Kabanata 20- ANG PAGSASANAY

1.2K 127 8
                                    

Anya

"Kailangan ko ng umalis," paalam ko kay Bunao at Marikit nang ibigay ko ang natutulog na anak nila.

"Ang galing mong magpatulog," ani ni Marikit na ikinangiti ko.

"Saan ka naman pupunta niyan?" tanong ni Bunao.

"Hindi naman ako maaring manatili dito. May sarili kayong buhay."

"Paano kung kuhanin ka ni Carolina?"

Napatingin ako sa nag-aalalang mukha ni Bunao.

"Ibinigay na niya ako kay Sitan—"

"Ang mga engkanto ay mapanglinlang. Hindi natin alam kung ano ang kasunduan nila, Anya. Maari ka nilang makuha at muli ka naming—"

Umiling ako. "Kung mangyayari iyon ay hayaan na ninyo ako. Kailangan kong humanap ng paraan upang mapaghiwalay kami ni Jake."

"Iyon ba talaga ang gusto mo? Pagkatapos ng lahat ng nangyari? Nakalimot si Jake hindi dahil gusto niya, Anya. Huwag mo namang sukuan," malumanay na wika ni Marikit.

Napabuntong hininga ako.

"Huwag kang umalis dito. Ligtas ka dito sa bahay at—" Ngumiti si Bunao sa akin. "—malaking tulong ka sa pagpapatulog kay Makisig."

Natawa maging si Marikit sa sinabi niya.

Lulubog-lilitaw ang magkakaibigan maging ang mga diyosa at diyos ng kamatayan. Nakikita ko sa iilang pagkakataon si Jake. Sa iilang pagkakataon na iyon ay hindi niya ako tinatapunan ng tingin.

Sinama nila ako sa pagsasanay isang araw. Sa isang gubat kami nagpunta. Kami ni Carol ay naupo sa isang malaking baton a medyo malayo sa kanila.

"Ano ang pinaghahandaan ninyo?"

"Ang paghahanap kay Bathala, ang pagharap kay Sitan," sagot ni Carol.

"Matagal nang hindi nagpapakita ang Bathala."

"Oo nga raw."

Tumango ako. "May bali-balita noon na nakakulong siya."

Napasinghap si Carol. "Saan mo nabalitaan?"

"Hindi ko namatandaan. Naririnig ko lamang iyon noon pa. Kung saan siya nakakulong ay hindi ko alam o kung totoo man iyon."

Lumalakas si Jake, lumalabas ang totoong kapangyarihan niya. Nag-iiba ang kulay ng kanyang buhok at mata kapag lumalabas ang apoy sa braso niya.

"Gaano na katagal mong kilala si Jake?"

Nagbawi ako ng tingin sa mga nagsasanay at lumingon kay Carol. "Bago pa dumating ang mga Kastila. Bago pa ipanganak si Bunao."

"Ganoon na katagal?" manghang tanong ni Carol.

Tumango ako bilang sagot.

"Mas matagal ang pag-iibigan ninyo ni Alon."

Napangiti si Carol. "Kilala mo kami?"

"Nakikita ko na kayo noon. Hindi pa naman ako tao noon upang makausap kayo."

"Ang hiwaga ng buhay ano?" Napatanong bigla si Carol.

Hindi ako sumagot at muling nanonood sa pagsasanay nila Jake.

Si Jelie ang puspusan nilang tinuturuan. Napapangiti ako sa tuwing mayayamot si Bunao dito at nagkakasagutan silang dalawa.

"Mali-mali itong si Jelie," natatawang pun ani Carol.

"Mabuti nga at mahaba ang pasensya ni Bunao sa kanya. Noon ay batas ang bawat salita niya sa Tondo. Kaya nga namamangha ako sa tuwing binibiro siya ni Jelie."

"Lakas ng back-up ni Jelie, ikaw ba naman ang asawa ni Kamatayan," natatawang biro ni Carol na ikinatawa ko rin.

Natigil ang pagtawa namin nang sa bandang likod namin ni Carol ay sumulpot si Carolina at hinila ang buhok ko.

Napasigaw kami at natingin ang mga kasama namin hindi kalayuan sa amin.

"Takbo na, Carol," wika ko. Si Carolina ay hinila ang buhok ko at kinaladkad ako pababa sa bato.

"Jake, Zandro!" Sigaw si Carol.

"Anya—" sigaw ni Jake.

Nahilam ako sa luha dahil sa sakit ng pagkakasabunot ni Carolina. Idagdag pa na nagsag ako mula sa bato at tumatagos sa anit ko ang kuko niya.

Hindi nakalayo si Carolina dahil napaligiran siya ng itim na usok.

"Sidapa," sigaw nito. "Paraanin mo ako!"

"Bitawan mo si Anya," narinig kong wika ni Jake mula sa likod ng itim na usok.

"Sa akin ang Adarna," mariing wika ni Carolina. "Kapag sinabi kong magpakamatay sila, magpapakamatay siya."

"Huwag mo akong sagarin." Lumitaw si Jake mula sa usok na nagliliyab ang kanang kamay.

"Jake—"

"Bitawan mo siya," sigaw ni Jake.

Hinala ni Carolina ang buhok ko at pilit na itinayo. Umagos sa mukha ko ang dugo mula sa sugat ko sa ulo. Ang matatalim na kuko ni Carolina ay inilagay niya sa tapat ng leeg ko habay ang isang kamay ay patuloy na nakasabuhot sa akin.

"Ano ang kapalit?"

"Huwag Jake," nauutal na sagot ko.

"Ano ang kapalit, anak ni Sitan?"

"Hindi mo pag-aari ang Adarna. Wala kang marka sa kanya, Carolina. Ang pagparito mo ay isang kahangalan."

Nawala ang usok na nakapalibot sa amin. Lumitaw ang mga kaibigan ni Jake na ngayon ay ang siyang nakapalibot.

"Bitawan mo ang Adarna," malamig na utos ni Sidapa.

"Hindi mo ako mapapatay— may kasunduan tayo," sagot ni Carolina kay Sidapa.

"Tayo wala," ani ni Jelie.

Sa unang pagkakataon ay tumama yata ang mahika ni Jelie at lumabas ang napakaraming bubuyog. Napuno ang mukha ni Carolina ng bubuhog ay nabitawan niya ang buhok at lalamunan ko. Nagkatawang-ibon ako at mabilis na lumipad.

Sa pagbagsak ng damit ko sa lupa ay siyang pagkasunog ni Carolina. Sinilaban ni Jake ni Carolina nang buhay. Nagmamakaawa si Carolina ngunit wala sa mukha ni Jake ang titigil ano mang oras. Wala sa mukha niya ang kahit anong awa.

Itinigil ni Jake ang pagbubuga ng apoy kay Carolina nang tumigil ito sa pagsigaw ngunit nagliliyab na ang katawan ng engkanto. Unti-unti na itong nagiging abo na humahalo sa hangin.

Itinaas ni Jake ang braso niya para sa akin. Dumapo ako roon nang nanghihina.

Nanlalabo ang paningin ko at umiikot ang paligid.

"Adarna," sigaw ni Jelie ang huli kong narinig. 

The Book of MythsWhere stories live. Discover now