Kabanata 1

1.4K 59 6
                                    

Kabanata 1


Four Years Ago...

TUMUTULO ang luha na inilibot ng anim na taong gulang na batang babae ang paningin sa paligid. Hindi niya makita ang anino ng tatay at nanay niya. Kahit ang anino ng Kuya Ace niya ay hindi niya makita. Mukhang nawawala na siyang talaga.

Hindi naman siya ililigaw ng pamilya niya, 'di ba? Kahit makulit at pilya siya kagaya ng sabi ng kuya niya, mabait naman siya. Maganda rin siya at matalino. At nag-iisa lang siyang kapatid nito kaya hindi siya nito ililigaw!

Pero nasaan na ang mga kasama niya?

Napasinghot siya. Napadako ang tingin niya sa batang lalaking naka-jacket at cap na naglalakad papunta sa dako niya. Nakahanda na siyang ngumiti at magtanong dito pero nilagpasan lang siya nito.

Parang pusang sinundan niya ito. Kung susunod siya dito, makikita niya siguro ang pamilya niya.

"What?!"

Napapitlag siya ng biglang lumingon ang batang lalaki. Mas matanda lamang siguro ito sa kanya ng ilang taon. Napansin niya ang kakaibang kulay ng mata nito. "Nawawala ang tatay, nanay, at kuya ko."

"So?"

"Tulungan mo akong hanapin sila."

Hindi kumibo ang batang lalaki. Tinalikuran lamang siya nito at nagsimulang maglakad. Walang salitang kumapit siya sa laylayan ng jacket nito. Hindi naman siya nito sinita.

"Tulungan mo ako, kuya."

"Hindi mo ako kapatid."

Napalabi siya. "Mas matanda ka yata sa akin kaya kuya kita."

Itinaas niya ang libreng kamay at ipinanangga sa araw. Tirik na tirik kasi ang araw at pawis na pawis na siya. Pero itong kasama niya, naka-jacket pa!

"Hindi ka po ba naiinitan, kuya?" Hindi ito kumibo. Dahil likas na makulit ay hindi siya nagpatalo sa katahimikan nito. "Ano pong pangalan mo? Ako po pala si Ash. Bakit po parang kakulay ng sa pusa ang mata mo?"

Napahinto siya sa pagsasalita ng may tumakip sa ulo niya. Isinuot pala nito ang cap nito sa kanya.

"Ang daldal mo, bata."

"Kuya—"

"Ash, saan ka bang nagsuot na bata ka?!"

Napangiti siya nang marinig ang tinig ng nanay niya. Bumitaw siya sa pagkakakapit sa jacket ng batang lalaki at nilapitan ang nanay niya. Niyakap siya nito.

"Nawala po kayo, eh. Buti na lang at nakita ako ni Kuya—" Paglingon niya ay wala na ang batang lalaki sa puwesto nito. Bumalot ang panghihinayang sa puso niya. "Wala na pala siya. Sayang, hindi ko natanong ang pangalan niya."

Mabuti na lamang at iniwan nito sa kanya ang cap nito. Hinubad niya ang cap at nakitang may letrang "R" sa gitna iyon.

"Sino ba 'yon?"

"Kuya ko po."

"Kuya mo?"

Bakit parang nag-iba yata ang tinig ng nanay niya?

"Hoy, Ash! Gumising ka na nga! Male-late ka na!"

Unti-unting dumilat ang labing-walong taong gulang na si Ashleigh. Napagtanto niyang panaginip lamang ang lahat. Mula sa anim na taong gulang na siya hanggang sa lalaking nagmamay-ari ng cap na iyon.

Ang taong gumigising sa kanya ay ang boardmate niyang si Hannon. "Ash, gising! May pasok ka pa, uy!"

Sumimangot siya. "Ang ganda pa ng panaginip ko, eh! Istorbo naman!"

Nginisihan siya nito. "Halata nga eh. Tingnan mo, napasarap ka at late ka na. Ligo na, bilis!"

Nagbubusang bumangon siya at patamad na pumunta sa banyo para maligo. Nang mapatingin sa maliit na salamin doon ay naalala niya ang panaginip niya. Nagsimula niyang mapanaginipan iyon noong nasa ikatlong taon siya sa high school. Hindi niya maalalang nangyari iyon sa kanya noon kaya ang hula niya ay pangitain iyon.

Pakiramdam niya ay malaki ang magiging bahagi sa buhay niya ng panaginip na iyon. Kung papaano ay hindi pa niya alam.

"Makaligo na nga lang."


"SHIT! Nasaan na 'yong sakayan dito?" Muntik nang masabunutan ni Ash ang sarili nang mapagtantong naliligaw na siya. Ilang beses na ba siyang dumadaan sa lugar na ito pero bakit naliligaw pa rin siya?!

Naglakad-lakad siya sa pagbabakasakaling makita ang istasyon ng tren. Limang minuto na siyang naglalakad subalit ni anino ng istasyon ay hindi niya makita. Saan na ba siya napadpad?

Akmang babalik na siya sa pinanggalingan nang bigla mahagip ng paningin niya ang lalaking naglalakad sa unahan niya. Walang hiya-hiyang nilapitan niya ang lalaki.

"Kuya, saan po ang istasyon ng—" naputol ang pagtatanong niya at isang singhap ang kumawala sa bibig niya nang makita ang mukha ng lalaki.

The green eyes that were looking at her was so freaking familiar! It was the eyes on her dreams!

Hindi lang ang mata nito ang gumulat sa kanya kundi maging ang cap na may letrang "R" sa gitna rin. Ganitong-ganito ang suot na cap ng lalaki sa kanyang panaginip!

Posible bang pangitain ang panaginip niyang iyon?

"Are you invalid, Miss?"

Nagising siya nang marinig ang tinig na iyon na tila may bahid ng iritasyon. Ang lalaki sa harapan ang nagsalita.

Tila nakagat niya ang dila at hindi makapagsalita lalo na nang marinig ang buo at malagom nitong tinig. Tila ba ipinaghehele siya niyon.

Posible ba ang love at first sight? O love at first hear of his voice?

Tila nahimasmasan siya sa matagal na pagkakatulog nang mapansin na tila iiwan na siya nito. Kaagad niyang hinawakan ang laylayan ng suot nitong damit.

"Wait!"

"What?"

"Puwede mo po bang ituro sa akin ang daan papunta sa istasyon ng tren?"

Tiningnan siya nito nang diretso sa mata at walang salitang tinalikuran na siya. Dahil nakahawak sa damit nito ay walang kibong sumunod siya sa lalaki.

"You don't have any ounce of self-preservation on your body, eh?"

Nagkibit siya ng balikat. "I know I can trust you."

Hindi na ito kumibo. Totoo naman ang sinabi niya. She felt that she could trust him not because he was handsome. Hindi niya alam pero may tinig sa sulok ng puso niya ang bumubulong na pwede niya itong pagkatiwalaan.

"Ilang taon ka na? Anong year mo na? Saan ka nag-aaral? Anong course mo?" sunud-sunod na tanong niya na ni isa ay hindi nito sinagot.

Napabuga siya ng hangin at bahagyang napasimangot. Minsan na nga lang siyang magkakagusto sa lalaki, d'on pa sa di kumikibo at tila suplado. Minsan na nga  lang may makahatak ng pansin niya, d'on pa sa lalaking tila android.

"Kuya—"

"I'm not your brother, Miss."

Pwe, linya mo na 'yan sa panaginip ko. Baguhin mo naman! "Sorry. Anong itatawag ko sa 'yo kung ayaw mong sabihin ang pangalan mo?"

Hindi na ito kumibo. Mukhang matutuyuan talaga siya ng laway sa lalaking ito.

Nagpatuloy sila sa paglalakad ng tahimik. Siya ay maya't maya kung tingnan ang lalaki. Tila kaedaran niya lamang ito kung titingnan sa mukha. Pero matangkad ito. Lumagpas lamang siya ng kaunti sa baba nito.

Bagay na bagay tayo.

"Here."

Napatingin siya sa paligid nang marinig ang winika ng lalaki. Nandito na nga sila sa istasyon ng tren. Akmang pasasalamatan niya ito nang paglingon niya ay wala na ito sa tabi niya.

Teka, engkanto ba ang lalaking iyon?

Nagkibit na lamang siya ng balikat. Nanlaki ang mata niya nang mapatingin sa malaking orasan sa istasyon. Late na naman siya! Pero ayos lang. Nakilala na naman niya ang lalaking para sa kanya.

Paniguradong makakatapos na siya ng nobela.

The Prince's Trial-and-error Love (Tennis Knights #8) (Published under PHR)Where stories live. Discover now