Ika-6 na Pahina

151 48 58
                                    

"Itay? Nandito na po ako. Pasensya na muntik na akong gabihin, may dinaanan lang po."

Tuloy-tuloy ang salita ko habang pumapasok sa loob ng bahay at naghuhubad ng suot na sandals.

Akala ko pagkapasok ko sa bahay ay nasa sala si Itay, nag-aabang sa akin dahil nag-aalala, pero hindi ko siya naabutan sa sala. Inisip ko na baka lumabas na nga iyon at hinahanap ako, mabuti na lang at sinubukan ko munang tignan ang kwarto niya dahil baka nandoon siya at hindi naman ako nagkamali.

Nandon siya sa kwarto niya at mahimbing na ang tulog. Ang akala ko pa naman ay nag-aalala man lang sa akin. Kailan nga ba huling may nag-alala sa akin? Sa kalagayan ko at kung okay lang ba ako? Hindi bale na. Wala naman talagang higit na magmamahal sa'yo kundi ang sarili mo.

Hinubad ko ang bistidang katulad na katulad ng bistida ni Inay noong nabubuhay pa siya. Hindi ko masisisi si Itay kung akala niya ay ito mismo ang paboritong bistida na isinusuot ni Inay noon dahil 'yon mismo ang dahilan kung bakit ko ito binili.

Bata pa lang ako ay nasanay na ako na palaging bistidang bulaklakan ang ipinapasuot sa akin kaya kahit ngayong malaki na ako ay nakagawian ko nang ganoon pa rin. Kahit pag pumapasok ako sa eskuwela ay ganito ang talagang isinusuot ko. Ang sabi ng kapitbahay naming si Christine ay bagay naman daw kaya walang problema kung hindi ako mahilig magsuot ng pantalon.

Naglinis na ako ng katawan para magbabasa na lang ng kaunting aralin mamaya at handa na ako sa pagtulog. Nakagawian ko na rin na hindi kumain ng hapunan. Nung una mahirap pero nasanay na rin ang tiyan ko kalaunan. Mas ayos na rin na sanay magutom para hindi masyadong nahihirapan pag talagang tag-gutom.

Papatayin ko na sana ang ilaw sa sala nang mahagip ng paningin ko ang mga gawang sapatos ni Itay. Mahigit isang dekada na rin na tumigil si Itay sa pamamasada at nag-aral na lang mag-gawa ng sapatos. Kapag naman walang pasok ay inilalako ko ang mga ito at ang iba naman ay sadyang pagawa sa kaniya ng mga suki na sa amin.

Sapat lang ang kita para sa mga gamot ni Itay kaya ang pangkain namin ay malimit kay Tiya Karen na nagmumula. Si Tiya Karen din naman talaga minsan ang may gusto na ipagluto kami. Aniya ay ayaw daw niyang pabayaan ang pamilya ng pumanaw niyang kapatid.

Ang bait ng tao. Tao ang mabait dahil tao naman ang nakikita kong tumutulong sa akin at hindi ang Diyos. Isa pa, tao rin ang malimit nakakasagot sa mga dalangin ko kung minsan ay hindi sinasadyang makapagbitaw ako ng panalangin na hindi para sa Kanya. Ang mga mumunting sana dahil sa hirap ng buhay.

Isinaksak ko ang cellphone na nabili sa palengke kanina para subukan kung gumagana ba kung i-charge. Umilaw naman kaya masaya na ako. Apat na raan lang ang bili ko dito at ang tira sa limang daan ay pinangbili ko ng sim card na malakas ang signal dito sa lugar namin. Hindi ko alam kung bakit binili ko pa ito gayong wala naman akong kaibigan na makakausap sa telepono.

Kinabukasan ay hindi na muna ako dumaan sa bayan para mamasyal at tumingin ng libro. Wala rin namang kwenta ang mga libro na nakita ko sa huling shop na napuntahan. Dahil sanay nang gumising nang maaga, naglinis na lang muna ako ng bahay para mas madaling makapagtrabaho si Itay dito.

Dahil hindi ako dumaan sa bayan ay hindi ako na-late sa Religion sa unang pagkakataon. Kung kailan pa wala na si Professor Sylvia, tsaka pa ako maaga. Hindi ko alam kung maipagmamalaki niya ako ngayon o gusto na niya akong sakalin.

"Oy Rita, nabalitaan mo sigurong gwapo yung pumalit kay Prof kaya maaga ka ngayon noh?" saad ng mahadera kong kaklaseng magkakaiba ang kulay ng mga kuko.

Sa halip na pilosopohin ay hindi ko na lang siya pinansin. Hindi ko rin naman naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihihin.

Saksak ko sa leeg niya iyong rainbow niyang kuko eh. Di na lang ako purihin dahil maaga ako ngayon.

"Andyan na yung bagong Prof!" sigaw ng isa kong kaklase na animoy kinikilig pa.

Halos magtindigan ang balahibo ko sa sobrang irita nang marinig ang mahihina nilang mga tili. Gusto ko sanang ipaalala sa kanila na kamamatay lang ni Professor Sylvia kahapon at ngayon naman ay kulang na lang magpahanda sila dahil sa "guwapo" ang prof na pumalit. Para na rin silang nagpapasalamat na namatay si Pofessor Sylvia dahil sa mga reaksyon nila.

"Magandang umaga!" ani ng bagong dating na Propesor.

Lalong nagtindigan ang mga balahibo ko nang makita ang pamilyar na boses, ngiti, at taas ng kilay na kinaiinisan ko!

"Magandang umaga Prof!"

Dahil sa sobrang pagtayo ng balahibo ko, nakalimutan ko nang tumayo para batiin siya! Ngayon tuloy ay nasa akin na ang atensyon ng lahat.

"Magandang umaga Miss Rita na hindi naniniwala sa--" bago pa niya maituloy ang sinasabi n'ya ay dali-dali na akong tumayo para sabihin ang gusto niyang marinig mula sa akin.

"Ma-magandang umaga po!" utal na ani ko.

Kinilabutan ako nang muli siyang ngumiti at taasan ako ng kilay.

"Sige, maupo na kayo." aniya.

"For everyone who doesn't know me. Ephraim Venzon is the name. Napansin niyo sigurong I have the same surname as Professor Sylvia. Well, that's because she's my aunt. Kaya kung nangangamba kayo na hindi na si Professor Sylvia ang magtuturo ng Religion, don't worry, I have the same blood as she." kumindat pa siya pagkatapos ng kaniyang mapagmalaking litanya na ikinasiya naman ng mga kababaihan.

Ganito ba talaga siya umakto? Ayos lang ba para sa isang propesor ang umakto ng ganito? Kasi sa totoo lang, nung una ko siyang makilala, aakalain kong tambay lang siya sa kanto.

At akala niya naman talaga makakaapekto ang dugong dumadaloy sa kanya sa pagtuturo niya? Kahit pa kapatid siya ni Einstein, kung bobo siya, bobo siya. 'Wag na sana niyang ipagmalaki na pamangkin o magkadugo sila ni Professor Sylvia dahil baka masira lang ang magandang pangalan na iniwan ni Ma'am sa eskuwelahang ito.

"Lahat naman siguro kayo ay naririto dahil interesado kayo sa Religion, tama ba ako?" aniya.

Hindi ako sigurado kung lahat ba sila ang sumagot ng "oo", pero sigurado akong hindi ako kabilang sa mga iyon.

"Sa madaling salita, lahat kayo naniniwalang mayroong Diyos?" dagdag pa nito.

Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba pero parang tumingin talaga siya sa akin pagkatapos magsalita.

Nag-iwas ako ng tingin pero pag minamalas ka nga naman, kay Jojo pa napatapat ang mga mata ko. Nakatingin din siya sa akin at alam ko higit kanino kung ano ang dahilan.

Wala naman ngi isa ang nangahas na magsalita. Hindi ako itinuro ni Jojo, hindi ko rin naman sinuplong ang sarili ko. At ang bago naming propesor, hindi rin naman inilabas ang nalalaman niya.

Hindi ko ikinahihiya na hindi ako naniniwala sa Diyos, pero hindi ko rin naman ipinagmamalaki ang bagay na iyon. Hindi ako pasikat at hindi ako naniniwala sa Diyos dahil ito ako, hindi dahil gusto kong mapagusapan o maging bida sa bayan ng Sta. Gracia.

"Anyways, hindi ko alam kung ano ang huling lesson o kung ano ang mga lesson na naibahagi na sa inyo ni Professor Sylvia dahil wala naman akong mapagtatanungan. I just hope that what I'm going to share to all of you is not something she already shared or something contradicting to what she said. Because you see, we may have different opinion for some . . . things."

At ito na naman ang pasulyap niya sa akin pagkatapos magsalita na para bang ako na naman ang pinariringgan kahit palagay ko'y wala naman na akong kinalaman sa huling sinabi niya.

The UnFAITHful Lady: Rita DalanginTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon