Ikalabing-apat na Hiwaga

494 20 2
                                    

Kinuskos niya ng kanyang palad ang malalim na marka sa sahig. Sigurado na may nanloob sa kubo, ngunit wala namang kahit na anong gamit na nawala o nagalaw. Tinignan niya ng maigi ang notebook, mabilis na ipinabalik-balik ang pagtingin sa mga pahina nito at sa kanyang palagay, wala namang nakakita at nagbago dito. Bakit nga ba may magtatangkang gumalaw ng mga gamit at journal ng isang taong nababaliw? At siya ay biglang nakaramdam ng pagkatakot para sa kanyang buhay at kaligtasan. Hindi na sana niya nais gambalain ang binata ngunit mukhang kinakailangan ng malaman na nito ang lahat. Na hindi talaga siya buhay sa panahong ito. Na hindi sila nababagay sa isa’t isa sa kadahilanang malayo ang kanilang pagitan. Na darating ang araw at siya ay maglalaho na lamang sa oras na ito at babalik sa kanyang panahon, kung kailan at paano ay hindi niya pa nalalaman.

Sumagi sa kanyang isipan ang mga inosenteng ngiti ng binata, mga ngiti na tila bang handang tulungan at alalayan siya sa kahit na anong mangyayari. Ngunit paano na lamang kung hindi niya matanggap ang totoo, at pagkamalan siya nito na isang baliw? Hindi na bale, wala namang problema sapagkat lahat ng nangyayari sa panahon na ito ay naganap at tapos na. At alam niya na kapag nakabalik na siya sa kanyang panahon, lahat ay babalik na sa dati, at unti-unti na niyang malilimutan ang mga mapagmahal at maalagang kilos ng binata. Ang mga ngiti na nagbibigay sa kanya ng kaunting ligaya sa tuwing siya ay malulumbay dahil sa pagkaligaw sa mga panahon. Ang mga bagay na- sandali nga lamang- tama pa ba ang kanyang mga naiisip? Hindi niya maaaring dalhin ang mga emosyon na ito sa kanyang panahon. Malayo ang pagitan nila sa isa’t isa. Langit, lupa, oras, at panahon.

At nadurog ang kanyang puso, sapagkat nalalaman niya na kahit kailan ay hindi mapapasa-kaniya ang pag-ibig na nararamdaman ngayon, sa panahong ito. At balang araw, sa kanyang pagkawala, ang binata ay makakakita ng pag-ibig na nararapat para sa kanya, na magbibigay sa kanya ng kaligayahan hanggang sa panahon na siya ay ipanganak na.

Bakit ba napakalupit ng tadhana? Tadhana ba ang nagdala sa kanya dito at nagpakilala sa kanya sa binatang ito? Tadhana rin ba ang dahilan ng pagkakakilala niya, at ang ibigin niya ito? O isa lamang bunga ng simpleng pagkakamali?

Sa kanyang pag-iisip ay hindi niya napansin ang pagsilip ng liwanag ng umaga. Sumulyap ang binata sa pinto ng kubo at tinawag ang kanyang pangalan.

Magkahalong lungkot at ligaya ang naramdaman niya sa pagdating nito, at walang ano-ano’y sumama siya dito na lumabas at mamasyal. Pansamantala lamang, isip niya. Kahit sandali lang, maramdaman ko na normal lang ang lahat. Pakiusap sa mga Diyos na nakakarinig sa panalangin ko.

Kinagabihan, ng sila ay madako at maupo sa isang limliman, habang nakahilig ang kanyang ulo sa balikat ng binata, ipinagtapat niya na may gusto siyang sabihin rito, ngunit nais muna niyang tipunin ang lakas ng kanyang loob dahil ayaw niyang mabansagan na isang baliw. Kakaibang kislap ang nakita niya sa mata ng binata, at sinabi niya na sila ay magkita sa may maliit na tulay sa parke kinabukasan ng dapithapon. Darating ako, sambit niya sa binata. Siguradong darating ako.

Ngunit naalala niyang bigla ang mga marka ng panloloob sa kubo, at hindi niya nais na makasama at makita ng mas matagal pa ang binata at pag-alalahin pa ito. Hindi na niya gusto pang pahirapan ang kanyang sarili. Nag-aalala at maluha-luha ang mga mata na kanyang sinabi “Huwag mo na akong samahan pabalik”.

Nagtataka ngunit pumayag ang binata sa kanyang sinabi. Hinawakan nito ng mahigpit ang kanyang mga kamay, at sinabi na “hihintayin kita, kahit gaano katagal”.

Nagmamadali siyang bumalik sa kubo, at takot na takot na isinara ang pinto sa pag-aalala na marahil ay may sumusunod sa kanya at handa siyang pagsamantalahan o paslangin.

Hindi siya nakatulog. Magdamag niyang pinagmasdan ang salamin. Hindi na niya nakikita rito ang kanyang sarili, kasabay ng paglalaho noon ng babaeng walang mukha na nakita niya dito. Ubos na ang kanyang lakas at pag-asa. Ayaw na niyang gumawa pa ng seremonya at kung ano-ano pa na wala rin namang epekto. Hindi nito napigilan ang pagdaloy ng luha sa hirap na nararamdaman. Ito na ba ang katapusan?

At hindi niya muling napansin na inabot na siya ng kinabukasan. Nagmamadali siyang tumakbo patungo sa lugar ng kanilang tagpuan. Natanaw niya sa malayo ang binata, nakangiti at masayang naghihintay para sa kanya. Tumakbo siya patungo rito. Paulit-ulit na isinigaw niya ang pangalan ng binata ngunit tila hindi siya nito naririnig. Iniabot niya ang kanyang mga kamay ngunit unti-unting natunaw ang buong paligid, ito at kasabay ng binatang naglalaho na parang isang basang pintura na hinugasan ng tubig.

At biglang nagbago ang lahat.

X--------------------------X

Credit:

Music: Lucas King - Remember

https://youtu.be/tD_yFYZeMN0

/*If youtube video doesn't play, check the music out on youtube, title and link provided. Many thanks for making it out with me this far.

Lots of love, KrissySanty*/

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Where stories live. Discover now