- 00 -

674 11 0
                                    


Panay ang lingon, puno ng kaba ang dibdib at nababalot ng takot ang buong pagkatao na binagtas ng marungis na dalaga ang katahimikan ng madilim na gabi.

Mula sa kung saan ay naririnig niya ang ingay ng mga insekto, ang nakakatakot na alulong ng aso sa di kalayuan at hindi mawaring mga ingay o bulungan na hindi mapangalanan ang direksyong pinanggagalingan.

Hindi rin mawala sa kanya ang pakiramdam na may mga pares ng matang nagmamasid mula sa kung saan, mula sa kadiliman.

Sandali siyang huminto sa pagtakbo para magpahinga. Pakiramdam niya ay sasabog na ang kanyang baga dahil sa kakapusan ng hininga. Napayuko siya, nakatukod ang dalawang kamay sa magkabilang tuhod at halos bibigay na ang katawan dahil sa pagod.

Hindi ka puwedeng magpahinga, hindi ka puwedeng huminto dahil mahuhuli ka na naman niya.

Mabilis siyang napadilat  nang marinig ang tinig sa kanyang isip.

Tumayo na siya at muling nagsimula sa pagtakbo. Hindi niya alam kung sino ang taong nagkukulong sa kanya sa bahay na iyon. Basta ang tanging alam niya ay delikado siya, kailangan niyang umalis at kailangan niyang mabawi ang ninakaw niyang kalayaan.

Nakarinig siya ng kaluskos, ng papalakas na tunog ng makina ng isang sasakyan.

Nagsimula na naman siyang maiyak. Mukhang maaabutan na niya ng taong tinatakasan niya. Ikukulong na naman siya. Pagsusuotin ng pulang bestida na kinasusuklaman niya.

Pumalahaw siya ng iyak at mas binilisan pa ang pagtakbo. Hindi siya puwedeng maabutan doon, hindi siya puwedeng ikulong ulit sa apat na sulok ng silid na iyon.

Pasuray-suray na ang takbo niya. Tuluyan na siyang nawawalan ng lakas at pinapanawan ng ulirat. Hindi na niya ramdam ang mga paa niya.

Wala na siyang pag-asa.

Nahinto ang nanghihinang dalaga nang isang malakas na busina ang sumalubong sa kanya. Nakakabulag din ang liwanag na nagmula sa paparating na sasakyan.

Wala na siyang pag-asa.

Suko na siya.

Pasalampak siyang bumagsak sa maruming kalsada. Tuluyan nang nawalan ng lakas ang mga paa niya.

Dalawang pares ng mga paa ang naaninagan niyang palapit sa kanya. Sa nanghihinang katawan, at hindi na halos maidilat na mga mata, pilit niyang tiningala ang dalawang lalaking palapit sa kanya.

Mapait ang naging ngiti niya. "Patayin mo na lang ako," sambit niya, mahina pero puno ng diin.

Nanatiling nakatayo ang isang lalaki habang ang isa ay yumuko at sinapo ang mukha niya.

"Luna..."

Naiyak siyang lalo. Pamilyar sa kanya ang tinig na iyon. Parang hinaplos ang puso niya nang maramdaman ang init ng palad nito sa kanyang mukha.

"Luna..."

At tuluyan na siyang nagpagapi sa pagod na nararamdaman niya.

Allure (Completed)Where stories live. Discover now