Ika-2 Pahina

325 93 135
                                    

Sinakop ko ang buhok ko dahil sa hiya na baka matamaan ang mukha ni Jojo. Hindi maluwag ang tricycle na nasakyan namin kaya magkadikit na ang mga tuhod at braso namin. Kapag sinusulyapan ko si Jojo ay mukha namang komportable siya kaya ayos na rin sa akin.

Pinipilit kong 'wag ipahalata ang paghinga pero sa tuwing pinipigilan ko ay parang mas lalo lang bumibigat. Ganito talaga ako kapag may nakakatabi lalo na kapag hindi ako komportable. Huwag niya na lang sana akong kausapin para mas maging madali sa akin ito.

Napalingon ako kay Jojo nang madinig ko ang mahina niyang pagtawa.

Nako naman, sana naman hindi niya naririnig 'yung paghinga ko kaya tumatawa siya diyan.

"B-bakit?" aniko.

Halos mapangibit na ako sa sobrang hiya habang nagtatanong. Nagsipilyo ba ako kaninang umaga? Baka mamaya niyan hindi pala ako nakapagsipilyo tapos maamoy pa niya ang hininga ko.

"Wala, ang awkward lang." tugon n'ya, nangingiti.

Muntik na akong mapabuntong-hininga nang marinig ko ang sagot niya. Mabuti naman pala at hindi lang sa akin awkward ito. Ibig sabihin normal lang 'tong nararamdaman ko? Walang halong malisya?

Para akong nabunutan ng tinik nang matanaw ang bahay ni Professor Sylvia. Nagulat ako na makitang kahit na masama ang ugali ni Prof ay marami-rami din naman ang tao sa labas ng bahay niya, hindi lang ako sigurado kung ganoon din sa loob, baka naman mga tsismosa lang itong nakikita ko sa labas o kaya ay tambay sa kanto.

"Ito po Manong." aniko sa driver ng tricycle na sinakyan naming dalawa ni Jojo.

Inabutan ko ng bayad si Manong pero nagulat ako nang nginitian niya lang ako at hindi na tinanggap ang sampung piso. Crush ba ako ni Manong kaya hindi na niya ako pinagbayad?

"Nabayaran ko na." ani Jojo.

Nagsisimula pa lang akong magisip ng mga bagay-bagay tungkol sa nararamdaman ni Manong para sa akin ay pinawi agad ng bulong niya ang mga malisya sa isipan ko.

"Ah. Oh." dahil sinabi ni Jojo na nabayaran na niya ang pamasahe ko ay sa kanya ko na lang inabot ang sampung piso sa kamay ko at sa ika-siyam na beses yata sa araw na ito ay tinawanan na naman niya ako.

Naku ha, isang tawa mo pa diyan, hahalikan na talaga kita.

Biro lang!

"Hindi na, 'wag na. Ako naman ang nagyaya sa'yo dito eh." aniya.

Sa wakas at sa pagkakataong ito ay oras ko naman para tawanan siya.

"Oo, ikaw nga ang nagyaya sakin pero may pambayad naman ako ng pamasahe ko noh! Tsaka hindi naman dahil ikaw ang nagyaya sa burol ni Mam, ikaw na magbabayad sa lahat. Ano 'to date?" halakhak ko.

"Date na kung date para hindi ka na umaangal diyan!" tatawa-tawang aniya.

Nalulon ko ata ang tawa ko dahil sa sinabi niya.

"Jojo! Hindi mo naman sinabi na pupunta ka, edi sana nagsabay na tayo!"

Agad na nagmano si Jojo sa nanay niya nang salubungin siya nito. Si Aling Nenita ang nanay ni Jojo at siya ang namamahala sa maliit na tuklong sa barangay namin, isa rin siya sa mga aktibong taga-tulong sa malaking simbahan sa Bayan.

"Dumaan pa ho ako sa eskuwela Inay. Kasama ko nga po pala si Rita." ani Jojo.

"Magandang umaga po Aling Nenita." bati ko at nagmano rin tanda ng paggalang sa kilalang ginang.

Tinanggap naman ni Aling Nenita ang pagmano ko sa kabila ng pagiging matabang. Noon pa kasi ay hindi na talaga magaan ang loob sa akin ni Aling Nenita dahil hindi katulad ng mga dalaga dito sa bayan namin ay hindi ako gaanong aktibo sa simbahan. Hindi ko rin naman pinipilit na maging malapit sa kanya dahil na rin siguro sa kaibahan ng aming mga paniniwala.

The UnFAITHful Lady: Rita DalanginTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon