Ika-9 na Pahina

95 36 66
                                    

Tinanong ko siya kung sa bawat pagkakataon na makatawid siya sa kalsada nang ligtas ay dapat bang magpasalamat siya sa Diyos niya at 'yun ang isinagot niya sa akin.

"May sasabihin ka pa? Kasi kung wala na, ipagpapatuloy ko na sana ang discussion." seryosong aniya.

Hindi ko alam kung bakit parang nararamdaman ko ang pakiramdam kapag giniginaw sa tuwing seryoso siya. Iba siya kapag seryoso, wala kang makikitang kilay na nakataas at labing nakangisi.

Pero hindi ko naman yata kayang tanggapin na ganon na lamang ang usapang iyon. Hindi niya ako pwedeng iwanan ng katagang hindi ko lubos na maintindihan.

"Iba naman 'yun eh! Sa dami ng nagdarasal sa Diyos na sinasabi mo, pati simpleng pasasalamat sa pagtawid isisingit mo pa? Ibigay mo na lang 'yung space na yon sa mga taong kailangan talaga iyang Diyos mo. Hindi ba naririndi 'yan sa dami ninyo?" asik ko.

"Lahat ng tao naririnig ng Diyos, kulang ka lang sa pananalig." sa likod ng kaniyang pagiging seryoso ay nakakita na ako ng multo ng ngisi.

Nasa gitna pa lamang siya ng pagsasalita ay kaagad na akong napailing.

Hindi niya ako kilala para sabihing kulang sa pananalig ang panalangin ko noon. Hindi niya alam kung pano ako nanalig. Hindi niya nakita kung paano ako umasa. Hindi niya alam kung paano ako naniwala. Wala siyang alam sa mga nangyari sa akin. Kung kulang pa ang pananalig ko noon, paano ba magiging sapat?

Kailan pa magiging sapat?

"Kung wala ka nang sasabihin, baka pwede ko nang ituloy ang discussion ko?" pinakita na naman niya ang pagtaas ng kaniyang kilay.

Discussion? Discussion pala ang tawag niya sa ginagawa niya. Akala ko kasi sermon sa simbahan.

"Eh parang raffle naman 'yang Diyos n'yo eh! Parang lotto, maraming tumataya pero hindi lahat nananalo. Kapag napagbigyan ka, hindi mo naman sigurado kung totoong dininig ang dasal mo o sinwerte ka lang talaga. Kapag nakuha mo ang gusto mo, anong malay mo kung makukuha mo rin naman pala 'yon kahit na hindi ka nagdasal? Kahit hindi mo pinagdasal?" tumayo na ako sa pagkakataong ito para ipakita ang punto ko.

"Miss Dalangin, tamad lang ang naniniwala sa swerte at malas." asik niya.

"Sir Ephraim, tamad lang ang naniniwala sa panalangin." sa pagkakataong ito ay pinakitaan ko siya ng totoo kong ngiti.

"Rita." kinilabutan ako sa rahan ng pagkakabanggit niya sa pangalan ko.

Nakakakilabot makita ang seryoso niyang mukha habang binabanggit ang pangalan ko, para kang nanonood ng isang deklamasyon na nagsusumamong pakinggan dahil may gustong ipaglaban.

"Hindi kasi lahat ng pinagdadasal mo ay masusunod dahil hindi lahat ng gusto mo ay para sa'yo." aniya.

Halos tumigil sa pagtibok ang puso ko nang marinig ang sinabi niya at nang maalala kung bakit ganoon na lamang kapamilyar ang mga katagang iyon sa akin.

"Hindi pwede anak. Di ba sabi ni Inay, hindi lahat ng gusto nakukuha?"

Pumikit ako nang maalala ang mga panahong sinasabi niya sa akin iyon, ang mga panahong naniwala ako at umasa ang bata kong puso na lahat ng sinasabi niya ay totoo.

"Hindi pwede anak. Di ba sabi ni Inay, hindi lahat ng gusto nakukuha?"

Sobrang sakit maalala kung paano ako naniwala. Sobrang sakit maalala kung paano ako umasa at nagtiwala na babalik pa siya dahil yun ang sabi niya. . .

na babalik pa siya basta't manalangin lang ako.

"Di ba sabi ni Inay, hindi lahat ng gusto nakukuha?"

Kung hindi naman pala nakukuha lahat ng gusto, para saan pa ang panalangin?

Kung hindi ko rin naman pala makukuha ang gusto ko, bakit pa ako magdadasal? Mas gugustuhin ko pang pagsikapan at pagtrabahuan ang gusto ko kaysa sayangin ang oras ko sa pagdadasal.

Hindi naman totoong pinapakinggan ka ng Diyos eh. O kung totoong nakikinig Siya, madaya Siya dahil kahit naman naririnig ka Niya, hindi ka pa rin Niya pagbibigyan.

Hindi naman ganoon kahirap ang pinagdasal ko. Hindi naman mahirap ang hiniling ko pero hindi pa rin Niya ako pinagbiyan. Huwag Niyang sabihing hindi Niya kaya, kasi kung may bagay Siya na hindi kaya, hindi totoong Diyos Siya!

Wala namang pinagkaiba ang buhay ng taong naniniwala sa Diyos at ng taong hindi eh. Kaya para saan pa't maniniwala ako?

Siguro kung may pinagkaiba ako sa mga taong naniniwala, 'yun ay ang hindi nasasayang ang oras ko sa pagdadasal at pagsimba.

"Eh hindi naman pala patas ang Diyos n'yo eh!" maging ako ay nagulat sa lakas ng sarili kong boses pagkamulat ng aking mata.

Dahil sa sobra-sobrang emosyon ay nararamdaman ko na rin ang pagiinit ng magkabilang sulok ng mga mata ko.

Ang sakit kasi . . .

Ang sakit na kahit anong gawin ko, walang gustong umintindi, dahil simula pa lang, wala nang gustong makinig.

"It is not unfair!" ramdam ko ang pagbabalik ng tibok ng puso ko sa gulat na mas malakas pa ang sigaw niya kaysa sa akin kanina.

Hindi siya galit, alam ko, dahil wala akong nakikitang galit sa mukha niya. Kung may nakikita man ako, kalungkutan siguro.

Ipinapakita ng mukha niya ang kalungkutan na noon ko pa nararamdaman.

"Hindi man Niya ibinigay ang bagay na gusto mo, naniniwala akong meron Siyang inihandang mas maganda para sa'yo." mula sa lakas ng boses ay para naman niya akong hinehele sa rahan ng pagsasalita niya, na para bang gusto niyang ibigay sa akin ang awa at pag-unawa na hindi kailanman naibigay sa akin ng kahit na sino.

Ang awa at pag-unawa, na minsan ding hiniling ng dating ako, pero ngayon ay hindi ko na kailangan.

Mayroong inihandang mas maganda para sa akin?

Hindi niya alam na wala nang mas gaganda pa sa buhay kasama ang Inay ko.

Kung may kapalit ang pagkuha Niya sa Inay, hindi ko na kailangan. Kung may kapalit ang pagkuha Niya sa Inay, huwag na Niya sanang ibigay sa akin dahil alam kong wala nang mas hahalaga pa sa buhay ng Inay ko. Kung may kapalit pala ang pagkuha Niya sa Inay, sana pala tinanong Niya muna ako kung gusto ko.

Kung totoong mahal ng Diyos ang tao, hindi Siya ang magdedesisyon para sa amin. Kung totoong mahal ng Diyos ang tao, hindi Niya kukunin ang bagay na mahalaga at nakakapagpasaya sa amin.

Kung totoo mang may Diyos, hindi Niya tayo mahal, dahil kung mahal Niya tayo, hahayaan Niya tayong maging masaya.

"Oh nasaan na? Bakit hanggang ngayon wala pa? Kung totoong may nakahanda para sa akin, bakit hanggang ngayon wala pa rin?" hindi ko na napigilan ang pagpatak ng mga luha sa aking pisngi kaya galit ko itong pinalis.

Lahat naman ng mga salitang 'yan ay gawa-gawa lang ng tao. Hindi totoong may kapalit kaya may nawawala sa'yo, dahil kung may kapalit naman pala, bakit may kinuha pa?

Kung may ibibigay rin naman pala, bakit kailangan pang may mawala?

Kung totoong may nakahanda para sa akin, bakit wala pa rin? Ilang taon na. Ilang taon na akong miserable. Ilang taon nang walang saysay ang buhay ko. Ilang taon nang gumigising lang ako sa umaga pero hindi ko naman nararamdamang buhay ako.

Kung totoong may inihanda para sa akin ang Diyos, hindi Niya hahayaang maging ganito ako. Hindi Niya sana hinayaang kalimutan ko Siya.

Hindi Niya sana inalis sa akin ang pakiramdam na buhay ako.

Diyos, kung totoong may inihanda ka para sa akin, nasaan na?

"Maghintay ka lang. Malapit na." aniya.

The UnFAITHful Lady: Rita DalanginWhere stories live. Discover now