Kabanata 44

80.1K 2K 101
                                    

Sabi nila, wala daw ang makapapantay sa pagmamahal ng isang ina. Kahit hindi ko naman naranasan ang gano’ng klaseng pagmamahal, sang-ayon naman ako sa sinabi nila. Ako mismo sa sarili ko, mahal na mahal ko ang anak ko at kaya kong isakripisyo lahat para sa kanya. Ayokong maranasan ng anak ko ang naranasan ko sa Mama ko.

May pagtatampo pa rin sa puso ko pero mas nangingibabaw pa rin ang pagmamahal ko sa kanya. Siguro dahil siya ang Mama ko at kahit gaano pa siya kasama ay hindi pa rin maitatanggi na nanggaling ako sa kanya.

Nakangiti kong pinagmasdan si Mama habang kumakain ng burger sa canteen ng ospital. Sinamahan namin siya ni Zachary at pinakain ng mga pagkain na gusto niya. Nakaupo ako sa tabi niya habang inilapag isa-isa ang mga pagkain na binili namin habang si Zachary ay nanatili lang na nakatayo, pinagmamasdan kami.

“Ang sarap naman nito!” komento niya habang kumakain. Inangat niya pa ang kanyang kamay at nag-thumbs up.

Naninibaguhan ako sa kanya, siguro dahil hindi siya makaalala. Para akong tangang ngumingiti habang pinagmamasdan ang mama ko. Para siyang bata na parang walang alam sa mundo. Sobrang saya ko na nayakap ko na siya at nakausap ng matino, kahit hindi niya ako maalala ay siguro sapat na itong pagkakataong ito para maipakita ko kay Mama kung gaano ko siya kamahal.

“Wala bang beer?” nagtatakang tanong niya habang hawak-hawak niya ang orange juice na binili ko para sa kanya. “Mas gusto ko ang beer, hija! Mayroon ba?”

Naiilang kong nilingon si Zachary na ngayon ay mahinang natawa at nag-iwas ng tingin. Napapikit ako saglit at ibinalik kay Mama ang atensyon na ngayon ay naghihintay sa aking sagot.

“M-Ma, hindi kasi puwede sa iyo ang beer,” mahinahong sambit ko para hindi siya magalit.

Malungkot siyang tumango at ininom ang juice. Nagawa ko muling pagmasdan si Mama. Hindi gaya dati na payat, ngayon ay malusog na si Mama. Bumalik na rin ang sigla sa kanyang mata at alagang-alaga siya. Hindi ko alam kung paano ko mapapasalamatan si Zachary sa kanyang ginawa.

“Mama,” mahinahong kong tawag sa kanya ngunit kinakabahan sa itatanong ko. “G-Gusto mo bang sumama sa a-amin?”

Natigilan siya sa pagsubo sa kanyang kinakain at nagtataka akong tiningnan. “Sumama? Lalabas na ako?”

Agad akong tumango at ngumiti. “Oo, mama! Gusto kong ipakilala sa iyo ang apo mo!”

Inilapag niya ang kanyang pagkain sa lamesa at agad siyang umiling. Parang winasak ang puso ko sa kanyang sagot. Bakit ayaw niyang sumama? Ayaw niya ba sa amin? Gusto ko lang naman bumawi sa kanya. Gusto ko lang naman siyang makasama.

“B-Bakit?” Nanginginig ako at parang naiiyak na. “A-Ayaw mo ba akong makasama? Maalagaan kita ng husto kapag sasama ka sa amin, Ma!”

Ngumuso siya at umiling. “Ayaw kong sumama sa iyo, hija! At saka mami-miss ko ang bata rito kapag sasama ako sa iyo. Ayaw ko naman silang maging malungkot.”

Umawang ang labi ko sa kanyang sagot. Bakit? Nanubig na ang mata ko at nanghina ang tuhod ko. Bakit ang sakit? Gusto ko lang naman siya makasama at kahit hindi siya makaalala ay ayaw niya pa rin.

“M-Ma—” Hindi ko natuloy ang sinabi ko dahil biglang hinawakan ni Zachary ang magkabilang-balikat ko. Lumuluha ko siyang binalingan at napakagat sa ibabang labi.

“Lumapit kayo sa akin, may dalang pagkain ang anak ko!” maligayang sambit ni Mama sa mga bata na naka-hospital gown.

“Z-Zach…”

“We should go, Zel. Bibisitahin na lang natin siya ulit. Nagpapagaling pa siya kaya hayaan na natin,” mahinang sambit niya at hinawakan ang braso ko upang makatayo.

Her Secret (COMPLETED)Where stories live. Discover now