Totoy

By BoyKritiko

146K 5.6K 1K

Tumatalakay sa buhay ng isang lalaki mula sa oyayi ng kaniyang ina hanggang sa pagsasaboy sa kaniya ng mga bu... More

Paunang Salita
Pasilip
Haplos
Luha
Yakap
Kasalanan
Totoy
Halik
Kuwento
Manika
Betong
Superman
Butiki
Larawan
Lamok
Panaginip
Diyos
Anghel
Kapangyarihan
Mundo
Anime
Torotot
Apoy
Ignorante
Dahilan
Buo
Facebook
Pamilya
Simula
Umasa
Agos
Bituin
Laban
Hibang
Dyolibi
Misteryo
Una
Tauhan
Boss
Takot
Katapusan

Tingin

2.1K 102 32
By BoyKritiko




"Totoy," sambit ni RJ habang kumakain ng burger. Napansin kong pangatlo na niya ito. Hindi ko inaasahan na sa liit ng kaniyang katawan, ganoon siya kalaki kung kumain. Ayon sa naaalaala ko, sinabihan niya ako noon na sinisigurado niyang sakto lamang ang kaniyang mga kinakain. Ngunit, bakit ngayon, iba ang nangyayari?

"Bakit?"

"Anong bakit? Alam kong alam mo kung bakit kita tinawag. Kakaiba ang ikinikilos mo ngayong araw. Kanina, noong nagkaklase tayo sa Math,  hindi ka sumasagot no'ng tinatawag ka ni Ma'am. No'ng Filipino naman, nagdo-drawing ka lang ng kung ano-ano sa notebook mo. Base sa pagkakaaalam ko, paborito mo ang subject na iyon. Imposibleng hindi ka interesado. Tapos ngayon, niyaya mo ako ngayong recess na kumain. Alam mo bang ito ang unang beses na magkasama tayong kumain sa school?"

Nagulat ako sa lahat ng kaniyang sinabi. Hindi ko namamalayan ang mga ginagawa ko ngayong araw. Nang narinig ko ang lahat ng sinabi ni Jocelyn, hindi na ito mawala sa aking isipan.

Hindi ko alam kung bakit ko niyaya si RJ na kumain. Alam ko kasi na hindi ko makasasabay ngayon si Jocelyn na magmiryenda dahil hindi niya ako kinakausap mula kahapon. Hindi rin niya magawang dapuan ako ng tingin.

Sabagay, lagi namang mag-isa si RJ. Minsan nga, hindi na siya lumalabas ng room. Kapag recess, nagbabasa lamang siya ng kung ano-ano.

Napatawa ako nang pilit. "Hindi ko alam," sagot ko. "Gusto lang kitang samahan kasi lagi kong nakikita na mag-isa ka. Baka kailangan mo ng makakausap? Ng kaibigan?"

"Kung talagang iyon ang pakay mo sa akin, sana noon pa man, kinausap at sinamahan mo na ako. Alam kong hindi iyon ang dahilan, Totoy. Gusto mo lang ng kasama dahil mayroon kang problema."

"Paano mo nasabi 'yon?"

"Nag-aaral ako ngayon ng Psychology. Alam ko kung mayroong kailangan ang isang tao."

Napayuko ako. Wala na akong takas sa kaniya. Marahil, mayroon naman talagang dahilan kung bakit siya ang niyaya ko. Maaaring dahil naghahanap ako ng isang kasagutan mula sa isang taong mayroong masasabi sa lahat ng bagay. Siguro, mabibigyan niya ng paliwanag ang lahat ng nangyayari. "Alam kong napakalabo nitong itatanong ko. Pero . . . ano ang gagawin mo kung nalaman mo na mahal ka pala ng isang taong matagal mo nang nakakasama? H-Halimbawa, bestfriend mo."

Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mukha.

"Sa lahat naman ng itatanong mo, tungkol pa sa pag-ibig. Pasalamat ka, mayroon akong idea sa Psychology of Love," sabi niya. Napansin kong wala na siyang kinakain ngayon. Kitang-kita ko sa kaniyang mukha ang kasiyahan na magagamit na niya ang kaniyang pinag-aaralan sa totoong buhay. "Pero, sasagutin ko ang sagot mo sa pamamagitan ng pilosopikal na kasagutan. Sa Philosophy kasi, mayroong tinatawag na World of Ideas at World of Senses. Sa World of Ideas, nangyayari ang lahat ng perpektong bagay. Halimbawa, iyang lamesa na nasa iyong harapan. Masasabi mo bang perpekto 'yan?"

Umiling ako. "Pero, nasa isipan mo ang imahe ng isang perpektong lamesa, 'di ba?" pagpapatuloy niya. "Ang "tableness" ng table ay nasa World of Ideas. Ngunit, lahat tayo, mayroong iba't ibang perspektibo sa isang perpektong lamesa. Ibig sabihin, ang "tableness" ng table, iba-iba, base sa isang tao. Sa World of Senses naman, ito 'yong nakikita mo gamit ang iyong mga mata. Basta, nagagamit mo 'yong senses mo. Ibig-sabihin, ito 'yong realidad. Ito 'yong nakikita mo ngayon."

Napakunot ang aking noo. "Ano ang kinalaman no'n sa tanong ko?"

"Totoy, sa pag-ibig kasi, maraming tao ang nakalilimutan ang pagkakaiba ng World of Ideas at World of Senses. Hindi nila alam ang pagkakaiba ng katotohanan at kathang-isip lang. Maaaring ang akala mo, mahal na mahal mo ang nobya mo. 'Yon pala, iniisip mo lang na umiibig ka dahil gusto mong ipakita sa marami na mayroon kang girlfriend."

"Sinasabi mo ba na kapag nalaman mo na mahal ka ng bestfriend mo, maaaring mali siya dahil ang "loveness" ng love niya ay nasa World of Ideas?"

Tumango-tango siya. "Puwede. Pero, maaaring ikaw ang mali."

"Paano?"

"Sa pag-ibig, uso ang umaasa.  May mga situwasyon na nagkakamali ng pagkakaintindi ang mga tao dahil iyon ang gusto nilang paniwalaan. Kung nalaman mo na mahal ka ng bestfriend mo, hindi ibig-sabihin, kailangan mo rin silang mahalin pabalik. Nasa isipan mo lang iyon. Nasa World of Ideas ang konsepto na kapag mayroong nagmamahal sa 'yo, kailangan mo rin silang mahalin. Nasa World of Senses ka. Dito ka humihinga. Dito ka nabubuhay. Kaya kapag nalaman mong mahal ka ng bestfriend mo, hayaan mo lang. Siguraduhin mong walang magbabago sa relasyon ninyong dalawa."

Hindi ako nakapagsalita. Pumatlang ang katamikan sa aking dalawa.

"Depende na lang kung mahal mo rin talaga siya," pagpapatuloy niya.

"Salamat sa sagot mo," sambit ko.

Tumango lamang siya bilang tugon. Pagkatapos ng aming pag-uusap, dumiretso na kami sa classroom.

Dapat ko ba talagang kausapin na si Jocelyn at isipin na wala akong nalaman? Kahit ano ang mangyari, alam kong mayroong magbabago. Totoong kapatid na ang turingan namin sa isa't isa. Mali kung mayroon siyang kakaibang pagtingin sa akin.

Pero, paano kung ganoon din pala ang nararamdaman ko sa kaniya? Paano kung mahal ko na rin pala siya? Imposible. Kung ano-ano ang iniisip ko. Kailangan kong makatakas sa World of Ideas na sinasabi ni RJ.

At bakit niya ako minahal? Ano ang nakita niya sa akin? Kaya pala noon pa man, lagi na niya akong inililigtas. Ngayon ko lang napagtanto na napakarami na palang nagawa sa akin ni Jocelyn. Akala ko, ginagawa niya ang mga bagay na 'yon dahil ang tingin niya, kapatid na niya talaga ako. Iyon pala, iba ang totoong dahilan.

Napakakomplikado ng mga pangyayari. Hindi ko na kayang mag-isip nang normal.

Nakatulala pa rin ako hanggang mag-uwian. Mag-isa lang akong naglakad pauwi. Nang nakarating ako ng aming bahay, naghahanda na si Ina ng tanghalian. Katulong niya si Miraquel. Malaki na ang tiyan nito. Ilang buwan na lang, ipangaganak na niya si Kirvy.

"Totoy? Nasaan si Jocelyn? Bakit hindi mo kasabay?" pagtatanong ni Ina.

"H-Hindi ko po alam. Akala ko, nauna na siya sa akin pag-uwi."

Umubo si Miraquel. "Tita Rose, nakalimutan ko pong sabihin na hindi pala makauuwi si Jocelyn ngayong tanghali. Birthday raw kasi no'ng kaklase nila. Niyaya siyang kumain sa bahay nito," sabat niya.

Birthday? Wala naman akong maalala na mayroon akong kaklase na birthday ngayon. Marahil, gusto niya lang talaga akong iwasan. Napabuga ako ng hangin. Hindi ko alam kung paano kami magkakaayos. Sana, kayang burahin ng isang tao sa kaniyang utak ang mga bagay na hindi niya inaasahan na marinig.

"Hindi man lang siya nagpaalam sa akin," saad ni Ina. "Sige na, kumain na tayo."

Tumungo na ako sa hapag upang kumain. Napangiti ako sa ulam. Adobo. Sa lahat ng adobo na natikman ko, iyong kay Ina ang pinakamasarap. May halong tamis kasi ito. Malapot din ang sabaw. Hindi kagaya no'ng iba kong natitikman na maalat o kaya naman minsan, sobrang asim.

Tahimik lamang kaming kumakain. Nagpapakiramdaman. Alam kong nararamdaman ni Ina na mayroong iba sa mga nangyayari. 

Hindi ko maiwasang mapasulyap kay Miraquel. Alam kong alam niya ang lahat.

Nang natapos na kami, nagpresinta na si Ina na siya na lamang ang magliligpit at maghuhugas ng pinggan. Tumungo kami ni Miraquel sa sala.

Bukas ang TV. Nakatingin lamang dito si Miraquel. Tatawa-tawa. Pero alam kong alam niya na mayroon akong gustong sabihin kaya patingin-tingin ako sa kaniya.

"May gusto kang sabihin, 'no?" mahina niyang tanong.

Tumango ako. Nilapitan ko siya sa kaniyang upuan. "Hindi ba talaga ako kayang kausapin ni Jocelyn?" mahina kong sabi. Mahirap na. Baka marinig ni Ina ang pinag-uusapan namin. Siguradong hindi 'yon titigil sa pagtatanong.

"Aba, ewan ko. Ang kikiri n'yo kasing dalawa."

"Ano? Kailangan ko siyang makausap. Sabihin mo mamaya kapag dumating siya."

Napatingin siya sa akin. "Totoy, umamin ka nga," sambit niya. "Mahal mo rin ba si Jocelyn?"

Nagulat ako. "Mahal? Oo. Bilang kapatid."

"Sigurado ka?" Inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin. "Baka naman, may something na. Hindi mo lang inaamin."

Lumayo ako sa kaniya at bumalik sa inuupuan ko kanina. Nakangiti lamang siya sa akin. Iyong kakaibang ngiti. Halatang mayroong halong pang-iinis. Naalala ko ang hitsura niya noon. Nagbago man ang hitsura niya, hindi pa rin nagbabago ang kaniyang pag-uugali.

Tumayo ako at tumungo na sa lababo. Katatapos lamang maghugas ng aming pinagkainan si Ina.

"Magtu-toothbrush lang po ako,"

Tumango siya at pumunta sa kaniyang kuwarto.

Habang nagtu-toothbrush, muli na namang pumasok sa aking isipan si Jocelyn. Naiinis na ako. Kailangan ko na talaga siyang kausapin.

Dali-dali akong umalis ng bahay pagkatapos kong mag-toothbrush. Hindi na ako nagpaalam kay Ina o kay Miraquel.

Pagkarating ko sa eskuwelahan, nakita ko na nakaupong mag-isa si Jocelyn sa court. Nakatulala lamang siya. Lumapit ako sa kaniya. "Jocelyn. Mag-usap tayo."

Hindi niya ako pinansin. Nang akmang tatayo na siya, hinawakan ko ang kaniyang kamay. Nakita ko ang pagkagulat sa kaniyang mukha. Hindi ko alam ngunit bumilis ang tibok ng aking puso.

Ito ang unang pagkakataon na nahawakan ko ang kaniyang kamay nang ganito ang aking naramdaman. Posible nga kayang mahal ko rin siya?

Nang napagtanto ni Jocelyn kung ano ang nangyayari, dali-dali siyang bumitiw sa pagkakahawak. "Wala na tayong dapat pag-usapan, Totoy."

"Hindi puwede 'yon. Hanggang kailan mo ako iiwasan?"

"Hindi ko alam," naiiyak niyang sagot.

Napasapo ako sa aking noo. "Hindi puwedeng ganoon. Masakit para sa akin na iniiwasan mo ako. Kung akala mo, madali para sa akin ang lahat matapos kong malaman ang pagtingin mo, hindi. Hirap na hirap na rin ako, Jocelyn. Kaya please, kausapin mo na ako."

Tuluyan nang umagos ang luha sa kaniyang mukha. "Oo na. Mahal kita, Totoy. Masaya ka na? Sinabi ko na sa harap mo mismo! Mahal kita."

Napayuko lamang ako. Gusto ko siyang sagutin ngunit hindi ko magawa.

"Ano? Akala ko ba gusto mong kausapin kita? Bakit wala kang masabi? Sumagot ka, Totoy. Sabihin mo sa akin na hindi mo ako kayang mahalin. Sabihin mo na hindi tama 'tong nararamdaman ko. Sabihin mo na─" Hindi ko ipinatuloy ang kaniyang sasabihin dahil hinalikan ko siya sa labi.

Hindi ko alam kung bakit ko ginawa ang bagay na 'yon. Parehas kaming nagulat sa nangyari. Sinampal niya ako at dali-dali siyang umalis.

Napasuntok ako sa pader na nasa aking gilid. Lalo ko lang pinagulo ang mga pangyayari.

Pumunta ako sa classroom nang dumurugo ang kamay. Napansin ito ng aking mga kaklase kaya dali-dali silang kumuha ng gamit para gamutin ako. Itinatanong nila kung ano raw ang nangyari, kung saan daw ba ako nanggaling. Napakaraming tanong. Ngunit, kahit isa, wala akong sinagot. Nakatitig lamang  ako kay Jocelyn. Napatingin siya sa akin. Halata na kagagaling niya lang sa pag-iyak.

Umiwas na siya ng tingin at humarap na sa pisara. Napansin ko rin si RJ na patingin-tingin sa direksiyon naming dalawa. Mukhang alam na niya kung ano ang problema.

Nang natapos na ang paglalagay ng benda sa aking kamay, nagpasalamat ako sa kanila. Dumating na rin ang aming guro sa asignaturang ito. Wala akong naiintindihan sa mga sinasabi niya kahit gusto kong makinig. Punong-puno na ang aking utak.

Naalala ko ang unang beses na nakita ko si Jocelyn. Bungi pa ang kaniyang ngipin. Sobrang nakaiirita rin ang kaniyang boses. At sa pagkakataon din na 'yon, hinalikan niya ako sa pisngi. Hindi ko makalilimutan ang halik na iyon kahit kailan.

At ngayon, hinalikan ko siya sa labi. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya pagkatapos ng nangyari. Maaaring gulong-gulo na rin siya.

Napansin ko na mayroong ipinatong ni RJ ang isang papel sa aking armchair. Malapit lang kasi siya sa akin.

World of Ideas o World of Senses?

Ito ang nakalagay sa papel. Hindi ko alam kung ano ang kaniyang ibig-sabihin. Tumingin lamang ako sa kaniya na mayroong pagtatanong sa mukha.

Ngumiti lamang siya sa akin at nakinig na sa aming guro.

Ano ba ang gusto niyang sabihin? Kung nasa World of Ideas o World of Senses ang nangyayari ngayon? O kung ano na ang aking nararamdaman?

"Excuse me po," saad ng isang lalaki. Nagulat ako nang nanggaling kay Tito Julius ang boses na iyon. "Naandiyan po ba si Totoy?"

"Yes. Sino sila?"

"T-Tito niya ako, Ma'am. Puwede ko ba siyang makausap?"

Tumingin sa akin si Ma'am at tinanguan ako. Lumabas ako ng classroom at pinuntahan si Tito Julius.

Bigla niya akong niyakap nang nakita niya ako. "Kumusta ka na, Totoy?"

"A-Ayos lang po," sambit ko. "Ikaw po? Kumusta?"

Hindi ko inaasahan na muli ko siyang makikita. Kahit papaano'y nawala ang bigat sa aking kalooban nang niyakap niya ako.

"Maayos naman. Na-miss kita, Totoy."

"Na-miss din po kita, Tito. Saan po kayo galing? Bakit ang tagal ninyong nawala?"

Ngumiti siya. "Iniayos ko lang ang buhay ko, ang lahat-lahat."

"Mabuti naman po. Pero, bakit pinuntahan n'yo ako rito sa school?"

"Gusto ko lang makita ang anak ko."

"A-Anak?"

'Tang-ina. Ano na naman 'to?

Continue Reading

You'll Also Like

5.5K 375 69
PEARL OF THE ORIENT #2 Most people believe that a dream is the opposite of reality. For instance, you dream of falling dollars like it's raining pitc...
27.7M 1M 62
(Game Series # 4) Charisse Faith Viste believes in working hard. She does not believe in luck, only hard work. Bata pa lang siya, nasanay na siya na...
657 87 11
People can be weak. But even weak people can stand for their selves and fight back. Be strong. It only takes even a small amount of courage to do it.
71.5K 1.5K 42
HAIST SCHOOL SERIES #1 May mas nakaka-badtrip pa ba sa muling pagkikita niyo ng ex mo na ayaw na ayaw mo na sanang makita?