Special Part

1.4K 83 32
                                    

Masyadong mahaba yung special chapter kaya hinati ko sa dalawa. Mababasa po ang umpisa nito sa Wattpad Block Party 2020


****


KUNG NAGULAT SI Cas noong araw na sinabi ni No. 99 na ikinakasal na ang lalaking pakakasalan niya sa ibang babae, hindi niya lubos akalaing may makatatapat na pala roon bilang pinakamalala sa lahat ng problemang napasukan niya.

Inalok nga niya ng kasal si No. 99, at paulit-ulit din naman siya nitong tinanggihan sa loob lang ng isang oras. Hindi lang talaga niya inasahan sa pagbalik niya sa Citadel kinabukasan, malalaman niyang ikakasal na pala siya rito sa araw ding iyon.

Sinabi ni Xerez na nakahanda na sa silid niya sa Citadel ang mga isusuot niya sa seremonyang tinukoy ng Guardian. Sa haba ng bawat pasilyo sa kastilyo ng mga Zach, gusto na talagang magpasok doon kahit bisikleta man lang para hindi siya napapagod sa paglakad. Pero alam niyang magagalit ang Fuhrer at sisitahin siya ng mga Guardian. Maliban sa marurumihan ang matingkad na asul na carpet sa sahig, hindi rin iyon bagay sa matayog na kisameng may mga hand-painted mural at sinasabitan ng nagkikinangang crystal chandelier.

Malayo pa man siya sa kaliwang kanto paliko sa panibagong pasilyo kung nasaan ang kuwarto niya, sumulpot mula roon si No. 99 na may binabasang mga dokumento at doon lang nakatutok. Base sa suot nitong itim na cargo pants na itinago sa itim na leather boots ang laylayan, at sa round-neck shirt nitong bakat na bakat ang kakisigan ng katawan na naka-tuck-in din ang laylayan sa suot na pantalon, mukhang isa rin ito sa hindi maramdamang may kasalan palang magaganap sa pagsapit ng hapon.

Hinarang niya agad ang daan nito kaya pareho silang napahinto sa paglalakad.

"Hanggang kailan mo balak magsinungaling sa 'kin?" mapanghusgang tanong ni Cas at nagpamaywang pa.

Naghubad ng salamin sa mata si No. 99 at sinukat siya ng tingin. "Wala akong sinasabi sa 'yo kaya hindi ko alam kung paano ako nakapagsinungaling."

"Kaya nga! Wala kang sinasabi!" naiinis na singhal ni Cas.

"Wala pala akong sinasabi, paano ako naging sinungaling?"

Humugot agad ng hininga si Cas at naningkit ang mata para sukatin ng tingin ang lalaki. Napakapilosopo rin talaga nito. "Hindi ka na Guardian."

"Importanteng bagay ba 'yon para sa 'yo?"

"Ang tagal mo nang wala sa serbisyo, pero hindi mo man lang sinasabi sa 'kin? Naging Superior ka na't lahat, pero hindi mo man lang sinasabi sa 'kin?"

"Hindi mo kailangang problemahin ang problema ng ibang tao." Magpapatuloy na sana sa paglakad si No. 99 ngunit hinarang na naman siya ni Cas.

"Nakita ko yung seal ng pamilya mo sa kontrata. Bakit?"

"Kung gusto mo palang malaman ang sagot, bakit hindi ka pumunta kagabi sa family dinner na sinabi ko?"

Hinawakan ng lalaki sa balikat si Cas at buong akala niya ay itutulak siya nito ngunit gumilid lang ito at binigatan ang kamay para lang hindi na siya makagalaw pa upang mangharang ulit.

Hindi na sinubukan pa ni Cas na habulin si No. 99. Hindi talaga niya mabasa ang mga ginagawa at pakay nito. O dahil alam lang niyang hindi rin si No. 99 ang tipo ng taong gustong binabasa ang galaw. Gusto rin sana niyang magpasalamat dito sa hinanda nitong almusal pero nasa tapat na siya ng silid nang maalala ang tungkol doon.

"Lady Cassandra," pagbati sa kanya ng isang babaeng Guardian at yumukod para magbigay-galang. Kaiba sa lumang apartment niya sa downtown doon sa Zilina, damang-dama niya ang pagiging prinsesa sa Citadel. Iyon nga lang, suportado ng mga Zach ang luho niya roon at hindi mga Zordick. Si Adolf Zach ang pinakakinatatakutan niyang tao sa mundo at hindi na mababago pa ang katotohanang iyon, kahit pa ito na mismo ang madalas gumawa ng paraan para iligtas siya sa kamay ng sarili niyang pamilya.

Hunting Project: ARJO (Book 8)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon