Kabanata 5

2K 72 16
                                    

Hindi na ako umimik pa nang sumunod ang ilang oras sa manggahan. Paulit-ulit na bumubulong sa aking isipan ang narinig kanina mula kay Aling Isang—ayon sa sinabi niyang pangalan. Mapait ang aking naging panlasa at parang naging hindi maganda ang pakiramdam ko. Parang gusto ko na lang tuloy umuwi.

Ramdam ko ang panay na pagsulyap sa akin ni Simon dahil isa siya sa mga nag-aabang ng mga basket na ibinababa ng mga umakyat gamit ang lubid. Mano-mano ang lahat sa pagpitas ng mangga. Ingat na ingat din ang mga umakyat na huwag maibagsak ang basket na punong-puno ng laman.

Hindi ko magawang mabilib sa mga kalalakihang kayang umakyat ng mga ganitong katataas na puno. Kahit pa siguro ngayon din sila mismo umakyat sa mga puno ng niyog. Kung maganda lang siguro ang pambungad sa akin ay baka kanina pa ang panay kong puri.

Nakatiklop ang aking tuhod at sa ibabaw no'n ay nakapatong ang aking mga braso. Tahimik lang akong tumitingala habang panaka-naka akong kinakausap ni Papáng.

"Sabihin mo lang kung gusto mo nang umuwi Cresencia. Ipapahatid kita," sambit niya nang makita ang nakausli kong labi.

Tumingin ako sa kaniya na nasa aking tabi. "Ayos lang ako Papáng. Natutuwa po akong manood," pagsisinungaling ko.

Ako itong atat na atat kaninang sumama rito, nakakahiya naman kung basta-basta na lang akong uuwi.

Ibinalik ko ang tingin sa taas kung saan abala si Rigor sa pagkuha ng mga mangga at maingat na inilalagay sa basket na nasa likuran niya. Tumingin siya sa ibaba kung saan kami nakapuwesto nila Papáng at ngumiti. Tipid ko naman siyang ginantihan.

Nakita ko sa gilid ng aking mata ang muling pagbaling sa akin ni Simon bago pagod na pinahiran ang pawis sa leeg gamit ang kaniyang sandong suot. Pinigil ko ang sariling tagpuin ang kaniyang mata. Tumayo mula sa likuran ko si Winona, iyong kasintahan ni Simon at tumungo sa kaniya. Gusto kong mapairap sa hangin pero pinirmi ko na lang ang mata sa pagtanaw sa itaas.

Hindi ko ba alam kung sadyang maalaga lang itong si Winona kay Simon o talagang gusto niya lang ipangalandakan na magkasintahan sila. Sa tuwing nakikita ko kasi siya na nakatingin sa akin ay tinataasan lang ako ng kilay. Wala naman akong ginagawang masama pero parang sa tingin niya ay mayroon.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Ramdam niya bang may gusto ako sa kasintahan niya? Pero 'gusto' lang naman iyon! Wala akong balak makisawsaw sa isang relasyon.

Tumayo ang asawa ni Aling Isang na kasama lang din naming nakaupo sa banig. "Ako naman diyan Simon. Magpahinga ka muna, hindi magkandaugaga sa 'yo si Winona," natatawang hayag ng matanda.

Sumulyap sa akin si Papáng. Gusto ko siyang pagalitan dahil hindi niya man lang inamin sa akin na may kasintahan na pala si Simon. Ano na lang kaya ang iniisip niya kanina sa pinag-usapan namin habang patungo rito? Nag-init ang aking pisngi sa hiya.

Muli akong tumingin kay Winona na abala pa rin kay Simon. Hindi ko naman hilig ang mainis sa isang taong hindi ko pa lubusang kakilala, itong si Winona pa lang. Huminga ako nang malalim bilang pagpapakalma sa sarili. Walang maidudulot na maganda ang pabugso-bugsong damdamin.

Tumigil na nga si Simon at pinalitan na siya ni Mang Canor. Tumungo na ang magkasintahan sa aking likuran kung saan nakapuwesto si Winona kanina. Napatuwid ako ng upo pero hindi pa rin binabago ang posisyon.

"Oh ito, inom ka muna ng tubig," boses iyon ni Winona sa aking likuran.

Wala akong narinig na salita galing kay Simon pero rinig ko ang pag-inom niya ng tubig. Hindi ko man kita ang paraan ng pag-inom niya ay tiyak kong nakakaengganyong pagmasdan iyon lalo na't pawisan siya!

I bit my inner lower lip. Dang, it Cresencia! Get a hold of yourself! He was taken already!

Tumingin si Papáng sa kaniyang relong pambisig. Napatingin din tuloy ako sa akin. Malapit ng mag-alas-dose.

Sprouted Desire ✔Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ