Ika-8 Pahina

122 41 67
                                    

Colossians 4:2-6

"Devote yourselves to prayer, being watchful and thankful. And pray for us, too, that God may open a door for our message, so that we may proclaim the mystery of Christ, for which I am in chains. Pray that I may proclaim it clearly, as I should. Be wise in the way you act towards outsiders; make the most out of every opportunity. Let your conversation be always full of grace, seasoned with salt, so that you may know how to answer everyone".

~~

~~

Pagkapasok ko pa lang sa silid-aralan ay ang nakatayo naming Professor na si Ephraim agad ang bumungad sa akin. Sa likod niya ay ang pisara na may nakasulat na mukhang isang mahabang panalangin.

Ano namang klaseng pakulo ito? Alas sais pa lang ng umaga, hindi pa oras ng klase pero may pa-ganap kaagad siya diyan sa harapan. Gusto yatang ma-awardan ng "Best Professor of The Day".

"Miss Dalangin, pwede ka nang pumili ng mauupuan mo." ani Ephraim at iminuwestra sa akin ang mga upuan sa silid.

'Tsaka lamang ako gumalaw sa kinatatayuan ko nang punahin niya ang hindi ko pag-upo. Masyado yata akong namangha, este, na-weirduhan sa ayos niya sa harapan kaya nakalimutan kong umupo kaagad pagkapasok sa silid.

Naupo ako at tinignan ang iba pang mga bakanteng upuan. May higit sa apat na estudyante na lang siguro ang hindi pa dumadating at mayroon pang labing-limang minuto para maghintay sa kanila.

Napansin ko rin na wala si Jojo sa dating malimit niyang upuan. Hindi iyon bakante, may ibang estudyanteng nakaupo doon kaya luminga ako sa iba para tignan kung nandito na ba si Jojo at napilitan lang na umupo sa ibang pwesto, pero wala siya kahit saan. Minsan lang sa kabilugan ng buwan mauna ako kay Jojo sa eskuwela at isa yata ito sa mga araw na iyon.

Wala akong ibang magawa at naiirita lamang ako kapag napapabaling sa harapan at nakikita ang ayos ni Ephraim. Nakatayo siya doon nang tuwid na tuwid, mukhang kagalang-galang, taliwas sa ekspresyon na makikita sa kaniyang mukha. Hindi ko alam kung sinusubukan ba niyang maging pormal kaya pinipilit niyang ngumiti o sinasadya niya talagang magmukhang astig kaya ang kabilang bahagi lang ng labi niya ang nakaangat. Ngayon ko lang din napansin na mayroon pala siyang hiwa sa kaliwang kilay, katulad ng sa mga hoodlum na napapanood ko sa telebisyon.

Itim na itim pa naman ang kilay niya, ang ganda sana kung hindi niya lang binababoy.

Oras na sana para punahin ko naman ang matangos niyang ilong kung hindi lang siya napabaling sa akin at tinaasan ako ng isang kilay, ang kilay na may hiwa. Iniiwas ko na lang ang tingin ko at nagpanggap na may hinahanap sa loob ng bag.

Mabuti na lang at nagpalusot akong may kinukuha, kung hindi ay hindi ko sana maaalala na mayroon na nga pala akong cellphone na pwede kong gamitin para maglibang. Kung kanina ko pa sana nakita ito, di sana'y hindi na ako tumitingin kung saan-saan. Kung ano-anong hindi magagandang bagay lang ang napupuna ko.

Inubos ko ang labing-limang minuto sa paglalaro ng snake, ito lang kasi ang larong mayroon ang mumurahin kong telepono.

Noong tumunog na ang alarm ng eskuwelahan na siyang hudyat na magsisimula na ang klase ay siyang dating naman ng epal kong pinsan na si Jasper.

"Sir! Sorry Sir! Na-traffic ako!" hingal na hingal siya at mukhang galing sa pagtakbo.

Kung ang mga kamag-aral namin ay nagtataka sa itsura niyang pagod na pagod, ako naman ay nagtataka kung bakit siya naririto gayong hindi naman siya umaattend ng klase sa Religion.

"Traffic? Bakit? Taga-Maynila ka---"

Hindi pa natatapos ni Ephraim ang nais niyang sabihin ay naputol na ulit siya ni Jasper.

"Uyy! Ano 'yan? Colossians? Interesting!" aniya habang pumepuwesto sa pinakamalapit na upuan sa kaniya.

"Hindi pa ba tayo magsisimula Sir?! Mukhang maganda ang i-didiscuss n'yo, sayang naman ho ang oras." dagdag pa niya bago pa man magsalita ulit si Ephraim, umakto pa ito na tumitingin sa relo niyang suot kahit na wala naman.

Napahugot na lamang ng malalim na hininga si Ephraim para siguro pigilan ang sarili sa pagsasalita ng hindi maganda laban sa pinsan kong si Jasper. Ngumiti siya sa klase at bumati na ng magandang umaga. Hindi katulad dati ay nasa tamang huwisyo na ako para bumati pabalik at nang hindi na napapahiya.

"Colossians 4:2-6. Isinulat ko na para bago tayo magsimula ay mabasa niyo na." panimula niya.

Pasensiya na lang siya dahil kahit kahapon o nung isang linggo pa niya 'yan isinulat diyan ay hindi ko pa rin 'yan babasahin.

"Sa bahaging ito ng Bibliya ay kinakausap ni Paul ang Colossians Christians sa kabila ng pagkakabilanggo. Paul urges people to devote themselves to prayer."

Sinasabihan niya ang mga tao na magdasal sa kabila ng pagkakabilanggo? Anong nangyari? May nagawa ba ang pagdarasal niya?

Tumalikod si Ephraim at may isinulat muli sa pisara. Sana kanina pa niya isinulat para nabasa na rin ng iba kanina, tutal ay iyon naman ang dahilan niya kung bakit maaga niyang isinulat ang Colosis na sinasabi niya o kung anuman iyon.

Isinulat niya ang salitang "Proskartereo".

"Hindi lang basta devote. The word used is "Proskartereo", which is constant vigilance in prayer, perseverance in prayer, and/or relentless attention to prayer." aniya.

Ang dami namang sinasabi. Hindi ba pare-pareho lang naman ang ibig sabihin ng mga 'yan? Kaya mas gusto ko pang matulog na lang sana kaysa makinig sa mga sermon.

"Paul is telling them that prayer is something you must prioritize and pursue." ani Ephraim at ipinorma pa ang kaniyang kamao.

Para sa akin, ang mga pangarap ang bagay na dapat inuuna at pinagsusumikapan, hindi panalangin. Kung sinuman ang Paul na 'yan, hindi talaga kami magkakasundo. Habang nagsisipag akong magaral at magtrabaho araw-araw, siya naman siguro ay mas pipiliin pang magdasal. Anong mararating niya diyan?

"Alam kong hindi madali ang magdasal." ani Ephraim.

"Madali lang naman Sir!" agad na pagtutol ni Jasper, bumabawi siguro sa recitation dahil alam niyang late siya kaya kahit walang kwenta ang opinyon ay nagsalita pa rin.

"Madali lang pag may hihilingin ka." sagot ng dakila naming propesor sa araw na ito.

Napatawa na lang si Jasper at hindi na nakaimik sa sinabi ni Ephraim.

"Pagkagising sa umaga, nagdarasal ka ba? Bago kumain? Bago matulog? Pagkatawid ng kalsada, nagpapasalamat ka ba na, "Lord Thank you, nakatawid ako ng ligtas!"?"

Napatigil sa pagsasalita si Ephraim at napatingin sa akin ang lahat ng tao sa silid nang hindi ko na mapigilan ang paghagikhik ko. Mabuti na nga lang at hindi ako humagalpak sa tawa. Iyon nga lang, dahil sa sobrang tahimik ng mga kamag-aral ko ay nadinig pa rin nila kahit mahina lang.

"Yes? Miss Dalangin?" nakakunot ang noong tanong sa akin ni Ephraim.

"Sa daming beses mong tumatawid sa kalsada, talagang bawat tawid mo kailangan mo pang sabihin yung, "Lord Thank you, nakatawid ako ng ligtas!"?!" hindi na ako nagatubiling tumayo at talagang ginaya ko pa ang paraan ng pagkakasabi niya ng mga kataga kanina.

Ako naman ang pabibo ngayon, hindi na si Jasper.

"Ilang taon ka na Miss Dalangin?" aniya at ngumiti pa ng bahagya.

Iniinsulto niya ba ang edad ko? Ipinamumukhang mas matanda siya sa akin kaya wala akong karapatang kuwestyunin siya?

"Ano namang koneksyon niyan?" inis na balik-tanong ko.

"Naliligo ka ba araw-araw?" seryosong tanong niya.

Nanlaki ang mga mata ko at ang mga kamag-aral ko naman ay hindi na napigilang mapahalakhak.

"Ngayon pati pagligo ko dinadamay m--"

"Oo o hindi lang Rita." putol niya sa sinasabi ko.

"Oo!" mabilis kong sagot.

"Sa ilang taon na binuhay ka ng Diyos, talaga bang dapat araw-araw naliligo ka?" dagdag tanong niya.

Naguluhan ako sa sinabi niya at hindi agad nakasagot.

"Kung ano ang sagot mo sa tanong ko, 'yun din ang sagot ko sa tanong mo."

The UnFAITHful Lady: Rita DalanginTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon