Ikasiyam na Hiwaga

655 26 12
                                    

Tinignan ko ang kanyang mga mata habang nakaupo kami sa lamesa at kumakain. Mga matang mapagpanggap. Patay ang kulay. Walang sigla.

Hindi mo naman masasabing hindi siya maganda. Sa katunayan nga ay nakabibighani siya sa kanyang ayos ngayon. Maputi at tuwid ang buhok na parang sumpang inakit ang aking mga magulang. Mga mahinhing tawa na pilit ikinukubli sa kanyang malalambot na palad. Ngunit ang kanyang mga mata. Mapagpanggap. Walang sigla. Walang buhay.

Siya ang ipinagkasundo sa akin ng aking mga magulang. Para ito sa pagsasanib ng aming mga kompanya. Paunti-unti kong itinatanong kay daddy kung ano ang dahilan. Ngunit di yata't nakasulat na ang aking hinaharap kasama ang babaeng ito.

Kung hindi sa matagal ko nang pagkakakilala sa kanya, at dahil magkaibigan ang aming mga magulang, hinding hindi ko siya kakausapin. Para siyang isang hunyango sa aking paningin. Maganda dahil humahalo ang kulay sa kanyang paligid. Mula ng kami'y mga bata pa ay makailang beses siyang nagpalit ng nobyo, mga pawang may sinabi sa buhay, at sa bawat palit ay kasama ang kanyang balat na nagpapalit rin. Isang bagay na aking pinagtataka ay nahuhuli nya ang kiliti, sampu ng puso ng mga magulang ng kanyang mga naging nobyo.

Isang beses ay aking naalaala ng banggitin nya sa amin na siya'y mangingibang-bansa. Siya daw ay kinuha doon ng isang sikat na modeling agency. Ilang buwan na wala siyang tawag o pasabi man lang, at ng bumalik sa bansa ay mayroon na namang nobyo, at kasabay ng bagong nobyo ay bagong ugali, bagong itsura. Isang bagay na aking ikinainis ay ang kanyang pagsisinungaling sa dahilan ng kanyang pangingibang-bansa. Siya pala ay hindi tinawagan ng ahensiya, bagkus siya ay nag-audition para makasali, nag-aral, ngunit hindi nakapasa, dahilan upang siya ay bumalik sa sariling bansa. At kasalukuyang siya ay nag-aral at nag-audition, namingwit din siya ng malusog na isdang maloloko.

Matagal na panahon ko na siyang kilala. Ang kanyang buhay ay isang malaking kalokohan. Ang lahat ng kanyang sinasabi ay isang malaking kalokohan. Hindi ako konserbatibo, ngunit tila bang napakarumi niya sa aking paningin. At ngayon, ako naman ang binibingwit niya. Nakakabalisang isipin na nakuha niya ang puso ng aking mga magulang. Ibang-iba siya ngayon. Para bang isang ahas na nagpalit ng balat.

Ibinaba ko ang aking cubiertos at ipinakiusap ang aking sarili na panandaliang lalabas at magpapahangin. Blangko ang aking isip, ngunit parang mayroong maingay na sumisigaw dito. Ayoko. Iniiwasan ko ang mandiri, ngunit tila yatang nakapagdesisyon na ang aking isip para sa akin.

Isinandal ko ang aking likod sa isang mababaw na kahoy sa labas ng aming tahanan at dahan-dahang iniupo ang aking sarili. Tumingin ako sa kalangitan. Unti-unti ng kinakain ng kadiliman ang liwanag, tinitintahan ito ng pula bago tuluyang maging dilim. Ipinikit ko ang aking mga mata. Naiintindihan ko naman ang lahat. Ngunit may isang parte ng aking sarili ang ayaw tanggapin ang mga nangyayari. Bakit sa lahat ng babae sa mundo, siya pa. Marami namang iba. Ngunit sino ba ako upang magdesisyon para sa aking sarili.

Dahan-dahan akong tumayo at pinagpag ang dumi sa aking damit. Lalabas muna ako ng bahay. Baka sakaling matahimik ang aking isipan sa mga nangyayari. Masyado lamang akong nag-iisip.

Napansin kong napalalim yata ang aking pag-iisip dahil malayo-layo ang aking narating mula sa aming tahanan at madilim na. Umikot ako ng aking mapansin ang isang babaeng nakaupo sa isang bato, walang kasama, nakayuko at umiiyak.

Sa malayo, ang tingin ko'y namamaga ang kanyang mga mata sa pagluha. Para bang isang batang takot na takot, isang batang nawawala, isang batang nawalay sa magulang.

Tinignan ko siya ng maigi. Napakalambot niya tignan, na para bang kahit anong oras ay maaari siyang mabasag. Lumilinga-linga siya sa paligid na tila bang pilit kinikilala ang lugar, baka-sakaling magbago ang paligid sa isang pook na kanyang kilala.

Namugad ang awa sa aking dibdib; nais ko siyang kausapin at tulungan. Akin siyang nilapitan.

"Miss, may problema ka ba?"

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Where stories live. Discover now