Begin

28 1 0
                                    


-

"Althea!"

"Althea! Hija, lumabas ka at may naghahanap sa iyo!" sigaw ni Aling Betchay, ang landlady nitong apartment na inuupahan ko, mula sa labas ng nakasaradong pinto.

Walang gana akong bumangon at bahagyang nag-inat ng katawan. Tiningnan ko ang orasan na nakasabit sa dingding ng kwarto ko. Alas-syete ng umaga. Ang aga-aga pa kaya sino naman ang maghahanap sa akin? Sabado ngayon at wala naman akong pasok sa coffee shop. Sino kaya 'yon?

Naghihikab akong tumayo bago tumungo sa pintuan at pinihit ang doorknob nito.

Pagbukas ng pinto ay tumambad sa akin si Aling Betchay na suot ang paborito niyang asul na bestida habang may rollers pa sa buhok. Sa araw-araw na nakikita ko siyang suot 'yan, nilalabhan pa kaya niya?

"Hay nako! Mabuti naman at nagising ka na. Kanina pa may naghahanap sa iyo" napakamewang na banggit nito

"Sino po ba 'yon?" kunot noong tanong ko ngunit nagkibit-balikat lamang ito

"Hindi niya sinabi ang pangalan niya pero maganda siya at kutis mayaman. Gusto ka raw makausap" napatango na lang ako sa sinabi niya.

"Sige po. Paki sabi na mag-aayos lang ako sandali at bababa na rin ako" tumango ito bago bumaba ng hagdan. Nasa secondfloor kasi ang appartment ko kaya naman kailangan talagang maghagdan. Hindi naman pwedeng lumipad 'di ba?

Pumasok ulit ako sa loob. Pumunta ako sa banyo saka naghilamos at nagsipilyo. Nagpusod ako ng buhok habang nakatingin sa salamin at nang makontento na ako sa aking hitsura ay napagpasiyahan ko nang lumabas muli.

Bumaba ako sa veranda kung nasaan si Aling Betchay habang kausap ang isang babae. Tama siya, maganda ito, maputi at makinis. Nakasuot din ito ng damit na mahahalatang mamahalin kahit pa isang black fitted dress lang ito na ilang pulgada ang taas mula sa tuhod at tinernohan pa ng silvery-white high heels. Itim ang hanggang balikat nitong buhok at may dala siyang branded na purse.

Dapat pala hindi na ako bumaba.

Pumihit ako patalikod. Ayoko siyang kausapin dahil wala naman kaming dapat pag-usapan. Nagsimula na akong maglakad ngunit nakakailang hakbang pa lang ako ay may tumawag sa pangalan ko.

"Marie" malumanay na banggit nito. Gusto kong umiyak dahil lang sa pagtawag niya sa pangalan na matagal ko nang hindi ginagamit.

Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang ako sa paglakad hanggang sa maramdaman ko ang paghawak ng isang kamay sa aking braso. Masyadong maputi at makinis ang kaniyang kutis kung ikukumpara sa balat kong morena na hindi man lang ginagamitan ng lotion.

Huminto ako ngunit hindi pa rin lumilingon sa kaniya. Bakit ba nandito siya?

"Marie-"

"Althea po, iyon na ang ginagamit ko ngayon" pagtatama ko sa kaniya.

"A-Althea, gusto kitang makausap kahit sandali. Pagbigyan mo naman ako kahit ilang minuto lang" pagsusumamo nito kaya napabuntong hininga ako bago dahan-dahang humarap sa kaniya. Inalis na rin niya ang kamay niyang nakahawak sa akin.

"Maiwan ko na muna kayong dalawa" paalam ni Aling Betchay bago umalis.

Pagkaalis nito ay tumungo kami sa labas. Pinanatili ko ang distansya sa aming dalawa.

"Paano ninyo nalaman kung saan ako nakatira?" paunang tanong ko

"Nagpatulong ako sa isang kaibigan" napabuntong hininga ako dahil sa sinabi niya. So may stalker pala ako?

"Anong kailangan n'yo?" walang ganang tanong ko habang nakatingin sa kawalan

"G-Gusto lang kitang makausap" mahinang tugon nito.

The Night She Said; GoodmorningTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon