Chapter 03

10.4K 640 134
                                    

NAPAILING-ILING ang Ate Mari ni Nashnairah nang makita ang suot niya. Kalalabas lang niya sa silid niya at palampas sa silid nito nang siya ring labas nito.

"Pupunta ka sa Niwa's mansion na ganyan ang suot?"

Natingnan niya ang suot na medyo oversized t-shirt na kulay puti na medyo t-in-uck in niya sa may harapan. Nakasuot din siya ng skinny jeans at itim na rubber shoes. At hindi mawawala ang sumbrelo niyang itim sa ulo.

"May problema ba, Ate Mari?" wala naman siyang nakikitang mali sa suot niya.

Napailing-iling pa rin ito. "Nagiging babaeng-babae ka lang talaga kapag may laban ng sayaw ang grupo ninyo at pumapasok sa school. Sabagay, mga babae ang nakakasama mo kapag may sayaw kayo. At kapag grupo naman nina Daizuke," napabuga ito ng hangin. "Nagiging lalaki ka na ring magbihis."

Tinawanan lang niya ang sinabi nito. Tanggap naman niya ang pagiging one of the boys niya. Mas kumportable lang talaga siya sa mga t-shirt kaysa magsuot ng dress.

"Ate, hindi naman party ang pupuntahan ko para magsuot ng dress. Saka, na-invite lang ako para mag-dinner kina Daizuke. Kakain lang kailangan nakasuot pa ng bongga?" nalukot ang mukha niya. "Parang kakatihin ako."

"Ate Nashnairah! Narito na si Kuya Daizuke. Bumaba ka na riyan!"

Napatingin siya sa may hagdanan nang buhat sa baba niyon ay malakas na magsalita si Marv. Binalingan niya ang panganay na kapatid at nagpaalam na rito. "Bye!"

Naabutan pa niya sa may kusina si Daizuke na kausap ang kanyang ama. Si Ronfrey naman na palabas ng kusina ay nakangisi pa sa kanya habang ipinapakita ang dalang mga paper bag.

"Dala ni Kuya Daizuke," bulong pa nito bago pasipol-sipol na nilampasan siya. Pasalubong siguro ni Tita Beasly. Ganoon naman palagi kapag galing ito sa Japan. Palagi itong may iniuuwing pasalubong sa kanila.

"'Pa, kina Tita Beasly po ako maghahapunan," aniya nang lapitan ang mga ito. Kahit nagpaalam na rito ay paalam pa rin uli niya.

Tumango ang ama niya bago tinakluban ang nasa disposable na food container. Pork Adobo iyon na paboritong Filipino food ng ama ni Daizuke na si Takeo Niwa. "Dalhin mo ito para kay Mr. Niwa," anito na ibinigay sa kanya ang niluto nito na inilagay pa nito sa paper bag. "Ikaw na ang bahalang maghatid pauwi kay Nashnairah, hijo," baling naman nito kay Daizuke na tinanguan naman ng binata.

"'Pa, alangan namang maglakad ako pauwi?" biro niya rito bago nagpaalam na rin. "Tara," nakangiti niyang baling kay Daizuke na hindi na yata talaga kukupas ang kaguwapuhan. Isang sulyap pa rito bago siya nagpatiuna palabas ng kusina.

Halos habulin naman si Daizuke ng tingin ng mga customer sa Rawnie's nang dumaan sila sa dining ng restaurant. Pero deretso lang ang tingin ni Daizuke na hindi nagtapon ng tingin lalo na sa mga babaeng humahanga ang tingin dito.

Napakurap-kurap si Nashnairah nang akbayan siya ni Daizuke.

"Bilisan mong maglakad," wika nito.

Right, no malice sa side ni Daizuke. Nagpatianod na lang siya rito hanggang sa makarating sila sa pinagpaparadahan ng kotse nito sa harapan ng Rawnie's. Napapalatak pa siya nang pagbuksan pa siya nito ng pinto sa may passenger side.

Hinawakan pa nito ang ulo niya para hindi siya mauntog nang sumakay siya sa kotse nito. "Nakakain ka na naman ba ng panis na chocolate?" biro pa niya rito. Medyo naninibago siya rito dahil sa gesture nito. Mas sanay siyang hindi pinagbubuksan ng pinto dahil kaya naman niya.

"What?" he hissed. Hindi kasi inaalis ni Nashnairah ang tingin kay Daizuke nang makasakay rin ito.

Umiling siya bago nagbawi ng tingin. "Wala." Ibinaling niya ang tingin sa labas ng bintana at doon ay pinakawalan ang munting ngiti sa labi.

The Ultimate Hottie BillionaireWhere stories live. Discover now