17th Hunt: The Slayer, the Thief, and the Cursed

1.6K 100 27
                                    

Alas-nuwebe ng gabi, ayon sa relong suot ni Laby, at pareho na silang nakatulala ni Ran sa loob ng isang blangkong kuwarto na gilid lang ng monitoring room ng buong isla. Nakasandal lang sila sa tabi ng pinto, nakaupo roon, at ilang minuto nang tahimik.

"May dahilan kung bakit ginawang training ground itong isla," sabi ni Ran. "Nagsisisi ka na bang pumunta ka rito?"

Buntonghininga lang ang naisagot ni Laby. Sinubukan niyang tingnan ang kabuuan ng isla at kung ano lang ba ang maaaring magamit para makatakas doon kahit umaandar pa ang laban. Iyon nga lang, wala silang ibang tsansa kundi ang gumamit ng malaking barko patungo sa kabilang isla dahil hindi kakayanin ng simpleng bangka lang ang mga alon. O di kaya ay aircraft, pero imposible sa gabing iyon dahil nga malakas ang hangin at ulan.

"Natatangahan lang ako sa assumptions ko, pero hindi naman ako nagsisisi," mapagmataas na sagot ni Laby para ipakitang wala nga siyang pinagsisisihan. Inaasahan naman na kasi niya, pero iba pa rin na naroon siya at naipamukha sa kanya ng pagkakataong mali talaga siya ng akala.

"You know I can't stay here for too long," sabi ni Ran at sinulyapan si Laby sa kanang tabi. "May controls ng missiles si Sam at mga sponsor. If may inactive player na nagre-register sa motion sensors, they need to do something. Ayoko namang bombahin 'tong control room."

Isa na namang buntonghininga kay Laby na parang hindi na mauubusan ng buntonghininga sa gabing iyon. "Bakit naman kasi sasali-sali pa rito?" inis niyang sermon kay Ran.

"E bakit pa kasi pupunta-punta ka pa rito?" balik ni Ran sa kanya.

"At kasalanan ko pa, ha?"

Napahimas na naman ng noo si Ran dahil pag-aawayan na naman nila iyon. Paikot-ikot sila sa usapan. Kung hindi magsisimula sa pagpunta roon ni Laby, magsisimula sa pagsali ni Ran sa tournament.

"I need to go outside ASAP. Hindi ko naman kailangang lumaban gaya ng iba. Kailangan ko lang makatagal," paalala ni Ran.

Ang sama ng tingin ni Laby kay Ran nang sabihin iyon. "You can't even pick up a three-kilo dumbell, jerk, how are going to fight?"

"Tamad lang ako pero hindi naman ako ganyan kahina. Ikaw, grabe ka talaga sa 'kin." Tumayo si Ran at nag-inat-inat. "Malakas ang ulan ngayon, hindi magandang magtagal tayo rito sa kuweba."

"Saan ka pupunta?" tanong ni Laby at tumayo na.

"Gabi ngayon at may bagyo, for sure, walang naglalaban sa labas dahil delikado."

"Saan ka nga pupunta?" naiinis na pag-ulit ni Laby sa tanong.

"May isa pang kuweba sa talon, mga dalawa't kalahating kilometro mula rito."

"Safe ba r'on?"

"Somehow, yes, geographically and tactically speaking. Malakas din ang pull doon ng tubig kaya malabo ang reception ng signal. In case magkagulo, hindi ako basta-basta malo-locate."

Tumango lang si Laby. "Then we'll go there."

Napapikit si Ran at humugot saka bumuga ng hininga, halatang nagpipigil ng sarili. "Milicent, listen. I can go there alone."

"Sasamahan nga kita! I can fight better than you! Ang lampa-lampa mo kasi!"

"Sobra ka talaga sa 'kin. Puwede namang hindi ipamukha, di ba?" sarcastic na tugon ni Ran at tumingala sa metal na kisameng isang talunan lang niya ang taas. Wala kasing ibang kuwarto sa lugar kundi doon lang, at hindi naman talaga iyon kuwartong tulugan kundi tambakan lang ng spare parts o mga computer na hindi nagfa-function nang maayos. Tumingin siya sa kaliwa at nahagip ng tingin ang drawstring bag na para sa mga player. Alam niya kung nasaan ang mga sponsor's loot. Iyon nga lang, kailangan pa rin niyang lumabas para makuha iyon gaya ng ibang player. Kinuha niya iyon at isinuot na.

Hunting Project: ARJO (Book 8)Where stories live. Discover now