Part 5

3.7K 121 6
                                    

SABAY na umuwi ang parents ko kinagabihan. Inaasahan ko na iyon kasi hindi nagdala ng kotse si mommy kaninang umaga. Inabangan ko sila, handang magsimula ng confrontation dahil imposibleng hindi nila alam na sa Richdale din naka-enroll para sa senior high si Sushi. Sa pagkakaalam ko kasi matagal na siya dapat accelerated at ang chika nila ninong ay nakapasa siya sa exam para dumeretso ng college sa Ateneo at UP Diliman. His choice kung saan niya gusto pumasok. Pero mukhang wala sa dalawa ang pinili niya.

Bumukas ang front door. Tumakbo ako pasalubong sa parents ko at namaywang. "Alam niyo po na nasa Richdale si Sushi pero hindi niyo sinabi sa akin," sumbat ko sa kanila.

Halatang gulat na napatingin sila sa akin. Pagkatapos nagkatinginan sila at parehong napangiwi. Naningkit ang mga mata ko. "Alam niyo talaga."

Tumikhim si daddy, lumapit sa akin at mabilis akong hinalikan sa noo bago bumulong, "Let's sit down and talk about this."

Kumunot ang noo ko. Naging alerto. Kasi may kakaiba sa tono ni daddy. Kasi bigla kong na-feel na marami pa silang hindi sinasabi sa akin. Nagmartsa ako papunta sa living room at sumalampak ng upo sa one seater sofa. Nagtinginan na naman ang parents ko bago magkatabing umupo sa long sofa na nakaharap sa akin.

"Well, Kimchi, hindi namin binanggit sa'yo ang tungkol kay Sushi kasi sigurado kami na tatanggi ka mag enroll kapag nalaman mo na may possibility na maging classmates kayo. Ayaw namin na tanggihan mo ang suggestion namin na sa Richdale ka mag-aral ng senior high. Bukod sa maganda talaga ang curriculum at gusto kong matuto ka makisalamuha sa maraming klase ng tao...si Sushi ang mas malaking dahilan kaya ka namin inenroll doon."

Napanganga ako sa sinabi ni daddy. "Ano pong ibig niyong sabihin?"

Bumuntong hininga si mommy at nagsalita na rin, "Kimchi, hindi kayo nagsasalitang dalawa pero napansin namin nila Iggy at Anicko na nagkaroon ng lamat ang relasyon ninyo ni Sushi sa nakaraang mga taon. We were worried pero naisip namin na kalaunan magiging maayos din ang lahat sa pagitan ninyong dalawa. Pero two years ago, bigla na lang kayo tumigil na talaga mag-usap ni Sushi. Obvious din na iniiwasan ninyo ang isa't isa at kapag napipilitan kayong magkita kapag may okasyon, ang talim naman ng tingin ninyo sa isa't isa. We were so sad that for some reason you stopped being bestfriends. What the two of you had was a very special friendship. Nakakalungkot na bigla iyong mawawala."

Ngumiwi ako at yumuko. Hindi kasi ako aware na napansin pala ng mga nakatatanda ang pagbabago sa pagitan namin ni Sushi. At nagi-guilty ako na pinag-aalala ko sila.

"Alam ko na nasa edad na kayo na naglilihim na kayo sa aming mga magulang. At kahit masakit man sa amin ng daddy mo, gusto ka namin bigyan ng privacy kasi dalaga ka na. As long as hindi mo kami aabusuhin. Pero itong nangyayari sa inyo ni Sushi, hindi namin kaya na walang gawin. You two practically grew up like siblings. Anak rin ang turing namin sa kaniya katulad na anak din ang turing sa'yo ng parents niya. So gusto namin na kung ano man ang pinag-awayan niyo, maresolba ninyo at magkasundo na kayo uli. Alam namin ng ninong at ninang mo na hindi 'yon mangyayari kung palagi ninyo iniiwasan ang isa't isa. Kaya nagdesisyon kaming pagsamahin kayo sa iisang school."

Bumuntong hininga ako at napakamot sa batok. "Hindi lang kami nasa iisang school, mommy. Classmates kami at hindi maganda ang naging pag-uusap namin kanina."

Tumayo ang nanay ko, tumabi sa akin at hinawakan ang mga kamay ko. "Kimchi, may ginawa ba siya sa'yo na sobrang sama to the point na ayaw mo na siya maging kaibigan?"

Bumalik sa isip ko ang alaala nang araw na tuluyang nasira ang friendship namin ni Sushi. May bumara sa lalamunan ko at naramdaman ko na naman ang pamilyar na kirot na palagi ko na-fe-feel kapag naiisip ko 'yon. Pero dahil ayoko pag-usapan ang lahat kaya umiling na lang ako.

Humigpit ang hawak ni mommy sa mga kamay ko. "Then can you try to get along with him again? Sa tingin kasi namin kailangan ni Sushi ng isang kaibigan na tulad mo, Kimchi. He needs someone to make him feel grounded and normal."

Kumunot ang noo ko. "May friends siya sa school, mommy. At least apat pa nga eh."

Umiling siya na para bang hindi ko naiintindihan ang gusto niya sabihin. Si daddy naman biglang tumikhim, tumayo at lumapit na rin sa amin. Umupo siya sa kabilang side ko at umakbay sa akin. "Sige sabihin na natin na may school friends siya. Pero nang makita mo siya mukha ba siyang masaya at komportable katulad noon mga bata pa kayo?"

Hindi ko na kinailangan mag-isip. Umiling na ako agad. "Mukhang ilag sa kaniya ang karamihan ng classmates namin."

"See? He's not fine. Kaya worried kami ng mommy mo. Mas lalo na ang ninong at ninang mo. Napansin namin na mula noong naging junior high student siya, nag-iba ang mood niya. Hindi na siya tumatawa. Hindi na palasalita. Kapag daw nasa bahay siya nagkukulong lang sa kuwarto. At tinanggihan niya na ma-accelerate para maging college student kahit na akala namin lahat decided nang iyon ang mangyayari. Sabi daw niya gusto niya ituloy ang senior high sa Richdale pero hindi naman niya sinabi ang dahilan. He's being stubborn so they accepted his decision. Pero bigla rin, ayaw na rin niya sumali sa mga math competition. Kahit na nirerecruit na siya ng national team na sasali sa International Mathematical Olympiad, ayaw pa rin niya. For some reason he suddenly lost motivation."

"At nagiging rebellious na rin daw siya sabi nila Anicko. Nag-aalala sila kasi nasa importanteng stage kayo ng mga buhay niyo ngayon. Dalawang taon lang ang senior high. Maiksing panahon para mag-isip kung anong kurso ang gusto ninyo sa college at kung ano ang gusto ninyo maging career in the future. But right now, Sushi doesn't talk to his parents about himself. Hindi nila alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya ngayon," singit naman ni mommy.

Pinaglipat-lipat ko ang tingin sa mukha ng parents ko, pinoproseso ang mga sinabi nila. Unti-unti, na gets ko na ang totoong dahilan kaya nila ako pinasok sa Richdale Private High School. "Gusto niyong maging close uli ako kay Sushi. Gusto niyong alamin ko kung anong nangyari sa kaniya at kung bakit nagbago siya?"

Ngumiwi si mommy pero tumango naman. "Request ng ninong at ninang mo. Kung may tao raw na makakatibag sa pader na iniharang ni Sushi sa sarili niya, ikaw daw iyon. Hindi ko sinasabing agad-agad mo magawa 'yon. But at least, can you promise us that you will try?"

Matagal na hindi ako nakapagsalita. Parang may lumalamutak sa sikmura ko. Nasa dulo na nang dila ko ang salitang 'no'. Pero kahit kailan hindi humingi ng favor sa akin ang parents ko. Lalo na sila ninong at ninang. Mula noong bata ako hanggang ngayon palagi nila ako binibigyan ng kung anu-anong regalo. Minahal nila ako nang husto. The least I could do for them is to drag their son out of the wall he created around himself. Pero kilala ko si Sushi kahit na ilang taon na kaming enemies. Hindi magiging madali ang misyon na pinapagawa sa akin ng mga magulang namin.

"Kimchi? Huwag mo pilitin ang sarili mo kung ayaw mo talaga," sabi ni daddy na hinaplos ang buhok ko.

Huminga ako ng malalim at kahit hindi pa ako masyadong sigurado, sinabi ko ang desisyon ko. "Fine. I'll try my best to make up with him. Aalamin ko po kung anong nangyayari sa kaniya at kung ano ang mga plano niya sa buhay. Pakisabi rin po kila ninang na ako na ang bahala, ha? Para hindi na po sila mag worry."

Halatang nakahinga ng maluwag ang parents ko. Patiling niyakap ako ni mommy at hinalikan sa magkabilang pisngi. "I love you, baby."

Gumanti ako ng yakap at natatawang gumanti ng I love you. Nang sulyapan ko naman si daddy nakita kong ngiting ngiti siya. Tinapik pa niya ang ulo ko na para bang proud na proud siya sa akin. Tumaba tuloy ang puso ko at napangiti na rin. Gustong gusto ko kapag napapasaya ko sila.

Hindi naman siguro masama kung subukan ko uli makipaglapit kay Sushi. Pareho naman kami may kasalanan sa isa't isa. Parehong may nasabing masasakit nang gabing naging mortal enemies kami. Siguro naman nag mature na kami pareho at magagawa na namin kalimutan ang lahat. At kahit sa tingin ko si Sushi talaga ang may mas kasalanan, ako na ang magpapakumbaba. Para sa parents namin. Para sa naging friendship namin sa loob ng fourteen years.

MISADVENTURES OF A MATCHMAKERWhere stories live. Discover now