Simula

8.2K 164 5
                                    


----
"Para sa iyo, aking prinsesa." Ibinigay ko sa kanya ang mga bulaklak na pinitas ko sa aking bakuran.

"Salamat." Ibinigay na naman niya sa akin ang ngiting iyon na nakakapagpabilis ng tibok ng aking puso. Inamoy niya ang mga bulaklak at tsaka umupo berdeng damo ng aking hacienda.

Unang kita ko pa lang sa kanya ay alam ko nang siya ang gusto kong makasama habang buhay. Kahit lagi niyang sinasabing magkaiba ang estado ng aming buhay ay wala akong pakialam. Nais kong hawakan ang kanyang kamay hanggang sa dulo ng walang hanggan. Siya lang ay sapat na.

"Ano ang binabasa mo Veronica?" Ipinakita niya ang kanyang libro sa akin. May itim na kulay ito at halatang luma na. Sumilay ang ngiti sa aming mga labi.

"Libro ito ng aking ama. Pinapabasa niya sa akin." Kinuha ko sa kanya ang libro at pinasadahan ng tingin.

"Bakit walang titulo?"

Nagkibit balikat siya at tinanaw ang bundok sa kabilang sulok ng hacienda.

"Hindi ko alam. Nitong mga nakaraang araw, lagi na lang ito ang kanyang inaatupag. Nag-aalala na din ako sa kanyang kalagayan. Siya na nga lang ang aking katuwang sa buhay baka mawala pa siya." Yinakap ko siya at hinalikan ang kanyang noo. Isang manunulat ang ama ni Veronica mula sa Italya. Namatay ang kanyang Pilipinong ina noong siyang limang taong gulang pa lamang. Dahil hindi sapat ang sahod ng kanyang ama sa pagsusulat, napilitan siyang magtrabaho sa aking hacienda.

Doon ko siya unang nakita, hinangaan, pagkalaon ay... minahal.

"Huwag kang mag-alala. Nandito ako. Hindi kita iiwan."

--

Ang lampara lang sa dulo ng silid ang nagbibigay liwanag sa paligid. Tanging huni lang ng mga kuliglig ang aking naririnig. Nakagapos ang aking mga kamay at paa, may sapal ang aking bibig.

Bumukas ang pinto. Dahan dahan siyang pumasok sa silid at may hawak siyang itim na libro - pamilyar na libro.

Nakarating siya sa aking harapan. Inalis niya ang takip sa aking bibig. May sinasabi siya. Parang nagtatanong ngunit hindi ako makasagot. Naubos ang mga salitang iniisip ko kanina nang makita ko siya.

"Veronica.." Bulong ko. Bakit Veronica? Nais kong sumigaw. Walang ekspresyon ang kanyang mga mata, malayong malayo sa pinapakita niya sa akin noong unang mga buwan niya sa aking Hacienda. Hindi ito ang babaeng minahal ko.

Maya-maya'y may pumasok ulit.

"Alessandro.." Maputla ang kanyang balat. Pinakita niya sa akin ang hawak niyang panulat at  pulang libro. 

Gusto kong siyang suntukin, sumigaw, magwala. Pero wala akong lakas.

"Eduardo Cervantes. Napakagandang titulo para sa kamangha manghang lathalain. Ano ang iyong tingin?" Kinuha niya sa katabing lamesa ang isang baso. Umuusok ito ngunit makikita pa rin ang itim na likido. 

"A-Ano ang ginawa mo kay Veronica?" Tangging wika ko. Kahit alam ko na ang sagot, hindi ko alam kung bakit nagtanong pa rin ako. Nakakapanindig balahibo ang kanyang tawa.

"Siya pa rin si Veronica, Senorito. Ang pagkakaiba lang ay isa na siya sa aking mga karakter. Hindi ko akalaing papayag siya sa aking mga plano."

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Plano namin itong lahat. Mula sa pagpasok niya sa iyong Hacienda, sa pag-papaibig nya sa iyo. Para lahat ito sa isang perpektong libro na hindi pa nagagawa ninuman."

Tiningnan ko si Veronica. Wala siyang reaksyon. Nakatingin lang siya sa kawalan. Maya maya ay tumawa si Veronica.

"Maganda ba ang aking pag-arte, Ama?" Nagtawanan silang dalawa. "Nandito lahat, mahal ko. Mula una hanggang huli. Akala ko'y mabubuko mo na ako nung hiniram mo ang librong ito. Ngunit naalala kong hindi ka nga pa la sana'y magbasa ng wikang Ingles. Katulad ka din ng aking ina. Isang mang mang!"

"Pati ang iyong ina?" Paano nila nagawa ito? Unti-unting nabalot ang puso ko ng galit at puot. Sa isang iglap nawala bigla ang pagmamahal ko sa kanya.

"OO! Balakid siya sa lathalaing sinusulat ng aking ama. Masyado siyang pakialamera. Kaya karapat dapat lang siyang patayin!" Nanlalaki ang kanyang mga mata. Baliw silang mag-ama.

Lumapit sa akin si Alessandro at pinilit ibuka ang aking bibig. Nang hindi nya mapainom sa akin ang likido ay tumulong na rin si Veronica. Umiling ako at pilit tinitikhom ang aking bibig.

"Ibuka mo ang iyong bibig!" Sigaw ni Veronica sa akin. 

"Makisama ka Eduardo! Isa na lang ang kulang upang maging perpekto ang istorya. Dapat magkaroon ng bampira at walang ibang karapat dapat sa karakter na iyon kundi ikaw." Saad ni Alessandro. Pinagtulungan nila akong dalawa hanggang sa maramdaman ko na lang ang mainit na likidong dumadaloy sa aking lalamunan. Nawala na ang aking huwisyo. Ang tanging naiisip ko na lamang ay babalik ako. Babalik ako.

Ang Stalker kong Bampira (Rebooting)Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz