Ika-11 Pahina

101 31 68
                                    

Kulang na lang ay hawakan ko ang pisngi ko sa sobrang init habang iniisip ang mga sinabi ni Jasper kanina kung wala lang bula ang mga kamay ko sa paghuhugas nitong mga pinggan.

Nakakahiya kay Jojo! Bakit kasi sinabi ni Jasper iyon?

Kami ni Jojo? Bagay? Eh crush ng bayan 'yon eh! Hamak na anak lang ako ng isang sapatero na dating jeepney driver.

Si Jojo? Valedictorian. Magaling magchess. Guwapo. Mabango. Higit sa lahat, anak ng isa sa mga punong abala sa simbahan namin.

At ako naman, ang maipagmamalaki ko lang ay ang pagiging iskolar sa eskuwelahan namin na kung hindi ko pa paghihirapan at pagpupuyatan ay hindi magiging katotohanan.

Hindi totoong bagay kami dahil kahit kailan ay hindi magiging bagay kay Jojo ang isang taong hindi naniniwala sa Diyos.

Napalingon ako kay Tiya Karen nang pumasok siya sa kusina mula sa pagaasikaso ng mga suking customer sa labas.

"Bilisan mo na d'yan Rita at inaabangan ka ni Jasper at Jojo sa labas, magsabay na raw kayo pabalik sa eskuwela." aniya.

"Ho?!" eksaheradang tugon ko.

Nakaramdam ako ng hiya nang makita ang reaksyon ni Tiya Karen sa naging sagot ko.

"O.A. ka?" aniya.

Tumungo na lamang ako at nagmadali na sa pagbabanlaw ng mga natitirang pinggan.

Nang matapos sa paghuhugas ay binilisan ko na ang pagpapalit ng damit dahil nakakahiya kay Jojo, hinihintay pala nila ako.

Nagtagumpay naman ako sa pagbibihis ng mabilis kaya lang nga ay hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko bigla ay sobrang panget ko ngayong araw. Napatitig pa ako sa malabong salamin na nakasabit sa maliit na palikuran ng karenderya.

Maputla ba ako? Kailangan ko na bang matutong maglagay ng kolorete sa mukha? O masyado bang buhaghag ngayon ang maalon at mahaba kong buhok? Kung alin ang mali sa sarili ko ay tila hindi ko mahanap-hanap.

"Hoy Rita! Maglalakad pa tayo! Ang tagal mong jumebs!"

Kitang-kita ko mula sa salamin ang pamumula ng pisngi ko nang marinig ang isinigaw ni Jasper mula sa labas.

Nakakahiya ka talaga Jasper!

Pinadaanan ko lang ng daliri ang aking buhok at nagmamadali nang lumabas para sana sabunutan si Jasper kaya lang ay naabutan ko siyang katabi ang nakangisi na si Jojo.

"A-ano ka ba Jasper! Hindi ako jumebs! H-halika na nga!" nauutal na aniko at nauna na sa kanilang maglakad palabas ng karenderya.

Hinawakan ko ang umiinit kong pisngi nang marinig ang halakhak nilang dalawa, lalo na ang nakakahawang tawa ni Jojo na tila musika sa tenga ng sinumang makakarinig.

"Sandali lang CaldeRita!" humahalakhak na sigaw ni Jasper.

Agad akong inakbayan ni Jasper nang maabutan nila akong papalayo na sa karenderya. Si Jojo naman ay nakapamaywang ang isang kamay na sumasabay sa amin sa paglalakad habang nangangamot ng ulo at nangingiti.

"Ang pikon mo naman! Nagbibiro lang naman ako." ani Jasper, nanunuyo.

"Ang dami kayang tao sa karenderya. Hindi naman nila alam na nagbibiro ka lang." hindi ko maiwasang hindi mahaluan ng tampo ang tono ng pananalita.

Napakunot ang noo ko nang marinig ang mahinang tawa ni Jojo. Nakita n'ya ang pagsulyap ko kaya agad siyang napahawak sa bibig at pilit na pinipigilan maging ang pagngiti.

"Awtsu. Ang pinsan ko, nagtatampo!" halakhak ni Jasper at ginulo ang buhok ko.

"Ano ba Jasper!" aniko.

Pakiramdam ko na nga ay ang panget-panget ko, tapos lalo pa niyang guguluhin ang buhok ko!

Napabitaw sa akin si Jasper nang may makasalubong kaming apat na lalaki na mula sa eskuwelahan at ngayon ay patungo sa kung saan kami nagmula.

"Jasper hoy! Kanina ka pa namin hinihintay! Uuna na sana kami, mabuti nakasalubong ka namin!" ani ng isa sa kanila.

Bukod sa hindi ko sila kilala ay napakunot din ang noo ko dahil katulad na katulad ni Jasper ang paraan nila ng pagsasalita na para bang nagmula sila sa iisang probinsyang ganoon ang dayalekto. Dayalektong laging nakasigaw.

Tumingin ako kay Jasper at nakita kong nakangiti niyang tinanguan ang lalaking nagsalita.

"Sunod ako! Saglit lang!" aniya sa mga ito.

"Rita, may dadaanan lang ako ha. Huwag mo nang sabihin sa Inay, makakahabol naman ako sa klase ko eh. Ha?" kalabit niya sa akin.

"Jasper, baka kung ano yan ha! Magka-cutting ka na naman!" akusa ko.

"Hindi ako magkacutting! Importante lang talaga 'to. Kita mo, hindi pa nagsisimula ang klase, nasa classroom na ako!" gigil na aniya.

"Eh paano ko naman malalaman, hindi naman tayo magkaklase!"

Education ang kursong kinukuha ni Jasper at ganoon rin si Jojo, pero kahit na magkaparehas sila ng kurso ay hindi rin sila magkaklase sa lahat ng oras dahil mayroong mga elektibong paksa at ang iba naman ay nakadepende rin sa schedule na pipiliin ng estudyante o sa major nila. Iba ang kurso ko sa kanilang dalawa kaya lalong higit na mas madalang na maging kaklase ko sila sa mga paksa.

"Sige na Rita ha. Jo, una na 'ko!" ani Jasper at nagtatakbo na patungo sa mga nakasalubong naming kalalakihan kanina.

"Bahala ka!" pahabol ko.

Napawi ang kunot ng noo ko nang mapagtanto na kaming dalawa na lang ni Jojo ngayon ang magkasamang naglalakad. Nginitian n'ya ako nang mapasulyap ako sa kanya kaya agad akong nag-iwas ng tingin.

Napakunot ulit ang noo ko at napasulyap sa kanya nang tumikhim s'ya.

"Ahm. Haha. Hindi bagay sa'yo kapag nakakunot ang noo mo." namamaos na aniya bago ako nginitian at napahawak sa batok.

Sana ay guni-guni ko lang ang nakitang pamumula ng tenga at pisngi niya.

Hindi naging dahilan ang sinabi ni Jojo para mapawi ang kunot ng noo ko. Hindi ko alam kung bakit parang medyo naiirita ako ngayon sa mga pangiti-ngiti at patawa-tawa niya.

Lalo lang akong nainis nang humagalpak na naman siya ng tawa. Palagi na lang ba siyang tatawa nang walang dahilan? Ganyan ba siya sa lahat o sa akin lang?

"Ganyan ka ba mapikon?" aniya.

Sinamaan ko lang siya ng tingin at hindi na nagsalita, baka sakaling manahimik rin siya at tigilan na ang mga ngiti at tawa.

May minuto rin siguro o mahigit pang naghari ang katahimikan at nagpatuloy lang kami sa paglalakad na dalawa bago siya nagtangka muling kausapin ako.

"Rita, iniiwasan mo ba 'ko?" seryosong aniya.

Agad naging blangko ang ekspresyon ng mukha ko nang marinig ang sinabi niya.

Hindi ko alam kung anong isasagot ko.

Iniiwasan ko nga ba s'ya? Kaya ba ilang araw rin kaming hindi muli nakapagusap ay dahil iniiwasan ko s'ya?

Ako ba ang umiiwas?

Sa totoo lang ay hindi ko rin alam. Basta ang alam ko lang, nagsimula akong makaramdam ng hiya sa kaniya mula noong magpunta kami sa burol ni Ma'am. Bigla na lang palagi akong nakakaramdam ng kaba kapag nasa paligid siya at kapag wala naman, hinahanap-hanap ko.

Ngayon naman na nandito s'ya at kasama ko, bigla na lang akong naiirita sa presensya n'ya, lalo na kapag ngumingiti at tumatawa . . .

na dati naman ay paborito kong nakikita sa kaniya.

Tumawa muna ako para pagaanin ang paligid at usapan sa pagitan naming dalawa.

"Hindi kita iniiwasan. Bakit naman kita iiwasan? Ano ka ba naman!" tawa ko.

"Talaga lang ha?" tugon niya at plastik na ngumiti.

"Totoo nga! Hindi kita iniiwasan! Bakit mo naman naisip na iniiwasan kita?"

Kung malapit lang kami sa isa't isa ay nahampas ko na siya sa braso para ipakitang hindi ko talaga siya iniiwasan, kaya lang ay nahihiya naman ako.

"Akala ko lang siguro." aniya.

The UnFAITHful Lady: Rita DalanginTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon