Hunting Project Arjo

4.1K 166 4
                                    

Bzzngg!

Kunot-noong nagising si Max nang makarinig ng kakaibang tunog ng makinang dumaan sa puwesto kung nasaan siya. Papaling sana siya sa kanang gilid nang matigilan dahil hindi siya nakakilos.

"Mama!" malakas niyang pagtawag at pinandilatan ang paligid. "Pa! Ma!"

Lumingon-lingon pa siya. Tumingin sa kanan, sa kaliwa, sa harapan, itaas.

Hindi iyon ang isla. Maalikabok sa paligid, lalo na sa puwesto niya. Kaharap niya ang isang sasakyang nasunog na. Sunog din ang bahay sa harapan. Pagtingin niya sa kaliwang braso, nakaangat iyon at nangangawit na. Nakaposas iyon gamit ang makapal na metal cuff. Sinakop ng posas ang tatlong pulgadang pulsuhan niya at nakadikit pa sa basag na binata ng sinasandalang bahay. Tumingin siya sa inuupuang lupa. May nakikita siyang debris ng basag na bintana at ilang yuping bakal.

Binalikan niya ng tingin ang posas at nakitang hindi iyon nasususian nang basta. Electronic iyon at malamang na may wire lang na ma-disconnect ay maaalis na iyon. Hindi rin siya makakatayo nang maayos dahil mababali naman ang braso niya. Inangat na lang niya ang sarili nang kaunti at sinilip ang kabuuan ng posas. Inisip niyang mahirap alisin ang posas na iyon dahil malamang na masusugatan siya. Nadako ang tingin niya sa pinagkakabitan niyon. Sinubukan niyang galaw-galawin ang braso at napansing makunat na ang bakal kung saan iyon nakakabit. Hindi siya makakakuha ng tamang puwersa para hatakin ang sarili kaya pinulot niya ang malaking bato sa gilid at pinukpok nang malakas ang bakal na suporta sa bintana.

Bzznnggg!

Iyon na naman ang tunog na iyon. Napatingin sa langit si Max at nakita ang kadaraan lang na drone. Inisip niyang malamang na camera iyon na naglilibot sa lugar kung nasaan siya.

Sinabi ni Laby na inilipat ang mga outside player sa bagong battleground. Ang huling alaala niya ay lumalangoy siya para balaan sina Aspasia at Erah na binabantayan sina Jin at Jocas sa kuweba sa loob ng talon. May tumamang kung ano sa kanang balikat niya, at bigla na lang siyang nawalan ng malay. Hindi niya alam kung ano'ng araw na, kung tuloy pa ba ang laban. Pero dahil nakita niya ang drone na dumaan, malamang na tuloy pa rin ang tournament. Hindi nga lang niya alam kung anong araw na ba at ilang oras na lang ang natitira.

"Agh!" Sa wakas ay bumaluktot na ang bakal sa bintana at nahatak na niya ang brasong may suot pa ring posas. Magkadikit iyon na para sa magkabilang pulsuhan. Hindi niya alam kung paano iyon aalisin, pero ang mahalaga ay nakaalis na siya sa nakakangawit na puwesto.

Hindi siya pamilyar sa paligid, pero mukhang sirang bayan iyon. Para siyang nasa bayang dinanaan ng giyera. Nakasimangot siya nang maglakad patungo sa gitna ng kalsada.

Hindi niya alam kung anong oras na pero base sa taas ng sikat ng araw at sa anino niyang halos pumantay na sa kanya, tantiya niya ay tanghali na.

Napakusot siya ng ilong dahil amoy-usok at alikabok sa paligid. Paglingon niya sa likuran, bahay ang dulo niyon na bahagyang may sira sa kaliwang parte ng bubong at wasak ang pinto. May T-intersection sa dulo at parang village iyon na biktima ng giyera.

Tiningnan niya ang sarili, hindi naman nagbago ang suot niya noong nasa isla pa. Iyon lang, mas malagkit ang pakiramdam niya dahil naghalo na ang basa-tuyo niyang lagay sa isla gawa ng ulan at hangin.

Bzznngg!

Iyon na naman ang tunog ng dumaang drone. Sinundan niya iyon ng tingin hanggang tumungo ito sa kabilang panig ng kalsada kung nasaan siya. Ibinaba niya ang tingin nang mawala na ang drone sa paningin niya.

"Milady!"

Nakarinig siya ng sigaw sa di-kalayuan. Patungo iyon sa direksyon kung saan dumaan ang drone.

Hunting Project: ARJO (Book 8)Where stories live. Discover now