*****

"Hindi ka na naman daw pumunta sa appointment mo for your visa application." Bungad sa akin ni Mama nang makauwi ako sa bahay, mula sa ilang oras na pagtambay sa coffee shop para sana magsulat, pero kagaya ng dati, nakatatlong kape na ako pero blangko pa rin ang laptop ko.

"Junica, kinakausap ka ng Mama mo. H'wag mo kaming lampasan para magkulong na naman ng buong maghapon d'yan sa lintek na kwarto mo." Ang boses ni Papa na nagpahinto sa gagawin kong pagpihit dapar ng door knob ng kwarto ko. "Bumalik ka dito at humarap ka sa amin kapag kinakausap ka namin."

Nagbitaw ako ang ng malalim na buntong hininga bago tumalima sa kanya at naglakad pabalik sa sala. Actually, kahit hindi ko naman sila harapin o pakinggan ay alam ko na ang sasabihin nila sa akin. Alam ko na kung tungkol saan na naman ang mga sasabihin nila.

"Ano ba talagang plano mo, Junica? Ilang buwan ka nang paulit-ulit na ganito. Lumalabas at uuwi para magkulong na naman d'yan sa kwarto mo," sabi ni Mama. Mahinahanon ang kanyang boses.

"Hindi pwedeng habambuhay ka na lang na ganito. Tumatanda ka na. Pero parang wala pa ring direksyon 'yang buhay mo!" dugtong kaagad ni Papa na nagsisimula nang tumaas ang boses.

Hindi ko alam kung ano'ng ibig nilang sabihin na 'ganito'. 'Yung 'ganito' ba na walang akong stable job, isa lang akong freelance writer para sa kanila, walang negosyo na kagaya nila, graduate ng business management pero walang sariling negosyo o kung ano-ano pa. Hindi ko na alam kung ano'ng ibig nilang sabihin. O pwedeng alam ko rin pero ayoko lang intindihin.

Kilalang abogado si Papa, si Mama naman ay may malaking negosyo ng mga pabango at alahas dito sa Pilipinas pati na rin sa ibang bansa. At alam kong ikina-kasama ng loob nila na isa man lang sa propesyon nila ay hindi ko nakuha.

Pinilit nilang akong mag-take ng AB Political Science, at nasa ikalawang taon na ako nang sabihin ko sa kanilang hindi para sa akin ang course na 'yun. Pinayagan nila akong mag-shift pero sa kurso rin na gusto nila, Business management.

Unang taon pa lang ay tinatamad na kaagad akong mag-aral. Wala naman akong bagsak na grades pero hindi ko rin pinag-eeffort-an na makakuha ng mataas na grades. Siguro gano'n talaga kapag ipinilit lang sa 'yo ang isang bagay na hindi mo naman talaga gustong gawin. Communication Arts talaga ang course na gusto kong kunin, ayaw pareho ng mga magulang ko. Ano raw ba ang magiging trabaho ko pagkatapos kong mag-aral? Ano raw ba ang mapapala ko sa pagsusulat? Ano raw ba ang ipapakain sa akin kapag naging isang ganap na akong manunulat? Kaya ang ginawa ko na lang, habang nagpupursige ako sa pag-aaral sa kursong hindi ko naman talaga gusto, ay nagsulat ako sa mga online platform. Kahit paano kasi, sa mga online platform pakiramdam ko ay natutupad ko na ang pangarap ko. Ang maging isang ganap manunulat. Doon din ako nagsimulang makilala ng mga taong nagbabasa ng mga nobela ko. Marami akong natatanggap na positive comment. Meron ding negative. Pero siyempre, mas pinapansin ko ang mag positibo. Sa pagsusulat na nga lang ako nagiging masaya, palulungkutin ko pa ba ang sarili ko ng dahil lang sa mga taong gusto akong hilahin pababa?

Natapos ko ang pag-aaral ko na walang ako ibinabagsak na subject. Sinabihan kaagad ako nina Mama na ayusin na ang mga papeles ko dahil gusto raw akong kunin ng isang tita ko sa Italy para mamahala ng isang negosyo niya do'n na kasosyo si Mama. Humingi ako ng ilang buwan na pahinga. Kahit ang totoo, ayoko talaga umalis ng bansa, ayokong magtrabaho sa malayo at mas lalong ayokong mag-negosyo.

Pumayag naman sila sa bakasyon na hinihingi ko. Gamit ang ipon ko ay nagbakasyon ako ng mag-isa. Hindi pala ako mag-isa dahil sa lahat ng tabing dagat at bundok na pinuntahan ko dito sa Pilipinas ay dala-dala ko ang laptop ko. Wala akong ibang ginawa kung hindi ang isipin ang sarili ko at ang mga sinusulat ko. At dahil focus din ako ng mga oras na 'yun sa pagsusulat ay mas nakilala ako sa social media. Mas marami kasi akong naisulat. Kaya unti-unti ay dumami ang mga followers ko sa mga online writing platform.

RecursionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon