Ika-13 Pahina

104 25 71
                                    

"Hoy ikaw Rita! Huwag kang gagaya d'yan sa pinsan mo!"

Wala akong pasok ngayon at wala akong ibang gagawin kung hindi ang kumayod. Sakay ng bisikleta kong may nakapaskil na "Gumagawa ng Sapatos!" sa harapan ay pumunta ako sa karenderya ni Tiyang para makatulong. Ganito palagi ang ginagawa ko para maipagsabay ang paglalako ng trabaho ni Itay at ang paglalakbay papuntang karenderya.

Pagkarating ko pa lamang sa karenderya ay ang mainit na ulo agad ni Tiya Karen ang sumalubong sa akin at ang tahimik na si Jasper.

"Bakit ho Tiyang?" pagaalala ko.

Ngayon ko lamang nakita si Jasper na mukhang takot sumagot kay Tiyang at hindi magawang umimik. Tiningnan ko s'ya at binigyan ng mapagtanong na titig ngunit nagkibit balikat lamang siya at itinuro si Tiyang na parang ito lamang ang makakapagbigay sa akin ng sagot.

Bumuntong hininga si Tiya Karen nang ilipat ko ang tingin ko sa kaniya.

"Eh paano ka masasagot n'yan kung makikita mo ang kasalanan niya kapag umimik s'ya! Kung hindi pa nga 'yan humikab kaninang umaga, hindi ko pa malalaman eh!" galit na anito.

"Ano ba kasi 'yon Tiyang! Jasper!" inis na sabi ko, naiinis na dahil hindi pa nila kaagad ako deretsahin!

Naghahalo na ang inis at pagaalala ko dahil sa inaasal nilang dalawa ngayon. Naalala ako na hindi sumabay si Jasper sa amin ni Jojo sa pagbalik sa eskuwela kahapon dahil anito ay mayroon pa siyang dadaanan. Hiniling pa niya na kung maaari ay 'wag ko na sanang sabihin kay Tiya Karen dahil saglit lang naman daw siya! Ano itong nangyayari ngayon?!

"Iyang magaling mong pinsan! Nagpalagay ng hikaw sa dila! Pagsabihan mo nga 'yan at ipaliwanag mo na sa tenga nilalagay ang hikaw at hindi sa dila!" sigaw ni Tiya Karen, hindi mapigilan ang galit sa katigasan ng ulo ng anak.

Napapikit na lang kami ni Jasper sa takot dahil sa lakas ng pagkalampag ng mga kalderong kunyaring isinasalansan ni Tiya Karen para lamang makapagwala.

"Tuwang tuwa pa ako kagabi dahil tahimik nung umuwi! Payapa akong nakapagpahinga dahil walang maingay sa bahay. Iyon pala nagpabutas ng dila kaya hindi makaimik!" mangiyak-ngiyak na kwento ni Tiyang bago pumasok sa kusina ng karenderya.

Siniko ko si Jasper at pinandilatan ng mata sa sobrang inis ko.

"Ikaw talaga! Ano na naman bang pumasok sa kokote mo!" aniko.

Agad akong napatahimik ulit nang muling lumabas si Tiya Karen sa kusina at tinignan ng masama si Jasper habang namumula ang mga mata.

"Eh kung mapaano kang bata ka dahil diyan sa pinaggagagawa mo ha! Kung matetano ka?!" duro nito kay Jasper.

"Wala namang kalawang ang hikaw na ikinabit sa akin Inay." ani Jasper kaya nasilayan ko ang hikaw na tinutukoy ni Tiyang.

Nanlaki ang mga mata ko nang makitang medyo mahaba at kumikinang pa ang hikaw sa dila niya. Napangibit ako nang pumasok sa isip ko kung gaano kasakit iyon noong ikinabit.

Sumasagot pa kasi itong si Jasper eh. Alam naman naming walang kalawang iyong hikaw! Sino bang magpapakabit ng hikaw na may kalawang? Minsan na nga lang sumagot, tatanga-tanga pa. Nag-aalala lang naman si Tiyang kaya ganoon ang nasasabi niya.

"Sumasagot ka pa! Sumasagot ka pa!" dinuro-duro pa ni Tiya Karen ang sintido ni Jasper sa inis.

"Masakit Inay!" angal nito.

"Masakit ha? Nasasaktan ka sa panduduro ko pero hindi ka nasaktan nung pinakabit mo 'yang lintik na hikaw na 'yan!" lalo pang nilakasan ni Tiyang ang panduduro kay Jasper na halos tumalsik na ang ulo nito.

"Tama na ho Tiyang!" awat ko sa awa kay Jasper na mukhang nasasaktan na nga.

Sumakit ang dibdib ko nang makitang napaupo si Tiya Karen sa isa sa mga bangko sa karenderya at sunod-sunod na nagsipatakan ang kaniyang mga luha.

"Delikado 'yan eh!" aniya sa akin, tila ipinapaliwanag kung bakit ganito ang nagiging reaksyon niya.

"Ligtas naman ako Inay eh." imik ni Jasper, may kaunting pagsisisi na napaiyak niya ang kaniyang Inay.

Kitang kita ko kung paano galit na tinignan ni Tiya Karen si Jasper habang umiiyak pa rin. Maging ako ay hindi na rin mapigilan ang pagiging emosyonal. Kitang kita ko kung paanong napapalitan ng galit ang sobrang pagaalala ng isang ina sa kaniyang anak. Kitang kita ko rin kung paanong unti-unti nawala ang galit sa mga mata niya nang makitang may mga luha na ring pumatak sa mata ng anak.

"Pasensya na po Inay." ani Jasper at hindi naiwasang mapatungo para itago ang mga luha.

"Hindi mo ako naiintindihan eh! Delikado yan Jasper! Eh kung napaano ka?" unti-unting nanghihina ang boses ni Tiya Karen kahit hindi pa tapos magpaliwanag.

"Hindi mo alam. Ikaw na lang ang mayroon ako. Tayong dalawa na lang Jasper. Kapag may nangyari sa'yo, paano ako?" panay ang pagpatak ng luha ni Tiya Karen.

Hindi gaya kanina ay wala na akong ibang makita sa ekspresyon ni Tiya Karen kung hindi pagmamahal at pagaalala sa nag-iisang anak.

"Sorry Inay." garalgal ang tinig ni Jasper na pinipilit magsalita sa kabila ng pag-iyak.

"Tayong dalawa na lang. Tayo na lang Jasper. Ikaw na nga lang ang natira sa akin. Iiwan mo pa ba ako?"

Sumakit ang puso ko nang makita ang unti-unting paglapit ni Jasper kay Tiya Karen at ang pagluhod nito sa harapan ng ina. Napapikit ako sa mga luhang pilit na kumakawala sa aking mga mata.

"Sorry Inay. Hindi naman kita iiwan eh. Dito lang ako, hindi kita iiwan." iyak niya habang nakayakap sa bewang ng ina at nakabaon ang mukha sa tiyan nito.

"Iniwan na nga tayo ng tatay mo eh." paghaplos ni Tiya Karen sa buhok ng anak.

"Shhh."

"Kung mapaano ka?"

"Tama na Inay." suway ni Jasper.

"Hindi naman ako napaano. Hindi ko na po uulitin." ani pa nito.

Naiinggit ako makitang nagagawa pa ni Jasper yakapin ang kaniyang ina. Naiinggit ako dahil kahit na palagi silang nagaaway, may ina pa rin si Jasper na palaging nag-aalala sa kalagayan n'ya. Naiinggit ako dahil hindi katulad ni Jasper, wala na akong ina.

Minsan, naisip ko, siguro hindi ako naging mabuting anak kaya kinuha agad siya sa akin. Minsan, naiisip ko, siguro hindi ako karapat-dapat na magkaroon ng isang ina. Siguro mas magiging masaya si Inay na magpahinga na lang kaysa makita akong lumaki dahil hindi ako karapat-dapat.

Napakaswerte ng mga taong nakakasama pa ang mga magulang nila. Sana naiisip nila kung gaano sila kaswerte kahit na madalas pa silang sigawan at utusan ng mga ito. Kahit pa minsan hindi na nila nararamdaman ang pagmamahal ng kanilang magulang, maswerte pa rin sila. Maswerte silang mayroon silang magulang na nagagalit, naiinis, at nakakapagpalungkot sa kanila kung minsan, dahil wala nang mas nakakagalit, nakakainis, at nakakalungkot sa pagkawala ng isang ina o ama.

Kung makakausap ko ngayon si Inay, hihilingin ko lang sa kaniya na sana bumalik na siya sa akin. Kung makakausap ko siya ngayon, ipapangako ko sa kaniya na kahit kailan hindi ako gagawa ng ikasasakit ng ulo niya. Kung nandito pa siya ngayon, sana madali kong nasasabi sa kaniya ang lahat ng gusto kong sabihin.

Kung sana Inay, isinama mo na lang ako, hindi sana ako nalulungkot ngayon.

Kung sana, dininig ng Diyos ang dasal ko noong araw na iyon, sana kasama pa kita.

Kung pinakinggan lang ako ng Diyos, kung dininig lang ng Diyos ang mga dasal ko, sana naniniwala pa ako sa Kaniya ngayon.

Kung totoo ang Diyos, sana kasama ko pa siya ngayon.

Kung totoo lang sana ang Diyos . . .

The UnFAITHful Lady: Rita DalanginWhere stories live. Discover now