Part 14

3.1K 106 2
                                    

HINDI na ako naiinis na hindi ako pinapansin ni Sushi kapag nasa school kami. At least kasi hindi na rin matalim ang tingin niya sa akin kapag nagtatama ang mga mata namin. Tapos na talaga ang aming cold war. Hindi na kami mortal enemies.

As of now, masaya ako sa student life ko. Marami akong friends, nag eenjoy ako sa Drama club na sinalihan ko at feeling ko lalo kami nagiging close ng crush kong si Raymond. Halos sa amin na kasi siya sumasabay kumain kapag recess at lunch time. Si Eunice at Kanna na dati halatang hindi pa komportable sa presensiya niya, nakakadaldalan na rin niya. Nakakatuwa.

Then Friday arrived. Alas kuwatro ng hapon, tumawag na sa akin si mommy para sabihin na nasa labas na raw siya ng school gate para sunduin ako. "Mom, patapos pa lang po ang club activity namin. Pasensiya na po. Wait lang ha?"

"It's okay, honey. Hihintayin kita rito. I love you."

"I love you too, mommy." Tinapos ko ang tawag at impatient na nakinig sa club president namin. Mabuti na lang kaunting bilin na lang ang sinabi niya at dinismiss na rin kami. Tumayo ako agad, masiglang nagpaalam sa mga ka-org ko at mabilis na lumabas ng club room. Halos tumakbo na ako para lang makarating agad sa school gate. Twenty minutes ko na kasi pinaghihintay si mommy. Nakokonsiyensiya ako.

Nakita ko ang kotse niyang naka-park sa labas, sa tabi ng pader na bakod ng Richdale Private High School. Nagulat ako kasi nakatayo sa labas ng sasakyan si mommy. Kasama si Sushi. Nakangiti ang nanay ko, may sinasabi at saka affectionate na ginulo ang buhok ng kababata ko. Gumanti ng ngiti si Sushi, masuyo rin ang tingin kay mommy. May init na humaplos sa puso ko habang pinagmamasdan ko sila. Medyo napatagal tuloy akong nakatayo lang roon.

Natauhan lang ako nang mapasulyap sa direksiyon ko si Sushi at mapansin niya ako. Umangat ang mga kilay niya, nagmukha na namang arogante at itinuro ako. Lumingon na rin tuloy si mommy at ngumiti. "Kimchi, honey!"

Ngumiti ako at tumakbo palapit sa kanila. "Sorry po na-late ako." Nagmano ako. Pagkatapos humalik sa pisngi ni mommy bago sumulyap kay Sushi. "Bakit ka nandito?"

"Of course he's going home with us. Tinawagan ko siya kanina pagkatapos kong tumawag sa'yo. Tapos na rin naman daw siya sa club activities niya at pauwi na rin naman sa kanila kaya sabay-sabay na tayo. Let's go in."

Nauna pumasok sa kotse si mommy kaya nagkaroon ako ng chance bumulong kay Sushi. "Akala ko ba hindi natin ipapaalam sa school ang tungkol sa relationship natin? Paano kung may nakakita sa'yo na kausap si mommy? Paano kung may makakita sa atin ngayon?"

Bumuntong hininga siya, inilapat ang palad sa likuran ko sabay bukas ng pinto sa backseat. "That's why we are going in now. Habang wala pang nakakakita," bulong niya. Saka ako magaan na itinulak papasok sa kotse.

Sa passenger's seat siya umupo. Okay lang kasi nasa backseat ang regalo namin para kay ninang Anicko kaya wala nang space para sa kaniya. Saka alam ko na alam ni Sushi na ayaw ni mommy na walang katabi kapag siya ang nagmamaneho.

Nakahilera na ang mga pamilyar na sasakyan sa labas ng bahay ng mga Morales nang dumating kami. Ibig sabihin naroon na ang mga kaibigan at business partners ni mommy na mga ninong at ninang din namin ni Sushi. Pagpasok namin sa gate, may tugtog na mula sa loob na hinaluan ng masasayang boses ng mga matatandang nag-uusap at tawanan at ingay ng mga teenagers at bata.

"We're here!" masiglang sigaw ni mommy nang nakarating na kami sa living room kung nasaan ang halos lahat ng bisita kasama ang birthday girl.

Lumingon sa amin ang lahat, ngumiti at halos sabay-sabay na bumati. Nagmano kami ni Sushi sa lahat ng nakatatanda. Si ninang Anicko masayang niyakap si mommy bago lumapit sa amin. "Happy birthday ninang. Ito po, regalo namin ni Sushi. Nag share na kami para po mas maganda ang mabili namin para sa'yo."

Namilog ang mga mata ni ninang nang abutin ang regalo namin. "Thank you. Wow." Bigla niyang ibinaba sa sahig ang hawak at inilapat ang mga palad sa tig-isang pisngi namin ni Sushi. Pinakatitigan ni ninang Anicko ang mukha naming dalawa, masuyo ang ngiti at namamasa ang mga mata. "Seeing the two of you together like this is also a good gift for my birthday. Pinasaya niyo ako mga anak." Hinila niya kami at sabay na niyakap ng mahigpit.

"Nicko, pakainin mo muna ang mga bata."

Sabay kami napalingon ni Sushi sa direksiyon ng kusina. Nakatayo sa bukana niyon si ninong Iggy, may hawak na bote ng beer at masuyong nakangiti habang nakatingin sa amin. Nasa forties na si ninong pero katulad ng daddy ko at ni tito Albert, fit pa rin ang katawan niya at mukhang mas bata kaysa tunay na edad. My ninong is tall, dark and very handsome. Ngayon habang tinitingnan ko siya, naiimagine ko na ang magiging hitsura ni Sushi kapag naging adult na siya.

Bumalik ang atensiyon ko kay ninang nang humigpit ang yakap niya sa amin. Pagkatapos umatras siya at pinakawalan na kami. Nakangiti pa ring pinahid niya ang gilid ng mga mata, mukhang naluha. "God, sobrang saya ko lang talaga na makitang okay na kayo uling dalawa. Ano ba kasing nangyari sa inyo, Sushi?"

Napasulyap ako sa kababata ko na ngumiwi at nag-iwas ng tingin. "Mom, it's your birthday. Huwag natin pag-usapan 'yan. Nasaan po ang pagkain? We're starving." Inakbayan niya si ninang at inakay na papunta sa kusina. Nahuli ko ang naging makahulugang palitan ng tingin nang mag-ama. Nag-usap kahit walang salita. Malamang palagi nilang ginagawa iyon kapag ayaw nila malaman ni ninang kung anong pinag-uusapan nila. Napangiti ako, umiling at iginala na ang tingin sa paligid.

This is the type of gathering I grew up in. These are the adults that guided, spoiled and loved us since we were young. And there in the garden, talking animatedly, are the guys who I grew up with. Nakakatuwa lang na lahat ng bumubuo sa childhood memories ko, nandito sa iisang lugar na ito at magkakasama ngayon. Sa mga ganitong pagkakataon ko naiisip na sana puwede huminto ang oras; Walang tatanda at walang magbabago. Gusto kong mapreserve ang sandaling ito kung kailan ako pinakamasaya.

"Kimchi. Ano pang ginagawa mo diyan?" Bumalik si Sushi, inabot ang kamay ko at nakataas ang mga kilay na tiningnan ako. "What are you spacing out for? Kumain na tayo."

Kumurap ako, tumikhim at nakangiting pinisil ang kamay niya. "Ito na nga." Saka ako humakbang at hinila siya papunta sa kusina.

MISADVENTURES OF A MATCHMAKERWhere stories live. Discover now