Ika-5 Pahina

170 60 62
                                    

"Dito ka muna sa Tiya Karen mo ha? Sasama lang ako sa Itay mo sa pamamasada para may katulong siya." ang magandang mukha ni Inay at malamyos niyang tinig ang bumubungad sa akin sa araw-araw.

"Eh Inay bakit hindi pwedeng sumama rin ako? Isama niyo na rin ako. Tutulong din ako sa pamamasada!" pagpupumilit ng bata kong puso sa munting kagustuhan.

"Hindi pwede anak. Di ba sabi ni Inay, hindi lahat ng gusto nakukuha? Lalo na ito, delikado at mainit kaya hindi ka pwedeng sumama."

Sa isip ko, kaya siguro hindi lahat ng gusto nakukuha dahil ang iba ay hindi makakabuti para sa atin kaya labag man sa loob ko ay nakinig ako sa sinabi ni Inay at pumayag na 'wag na lang sumama sa pamamasada.

"Oh dito ka lang ha. Magdasal ka lang at kapag nainip ka na mamayang hapon, ipag-pray mo lang kay Papa God na sana bumalik na kami ni Itay mo." hinalikan ako ni Inay sa noo at hinaplos ang buhok ko na paborito niyang suklayin gamit ang kaniyang mga daliri.

"Opo Inay. Ipagdadasal ko po na sana maging ligtas ang pamamasada ninyo at makauwi kayo ng maayos at ligtas."

Isang ngiti ang muling iginawad sa akin ni Inay bago sumakay sa jeep na pinamamasada ni Itay. Huli na nang malaman ko na ang ngiting iyon na rin ang huling ngiti na makikita ko sa mukha niya habang nabubuhay pa siya.

Pinalis ko ang mga luhang unti-unting dumaloy sa mga pisngi ko dahil sa munting ala-ala. Napalingon ako sa may bintana dahil sa sikat ng araw nang hindi sinasadyang mapatingin ako kay Jojo na kasama ko pala sa iisang klase ngayon. Agad siyang nag-iwas ng tingin nang makita na nahuli ko siyang nakatingin sa akin.

Nakita ba niya akong umiiyak? Hindi na iyon mahalaga. Wala lang naman siguro sa kanila kapag nakakakita ng taong walang Diyos na umiiyak.

Sinunod ko ang sinabi ni Inay sa akin noong araw na iyon. Nagdasal ako na sana ay maging ligtas sila at mula hapon hanggang madaling araw ay nagdadasal pa rin ako na sana bumalik na sila.

Naniwala ako noon na may Diyos at pinapakinggan niya lahat ng aking mga dalangin. Naniwala ako dahil sabi nila, sapat na ang maniwala ka lang. Sabi nila, kapag naniwala ka, pakikinggan ng Diyos ang mga panalangin mo. Naniwala ako noon, pero hindi na ngayon.

Hindi na ngayon dahil kung totoong may Diyos, nasaan siya? Bakit hindi ko nakikita? Bakit hindi ko nararamdaman? Bakit parang wala namang kwenta?

Sabi nila, magdasal ka lang, maririnig ng Diyos ang panalangin mo. Maniwala ka lang, ibibigay ng Diyos ang hinihiling mo.

Marami kaming mga naninirahan dito sa bayan ng Sta. Gracia. Lahat sila, alam ko, naniniwala sa Diyos at araw-araw, walang mintis, nagdadasal sa Diyos na sinasabi nila. Ang iba gustong matupad ang mga pangarap nila, ang iba naman gustong yumaman. Sa dami nila, wala pa akong nabalitaan na umalis sa bayan namin dahil sinunod ng Diyos ang panalangin niyang maging mayaman. Wala pa ngi isa ang nakaahon sa kahirapan.

Balang araw, maiisip ng mga tao na hindi mo sa Diyos makukuha ang mga bagay na pinapangarap mo. Balang araw, makikita nila na kahit na hindi ka magdasal, basta't marunong magsumikap, maaabot mo ang mga pinapangarap mo. Iyan ang gusto kong ipakita sa lahat ng tao sa bayan ng Sta. Gracia, na ako, si Rita Dalangin, ay maaabot ang mga pangarap niya dahil sa pagsusumikap at hindi dahil sa panalangin.

"Alam kong nakarating na sa inyo ang balita na pumanaw na ang Professor natin sa religion na si Ma'am Sylvia." nakuha ng proctor namin ang atensyon ko nang banggitin niya ang tungkol kay Professor Sylvia.

Walang nakuha na kahit anong reaksyon ang proctor namin mula sa klase kaya ipinagpatuloy na lang niya ang balak niyang sabihin.

"Para sa mga interesado sa subject na Religion, 'wag kayong mag-alala, tuloy pa rin ang klase with the same schedules starting tomorrow."

"Sir!" lahat ay napatingin sa isang estudyante na nagtaas ng kamay. "May papalit po kay Ma'am Sylvia?"

"Yes Mr. Reyes. Hindi pwedeng wala. Huwag kayong mag-alala dahil sinigurado naman na magaling rin ang papalit sa kaniya. Sige na. Class Dismissed."

Totoo namang madali lang magpalit ng magtuturo. Totoo rin na madali lang makapalit ng kasing galing o mas magaling pa sa'yo sa mundong ito, pero walang makakapalit sa pwesto ng isang tao sa buhay mo. Sa akin, walang makakapalit kay Ma'am Sylvia, at kahit itanggi ko man, alam ko sa puso ko na siya nga ang paborito kong propesor.

Ma'am Sylvia, paalam sa'yo. Kahit kailan hindi ka mabubura sa mga ala-ala ko.

"Jo! Ano ka ba? Kanina pa kita hinahanap! Ginagawa mo pa diyan?" nakabalik ako mula sa pagkakatulala nang marinig ko ang malakas na boses ni Jasper.

"Oy Rita! Ba't andyan ka pa? Umuwi ka na, walang kasama si Tiyong sa inyo!" dagdag pa nito nang makita rin ako.

Nagmadali ako sa pagaayos ng gamit habang si Jasper naman ay naglalakad palapit sa inuupuan ni Jojo.

"Ano na Jo? Tara sama ka sa amin, may meryenda sigurado!"

"Hindi na, kukulitin mo lang ako sa assignments mo. May pagkain din kami sa bahay." sagot ni Jojo at nagsimula na rin bitbitin ang mga gamit niya para makaalis na.

"Anong pagkain niyo? Galing sa burol?" nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang sinabi ni Jasper.

Nakakahiya talaga si Jasper kahit kailan! Kung ano-ano na lang ang lumalabas sa bibig. Mabuti na lang tinawanan lang siya ni Jojo.

"Siguro, malay mo may dala ngang biscuit at kape si Inay pag-uwi." huling salita ni Jojo bago lumabas ng silid.

"Ha?! Eh di ba bawal mag-uwi ng pagkain galing sa patay?!" kahit nakalabas na rin si Jasper ay narinig ko pa rin ang huli niyang sinabi sa lakas ng boses niya.

Tinignan ko ang relos na suot at nakitang lampas alas singko na. Mag-aalala sa akin si Itay kapag hindi pa ako umuwi pero sa oras na ito, aabot pa naman siguro ako sa bilihan sa bayan.

Gusto ko sanang bumili ng cellphone. Hindi pa kasi ako nagkakaroon noon kahit kailan. May nabibili naman sa halagang limang daan.

Nagmamadali na ako sa paglalakad dahil na rin sa takot na baka nag-aalala na si Itay sa bahay. Kailangan kong makauwi bago man lang mag alas sais dahil pagpatak ng alas sais at wala pa ako ay baka lumabas pa si Itay at mapaano pa.

Dahil sa kakamadali ko ay hindi sinasadyang may nabunggo akong isang lalaki.

"Pasensiya na Kuya nagmamadali kasi ako!" aniko at nagpatuloy sa mabilis na paglalakad.

"Uy! Rita!"

Nakailang hakbang na ulit ako papalayo ngunit napatigil nang marinig ang boses ng lalaking nakabangga ko.

"Ikaw yun 'di ba? 'Yung hindi naniniwala sa Diyos?" ani Ephraim.

Siya na naman?!

Hiyang hiya ako nang mapansin na sa may corridor kami nagkabanggaan at maraming estudyante ang dumadaan dahil oras na ng uwian. May ilan pa sa kanila ang napansin kong nagbulungan. Kung ako ang pinagbubulungan nila, hindi ko na alam.

Kanina sinisikap ko talagang kausapin ng maayos ang lalaking ito pero ngayon hindi ko na alam kung kaya ko pa. Ngi wala akong maisip na kahit anong salita. Walang magandang salita ang pumapasok sa isip ko, pero kahit na masasamang salita, wala rin!

Nakadagdag pa sa init ng ulo ko ang pagngiti niya at ang pagtaas ng kilay! Hanggang kelan ko ba sasabihin na hindi siya artista kaya 'wag sana siyang ganyan makaasta!

"Oy. Miss? Gwapong gwapo kaya di makasalita?" inilapit pa niya ng kaunti ang mukha niya sa akin kaya naman napaatras ako ng bahagya.

"Ah. Nagmamadali ako. Excuse me."

The UnFAITHful Lady: Rita DalanginWhere stories live. Discover now