4th Hunt: Concern

5.9K 244 23
                                    

Sabi nga ng mga Guardian, nag-iipon ng taong papatay sa kanya ang bagong halal na Fuhrer—bagay na hindi bago sa iba dahil noong si Adolf Zach pa ang namumuno, nag-iipon lang din ito ng mga taong papatay rito. Iyon nga lang, namatay naman sa sakit si Adolf Zach. At ang mga taong gustong pumatay rito ay wala rin namang nagawa kundi hintaying karma ang pumatay sa founder ng Citadel.

Sinasabi ng iba na kailangan nang i-dethrone si Richard Zach dahil ilang beses itong hindi pumirma sa mga dokumentong nilalatag ng ibang Superiors. Bagay na ang daming umaalmang nakaluklok sa guild dahil parang pinaglalaruan lang nito ang trabaho. Hindi pipirma pero hindi rin naman nagbibigay ng suhestiyon. Para bang naghuhugas-kamay sa kahit anong mali. Hahayaan ang ibang gawin ang gusto nila, basta siya, hindi pumayag. Kung may mangyari mang hindi maganda, alam na nila na malinis ang konsensiya niya dahil wala siyang kinalaman at ang opisina niya roon.

Ani nga nila, hindi mababago sa ugali ni Richard Zach ang ganoon. May pakialam lang ito sa sarili at sa mga mahahalaga rito. At ang iba? Bahala na sila sa buhay nila. Kaya ang gaan ng trabaho ng mga Guardian niya sa ilalim ng palakad niya. Ang taas pa ng tingin sa kanya ng mga neophyte dahil nga raw mabait at hindi sila pinapagod.

Kaya pagkaluklok kay Max, walang ibang narinig sa mga Guardian na nagtatrabaho sa opisina ng Fuhrer kundi ilang tahimik na pag-alma dahil pakiramdam nila sa trabaho, ibang Superiors na ang makakalaban nila.

Wala rin namang pakialam doon si Max. Dahil ang tanging laman lang ng isip niya ay maparusahan ang dapat maparusahan at mabawi ang mga kapatid niyang hawak ng mga taong hindi niya kilala kung sino.

Ayon sa balita sa kanya, nakuha na ng mga Zordick si Arjo. Sa kasamaang-palad, kahit may dugo siyang Zordick ay wala naman siyang awtoridad para kontrolin ang pamilya ng mama niya. Sa monarkiya ng ina, parating mga babae ang nasusunod at namumuno. At ang mga lalaki ay pawang kalebel lang ng mga panginoon na may mabababang kapangyarihan.

Habang tumatagal, lalo lang siyang naghihinalang buhay pa ang mga magulang. Ngunit ang ikinatataka niya ay kung talagang buhay nga ang mga ito, bakit hindi pa rin ito nagpapakita sa kanila?

Tinatahak ni Max ang pasilyo ng ikaapat na palapag ng kastilyo ng mga Zach kung nasaan ang opisina ni Labyrinth. Mahahaba na ang anino sa sahig at dingding ng mga nadadaanang bintana dahil sa papalubog na araw. Maggagabi na naman at apat na araw na lang ang bibilangin bago magsimula ang official enlistment para sa Kill for Will Tournament.

Marami pa siyang kailangang asikasuhing mga dokumento. Nalaman na niyang si Armida Zordick pala ang nagbigay ng pusta sa kaban ng guild at ang ipinusta nito ay sina Arjo at Zone.

Aaminin niyang nagalit siya sa ina nang mabasa ang tungkol doon sa sponsor's list, pero nang mabasa niya ang draft memo na gawa ni Richard Zach—na mukhang hindi pa nito naipapasa bilang official proposition para ikonsidera ng ibang Superiors—iyon lang ang paraan nina Armida Zordick at Richard Zach para legal na mapunta sa kanila ang pangangalaga sa mga kapatid niya. At kung sila ang makakakuha kina Arjo at Zone bilang premyo, titigilan na ng Citadel ang paghahabol sa mga project na gawa ni Labyrinth.

Sinusubukan ng ina niya na gawin sa mas mapagkakasunduang paraan ang pagbawi kina Arjo at Zone na sasang-ayunan ng Credo at ng buong guild.

Iniisip pa lang niya, naaawa na siya sa mga kapatid dahil parang mga bagay ito na pinagpapasa-pasahan ng mga taong wala naman talagang pakialam sa mga ito.

Hindi na siya kumatok pa, binuksan na lang niya ang malaking pulang pinto at walang paalam na pumasok sa loob.

"Labyrinth," pagtawag niya sa code nito.

Naabutan lang niya itong naninigarilyo sa mesa at kabababa lang ng baso ng rhum na ininuman.

Napahugot siya ng hininga nang makitang parang wala ito sa sarili sa mga oras na iyon. Ang gulo ng gintong buhok nitong basta na lang ipinusod gamit ang transparent na lastiko. Gusot din ang suot nitong pulang long sleeves.

Hunting Project: ARJO (Book 8)Where stories live. Discover now