minggay nang mapansin niyang tila hindi pa rin isang daang porsyentong kumbinsido si Father Mer sa kanya.

Kinilabutan si Father Mer sa tinuran ng dalaga. Ni hindi nga niya matagalan ang ipis at insekto, daga pa kaya? "Ay, hindi na. Okay lang ako. Basta sa susunod bumili ka na lang ng mouse trap o kaya 'yung rat paper trap para hindi ka na...," dito, pinipilit nang pigilan ni Father Mer ang maduwal. "Para hindi ka na mahirapan sa paghuli ng mga daga. Sabihin mo mamaya kay Nana Conrada at nang mabigyan ko siya ng pambili ng mga 'yun. Sige na't magpalit ka na muna ng damit."

Tumalikod na si Minggay para sundin ang utos ng pari. Nasa pintuan na siya palabas ng Casa nang muli siyang tawagin nito. "Sandali, halika rito. May gauze pad at alkohol ako sa kuwarto. Gamutin muna natin ang sugat mo."

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Pakiramdam ni Minggay nasa loob sila ng pridyider pagpasok nila ng silid ni Father Mer. Naka-todo kasi ang aircon dito. Malayong-malayo ito sa matinding init na pumapaso sa balat niya sa tuwing maglalagi siya sa kuwarto ni Serberus sa taas.

Nawala saglit si Father Mer at pagbalik galing kasilyas dala na nito ang medicine kit galing sa cabinet doon. Agad nitong kinuha ang brasong may pinsala ng dalaga para linisin.

"Medyo mahapdi lang 'to ha pero kayang-kaya mo naman 'to," babala ni Father Mer sabay buhos ng alkohol sa sugat. Napakagat-labi na lang si Minggay.

"Kapag hindi pa rin tumigil ang pagdurugo n'yan, magsabi ka kaaagd sa lola Conrada at nang maisugod ka sa ospital. Mahirap na't baka ma-impeksyon pa yan," dagdag payo pa ni Father Mer habang maingat naman niyang pinapahiran ng iodine ang hiwa.

Pagkatapos, ibinaling ng pari ang katawan ni Minggay paharap sa bintana kung saan may liwanag ng araw nang pumapasok. Gusto niyang makita nang maigi kung tama ba ang paglalapat niya ng gauze pad.

Sakto namang sa pagpihit niya, tumama ang sinag ng araw sa kuwintas na nakasabit sa leeg ni Minggay. Kuwintas na may maganda at makislap na pendant na susi.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now