Ikalabing-dalawang Hiwaga

482 17 2
                                    

Hindi ko napansin na nagtagal na pala ako sa loob ng kubo kasama niya, at hatinggabi na ako nakauwi. Nakagalitan at nasabihan ako ng aking mga magulang, ngunit nangako ako na hindi na muling uuwi ng ganoong oras. Buong magdamag ko naisip ang lahat ng naganap ng araw na iyon, at dahil dito, maaga ako bumalik kinabukasan sa kubo.

Nagdala ako ng ilang pirasong pandesal, palamang keso at mantikilya, at kaunting kape para sa kanya. Wala siyang ibang maaasahan; alam kong wala siyang makakain. Hindi naman kabigatan sa amin ang ilang pirasong agahan na mababawas sa hapag.

Sumulyap ako sa pinto ng kubo, at ng magtagpo ang aming mga mata ay nakita ko ang kanyang kagalakan. Masaya ba siya na nakita niya ako, o dahil mayroon na siyang kasama dito? Ayoko muna itong isipin, at mahirap ang umasa sa wala.

"May dala ako para sayo. Alam kong hindi ka pa kumakain." Nasambit ko. Nakita kong maluha-luha ang kanyang mga matang inabot ang dala kong supot, at hindi sinasadyang nagkahawak ang aming mga kamay. Nakaramdam ako ng pagkapahiya, at agad niyang binawi ang kanyang kamay sa pagkakahawak ng hindi sadya.

Nagtagpo ang aming mga mata. Malalim at maiitim ang kanyang mga mata na dumadagdag sa misteryong bumabalot sa kanyang pagkatao. Nais ko itong makilala. Maigi kong tinignan ang kanyang mga mata, napansin kong siya'y bahagyang napangiti ngunit agad niya itong binawi kasama ng kanyang tingin at sinabing, "salamat sa pagkain".

"Ok lang." Sagot ko. Nagmukha ba akong masamang tao sa aking ginawa? Sana ay hindi naman.

Maya maya'y umikot siya sa loob ng kubo na parang may hinahanap. Umabot ng ilang mga gamit at tinignan ito ng mainam. "Ano ba'ng gagawin mo?" nagtataka kong tanong.

Diyata't malalim ang kanyang iniisip at napatalon siya sa aking pagtatanong. Matagal siyang napatingin sa akin na para bang nag-iisip ng maisasagot.

"Di ka ba hinahanap sa inyo?" Nag-aalala kong tanong. Buong gabi na siya rito at malamang ay ilang araw na siyang nawawala, siguradong nagaalala na ang kanyang mga magulang. Nais kong nakikita siya rito palagi, ngunit mahalaga sa akin ang kanyang kaligtasan. "Magdamag ka ng nawawala. Malamang nag-aalala na mga magulang mo."

"Pag may nabalita sa TV na Menchie ang pangalan na nakatira sa Maynila, ako na yun." Sagot niya sa akin.

Aha, Menchie pala ang pangalan mo. Nalaman ko din ang pangalan mo ng hindi nagtatanong sa iyo.

Sumagi sa aking isip na baka siya ay naglayas sa kanilang tahanan, dahil wala ni isa mang bahid ng pag-aalala sa kanyang mukha. Nagtaka ako sa kanyang inaasal. Gusto niyang umuwi, ngunit hindi siya nag-aalala na baka hinahanap na siya ng kanyang magulang. Baka nabubuhay siya mag-isa? Napakarami kong tanong. Sino ba siya? Ano ba ang kanyang pagkatao?

"Ahh, Menchie pala pangalan mo." Napangiti ako habang binabanggit ang kanyang pangalan. Parang napakatamis nito sabihin para sa akin. "Inabot ko ang aking kamay at nagpakilala. "Henry."

"Nice to meet you, Henry" at inabot niya ang aking kamay. Tinignan kong muli ang kanyang mga mata. Tinitigan niya ako na para bang may minumukhaang tao, parang nangingilala at nagtatanong. May kakilala ba siya na kamukha ko? O baka nagkita na kami dati?

Binitiwan niya ang aking mga kamay at nagpasumandali. Patakbo niyang inabot ang isang itim na notebook na may guhit na pentagram sa lamesita sa harap ng isang malaking salamin at nagmamadaling binuklat. Bigla niyang tinakpan ang kanyang bibig at napansin kong marahang pumapatak ang kanyang mga luha.

Inabot niya ang dip pen at nagsimulang magsulat. Bakit siya naguguluhan? Ano ba ang aking maitutulong? Ano ba ang kanyang problema? Alam kong kakikilala pa lamang namin at normal na hindi niya ako pagkatiwalaan sa kanyang mga sikreto, ngunit gusto ko siyang makilala. Gusto ko siyang tulungan.

Nilapitan ko siya at tinapik ko ang kanyang balikat. "Gusto mo ba muna lumabas para kumain ng tanghalian?" alok ko. Nais ko siyang matulungan kahit sa ganitong maliit na bagay lamang. Kukunin ko ang kanyang pagtitiwala. Nais kong makuha ang kanyang loob. "Kung ano man iyang ginagawa mo, pwede naman siguro yan ituloy mamaya." Sana ay sabihin niya sa akin ang kanyang dinaramdam.

Bahagya siyang napangiti at marahan akong tinignan. "Sige. Ok lang ako kahit lugaw lang." Sagot niya. Napakamahiyain niya sa aking palagay.

Tamang tama. May alam akong isang masarap na lugawan sa hindi kalayuan dito. Pinatatag ko ang kanyang loob at sinabi na baka bumalik ang matandang magtatawas pagbalik namin sa kubo, ngunit isa yata itong malaking kasinungalingan na galing sa akin.

Pinauna niya akong lumabas, at makailang hakbang ay nilingon ko siya at inalok ko ang aking mga kamay na kanya namang tinanggap.

Nais kong makuha ang kanyang loob, dahil alam kong nakuha at hawak na niya ang aking puso.

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Where stories live. Discover now