Ika-10 Pahina

107 29 62
                                    

"Maghintay ka lang. Malapit na."

Hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin ako kapag naaalala ko ang sinabi ni Ephraim sa akin kanina. Simpleng mga salita lang naman iyon, pero hindi ko alam kung bakit apektadong-apektado ako. Sa lahat ng sinabi niya, iyon lang ang tumatak sa isipan ko.

"Maghintay ka lang. Malapit na."

Bakit kung magsalita siya ay parang siguradong sigurado siya sa sinasabi niya? Kung magsalita siya, parang meron siyang kongkretong pinanghahawakan. . .

na parang sigurado siyang darating na ang para sa akin.

"Hoy Rita!" dahil sanay na ako kay Jasper ay hindi na ako nagulat nang sigawan niya ako.

"Bilisan mo na kumain diyan! Tutulungan mo pa ang Inay maghugas ng plato!" masungit na aniya.

Kung makapagsalita ang isang ito akala mo utusan ako rito. Siya nga itong ngi minsan hindi ko pa nakitang tumulong kay Tiyang sa karenderya.

"Ang kapal ng mukha mo." malumanay na aniko bago sumubo.

Nanlaki ang mga mata ni Jasper at parang hindi makapaniwala na nagawa kong sabihin sa kaniya iyon. Binitawan pa niya ang kutsara niya sa plato at akmang sisigawan na naman ako kung wala lang siyang nakita sa may bandang likuran ko.

"Jojo!" may nalaglag pang kanin sa bibig ni Jasper dahil sa pagkakasigaw niya.

Napapikit ako sa pangalang binanggit niya.

Simula noong pumunta kami sa burol ni Ma'am Sylvia ay hindi ko pa ulit nakakasalamuha si Jojo. Hindi ko alam kung iniiwasan ba niya ako o talagang nagkataon lang na hindi kami nakakapagusap. Hindi rin naman kasi ako naguumpisang kausapin siya at hindi rin ako gumagawa ng paraan para magkausap kami.

Bakit naman ako gagawa ng paraan para magkausap kaming dalawa? Wala naman kaming dapat pagusapan.

Nakakatanga.

Ngumuso ako nang yayain ni Jojo si Jasper na sumalo sa amin sa pagkain. Bibilisan ko na lang ang pagkain ko para hindi ako magtagal sa lamesa.

Pero bakit ko naman gagawin iyon? Umiiwas ba ako?

"Sige na Jo, dito ka na sumabay sa amin!" masayang masaya si Jasper na makakasalo niya sa pagkain ang kinokopyahan niya ng asignatura.

"Sige Jas, pipili lang ako." narinig ko ang halakhak ni Jojo mula sa likuran ko.

Nagsimula ko nang maramdaman ang mga paruparong nagliliparan sa loob ng tiyan ko. Wala namang agimat ang pagkain dito sa karenderya pero bakit nagsisimula yata silang mabuhay at magsaya?

Lalo lang akong kinabahan at unti-unti nang nawawala sa sarili nang maramdaman kong may papalapit na mula sa likuran ko. Sana hindi si Jojo!

"Hoy Rita!" halos atakihin ako sa puso dahil sa sigaw ni Jasper.

"Bakit ba madaling madali ka d'yan? Kanina lang napapatulala ka pa, ngayon naman para kang kasali sa boodle fight! Hinay hinay lang, maraming pagkain sa karenderya, hindi ka naman mauubusan!" aniya.

"Eh di ba tutulungan ko pa si Tiyang maghugas ng mga pinggan?" aniko sabay subo ulit ng marami.

"Makakapaghintay naman ang mga plato! Tsaka sasabay pa sa atin kumain si Jojo kaya bagalan mo lang." saad ni Jasper.

Ano namang pake ko kung sasabay sa kaniya si Jojo? Edi magsabay sila! Huwag na nila akong isali! Kita namang maghuhugas pa ng pinggan ang tao eh.

Pakiramdam ko nanalo ako sa lotto nang malunok ko ang huling subo at masaid ang laman ng plato. Patayo na sana ako nang pigilan ni Jasper ang kamay ko.

"Uy Jo! Halika bilisan mo para makapag-kwentuhan pa tayo." ani Jasper sa naglalakad na yatang si Jojo palapit sa amin.

"Dito ka muna Rita. Hindi ako makakapag-asawa kapag iniwan mo ako sa hapagkainan." sabay hila sa kamay ko para makaupong muli.

Pinanlakihan ko ng mata si Jasper para tigilan na niya ang kung anumang kalokohan niya dahil dati naman ay kulang na lang ipagtabuyan niya ako sa lamesa para solo na lang siyang kumakain at walang makekealam sa paglamon niya.

Kasabay ng pagbagsak ng pwet ko sa upuan dahil sa paghila ni Jasper ay ang pagupo ni Jojo sa tabi ko. Halos manigas ako sa pagkakaupo at pinigilan ang lumingon sa kung nasaan siya. Kitang kita ko naman ang nakakalokong ngisi ni Jasper sa harapan ko na naging dahilan ng pag-irap ko.

Siraulong pinsan.

"Uy Jojo, anong ulam mo? Ay parehas kayo ni Rita? CaldeRita?" ani Jasper sabay halakhak.

"Hahaha. Nakakatawa!" sarkastikong aniko.

Si Jojo naman ay narinig kong natatawa sa amin at napasulyap pa sa kinainan ko para tignan kung magkaparehas nga kami ng ulam. Napatingin din siya sa akin kaya nagiwas agad ako ng tingin dahil nakakaasiwang tignan siya habang magkatabi kami.

"Tapos ka na Rita?" aniya bago nagsimulang galawin ang pagkain niya.

"Ah oo." aniko.

Pagkatapos noon ay wala nang nagsalita ulit dahil pareho silang kumakain na dalawa! Kung alam ko lang na pipigilan ako ni Jasper na umalis ng lamesa, sana pala ay binagalan ko na lang ang pagkain ko para hindi ako mukhang pusang nakatanghod ngayon!

Aamba na sana ako muli ng pagtayo nang pigilan na naman ni Jasper ang kamay ko. Napapikit na lang ako ng mariin.

"Dito ka lang!" aniya.

"Jasper! Maghuhugas pa ako ng mga pinggan!" angal ko at naramdaman ko pang napasulyap sa akin si Jojo at napatawa ng mahina!

Nakakatawa na naman ba ako?!

"Ayaw mo bang magkaasawa?!" gigil na sabi ni Jasper.

"Ha?!" tugon ko.

"Ayaw mo ba kako akong magkaasawa? Pag umalis ka, hindi ako magkakaasawa!" sabay bitaw sa kamay kong pigil-pigil niya at ngumuso pa!

"Ang dami mong alam Jasper." bulong ko.

"Oy hindi totoo 'yan ha! Hindi ko nga masagutan yung assignment namin sa Chemistry. Jojo tulungan mo ako ha?" ani Jasper sabay lipat ng tingin kay Jojo at paskil ng ngiti niya.

Nakakahiya siya, may nakita pa akong kangkong na nakasabit sa ngipin niya.

"Oo, sige." tugon ng mabait na si Jojo.

"Ang lakas ko talaga sa'yo pare!" ani Jasper at mas nilakihan pa ang ngiti kaya maging si Jojo ay napatawa na rin.

Nahawa rin ako sa tawa ni Jojo kaya nagkatinginan kami at lalo pang natawa. Nakatingin lang sa amin si Jasper na walang ka ide-ideya na siya ang tinatawanan namin.

"May sarili kayong mundo? Sama niyo naman ako." ani pa nito.

Tawang tawa pa rin kami ni Jojo at hindi ko alam kung bakit parang mas lalo lang kaming natatawa habang nagtatagal. Napatingin ako kay Jasper at nakitang nakangiti pa rin siya habang nakatingin sa amin kaya hindi ko na talaga lalo mapigilan ang matawa.

"Parang shunga ka Jasper." tawa ko.

"May . . . may!" si Jojo na hindi maituloy ang sasabihin dahil sa kakatawa.

Napakapit pa si Jojo sa kamay ko at itinuro si Jasper at ako naman ay tumatango para malaman niyang alam ko ang tinutukoy niya.

"Bagay kayo." ani Jasper.

Dahil doon ay unti-unting napawi ang pagkakatawa ko. Napatigil din si Jojo at naging ngisi na lang ang kaninang mga halakhak samantalang ako ay tila nawalan na nang lakas ang mga labi para ngumiti.

Napatingin ako sa kamay ni Jojo na nakahawak pa din sa kamay ko. Agad ko itong iniiwas at nagpeke ng ubo.

"Bagay talaga kayo." ulit pa ni Jasper, hindi yata nahahalata ang hindi magandang takbo ng mga pangyayari.

"Rita! Ano pa bang ginagawa mo diyan? Halika na dito at tulungan mo akong maghugas ng pinggan!"

The UnFAITHful Lady: Rita DalanginWhere stories live. Discover now