Chapter 36

231 13 2
                                    

"Minggay, naintindihan mo ba ang sinabi ko sa'yo?" ulit na tanong ni Father Mer.

"Ah... opo, Father," parang sandaling nawala si Minggay sa dami ng kailangan niyang intindihin at iproseso.

"Ang sabi ko si Ate Isabel nasa hotel ngayon, nasa Villapureza Inn. Puntahan mo doon kung sakaling..." hindi pa rin talaga masabi ni Father Mer ang totoo na malaki ang posibilidad na baka hindi na siya makakabalik. "...kung sakaling may mangyari sa akin. Kamo tulungan ka ng mga staff doon na tawagan ang pinsan namin sa Bulacan para sunduin si ate. 'Yung telephone number ng pinsan namin iniwan ko sa ibabaw ng lamesa doon. Tapos si Ulap... ano... kung gusto mo ipapaubaya ko na siya sa iyo. Sinabihan ko na 'yung guard ng hotel kanina na kukunin mo siya kung sakali - 'yan ay kung gusto mo lang naman. Pinaiwan ko kasi sa nanay niya si Ulap. Pero kung ayaw mo naman siguro maigi na rin na doon na lang sa kanila 'yung alaga ko. At least alam ko na maaalagaan siya."

Nasa loob sila ng bakuran ng Casa Del Los Benditos. Asul na asul ang langit at banayad ang sikat ng araw. Malayong-malayo sa bagyong nararamdaman ngayon ng pari at ni Minggay. Mamayang hapon pa ang naka-schedule na misa ni Father Mer, pero malamang hindi na siya makakadalo rito.

"Okay lang, Father. Ako na po mag-aalaga kay Ulap. Aampunin ko po siya at aalagaan. Pero... Father, sigurado na po ba kayo sa gagawin niyo? Baka po kasi may maisip pa po kayong ibang paraan. Ayoko pong... ayoko pong mamatay kayo," malungkot na sabi ng dalaga.

"Minggay, kung mayroon mang ibang paraan eh 'di sana matagal na 'tong tapos 'di ba? 'Yung mga nauna sa ating dalawa--mga pari man 'yan o tagapag-bantay--alam ko, naniniwala ako na sinubukan din nilang tapusin ang sumpang ito o kung anumang tawag dito. Pero hindi nila nagawa. Alam mo kung bakit? Kasi nga itong araw na 'to ang itinakda ng Diyos Ama mismo. Siya, higit sa lahat, ang nakaaalam kung kailan dapat matupad ang mga bagay dito sa mundo dahil may mga dahilan siya na kailanman hindi natin malalaman at kailanman hindi natin dapat kuwestyunin. Kahit na ang mga dahilang iyon minsan ay labag at 'di naaayon sa kagustuhan natin. Kailangan lang nating magtiwala at manampalataya sa kanya," mahinahong sagot ng pari.

Hindi maarok ni Minggay ang mga binitiwan ni Father Mer. Masyado itong malalim sa mura niyang isipan.

"Tara na"

"Saan po?"

"Sa taas. Kay Serberus."

"Ha? Bakit po kasama ako?" tanong ni Minggay.

"S'yempre, ikaw ang bantay eh. Kailangan kasama ka. Saka aaminin ko na rin. Nakakatakot mag-isa d'un." Nakatingala si Father Mer sa ikalawang palapag ng bahay. Dinadaga ang dibdib niya sa kaba, pero gusto na rin niya itong harapin nang ito ay matapos na matahimik na siya.

Hindi na sumagot pa si Minggay at tumayo na rin siya. Naisip niya na kailangan nga niyang samahan ang pari. Maliit na tulong na lang iyon kumpara sa pag-aalay ng sariling buhay ni Father Mer. "Sige po, Father. Kung 'yan po ang gusto niyo."

"Mainam. Punta na tayo."

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Habang naglalakad papunta sa ikalawang palapag, paulit-ulit na dinadasal ni Father Mer ang "Aba, Ginoong Maria". Mahinang-mahina lang. Ino-obserbahan siya ni Minggay at palihim itong natawa dahil mukhang goldfish sa aquarium si Father Mer na panay ang buka ng bibig. Napansin naman siya ng pari at natawa na rin ito sa sarili. At dahil doon, gumaan ang pakiramdam nila nang bahagya.

Lumusot sila sa sikretong pinto ng harang na plywood. Pagtapak nila sa unang baitang ay agad na sinindihan ni Father Mer ang dala niyang kandila. Si Minggay naman ay nakasunod lang sa pari. Hindi na niya kailangan ng ilaw dahil kabisado na niya ang buong ikalawang palapag.

Mainit at mabaho ang hanging umiikot sa paligid. Naubo si Father Mer at namuo agad ang pawis niya sa noo. Parang doon pa lang gusto na niyang sumuko. Pero nakita niya si Minggay sa harapan niya. Sumesenyas ito na bilisan ang paglakad dahil dumating na sila sa dulo ng pasilyo kung saan naroon ang mismong pinto ng silid ni Serberus.

Pinihit ni Minggay ang doorknob at saka itinulak. Nadagdagan ang liwanag sa paligid dahil sa maraming nakakalat na mga nakasinding lampara sa sahig. Hinipan na ni Father Mer ang kanyang kandila. Sa sentro ng kuwarto, naroon ang istatwang santo ng isang pari. Si Serberus na nakabalat-kayo. Mas lumaki pa yata ito simula noong huli niyang nakita.

Nakatingala ang istatwa at dahan-dahan itong yumuko para makita sila. Direkta nitong tiningnan sa mata si Father Mer. Kumurap ito ng tatlong beses at saka ngumiti. Napaatras ang pari sa hilakbot. Nabitawan niya ang tangang agua bendita, diary at krusipiho, pero agad naman niya itong dinampot.

Ito na siya.

Naalala niya ang sabi ng kaibigan pari sa Italya. Huwag na huwag magpapakita ng takot o kahinaan sa harap ng demonyo. Binalewala niya lang ang payong iyon dahil wala naman  sa hinagap niyang may isa siyang makakadaupang palad balang araw. At ito na nga iyon.

Nangangatog man ang mga tuhod at nanginginig ang boses sa takot, lumapit pa rin si Father Mer sa istatwa. Inalis niya ang takip ng lalagyan ng agua bendita at iwinisik iyon sa kaaway.

"Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo at ng lahat ng mga banal at santo sa langit, ikaw Serberus ay inuutusan kong lumayas ngayon din sa tahanan ng Diyos," dumadagundong na sabi ni Father Mer.

Walang talab ang agua bendita. Nanatili lang itong nakatingin sa kanya. Sinusundan ng mga mata ng istatwa ang bawat galaw ng pari.

"Katawan ni Kristo, iligtas mo kami; Dugo ni Kristo, tulungan mo kami; Kordero ng Diyos, palakasin mo kami; mga sugat ni Kristo, pagalingin mo kami; pag-ibig ng Diyos Ama, sa masama ay ilayo mo kami. Bugtong na Anak, pakinggan mo kami. Ama naming pinakamakapangyarihan sa lahat, utusan mo ang diablong ito na lumayas sa iyong tahanan at huwag nang bumalik pa magpakailanman!" itinaas ni Father Mer ang hawak na krusipiho paharap sa istatwa at winisikan niya muli ito ng agua bendita.

Ngunit walang nangyari.

Minamasdan lang siya nito na parang isang insekto sa loob ng garapong walang laman. Ino-obserbahan, parang kinikilatis. Maaari ring kinaaaliwan na parang isang laruan na ngayon lang niya nakita.

Napaluhod si Father Mer. Bumigay na ang kanyang tuhod at mistula siyang lobo na tinanggalan ng hangin.

"Paano?... Bakit?"

Nakita ni Father Mer ang isang ang balaraw sa paanan ng pedestal. At walang ano-ano'y biglang gumalaw ito papunta sa kanya. Lumutang sa ere ang balaraw at umikot ito kagaya ng isang kamay ng orasan. Pabilis ito nang pabilis at saka ito huminto nang nakaturo ang matulis na dulo nito sa sentro ng dibdib ni Father Mer. Lumapit pa lalo ang nakalutang na balaraw--ang balaraw na ginagamit sa pagpatay ng mga alay--hanggang sa nakadikit na ang talim nito sa puso mismo ng pari.

Naaala ni Father Mer ang isinulat ni Father Mauricio sa kanyang diary.

*Malalaman ng hinirang na siya ang tunay na pinili sa pamamagitan ng balaraw.*

Ito na kaya ang senyales na tinutukoy?

Sandaling nawaglit ang isip ni Father Mer at bumalik lang iyon sa kasalukuyan nang umatungal na parang nagwawalang leon ang nagbabalat-kayong istatwa ni Serberus.

Ang Santo Sa Likod Ng Pinto Book 2: Si Father Mer (COMPLETED)Where stories live. Discover now