Ikalabing-isang Hiwaga

485 18 1
                                    

Iminulat ko ang aking mga mata. Nakita ko ang pagsilip ng mataas na liwanag ng araw sa pagitan ng madilim na kurtina ng aking kuwarto. Pumutok na pala ang umaga, diyata't napalalim ang aking tulog. Isa ito sa mga bagay na matagal ko ng hindi nararanasan. Dahan-dahan kong ibinangon at iniunat ang aking katawan. Naghugas ng aking mukha at nagsipilyo at bumaba ng aking kuwarto.

Inabutan ko si daddy na nagbabasa ng diyaryo. Umuusok ang napakainit na itim na kape, kasabay ang mainit rin na pandesal na may mantikilya at keso. Sa aking palagay, kauumpisa lamang nilang kumain. Umikot ako sa lamesa at kumuha ng isang pandesal at isinubo ko ito ng buo. Nagtimpla ako ng kape at nilagyan ko ng gatas, pinalamig ng kaunti upang mabilis ko itong maubos. Dangkasi'y hinahatak ako ng aking mga paa palabas ng aming tahanan.

"Saan ka pupunta at diyata't nagmamadali ka?" bati sa akin ng aming alalay.

"Lalabas lang po," tugon ko.

Mayroon pa siyang mga nabanggit sa akin, ngunit hindi ko na ito narinig at inintindi sapagkat nagmamadali kong ihinakbang ang aking mga paa patungo sa kung saan ay hindi ko alam. Hindi ko maipaliwanag sa aking sarili, ngunit alam at sigurado akong makikita ko pa siya. Buo ang aking kumpiyansa sa sarili. Binalikan ko at inikot ang aming mga pinanggalingan. Ngunit hindi ko siya nakita roon. Umikot na rin ako sa mga maaari niyang sakyan. Wala rin siya doon. Nasaan kaya siya? Ngunit sigurado akong naririto lamang siya. Damang-dama ko na nandirito lamang siya.

Ilang oras na ba ang nakalipas? Wala pa ring kahit na anong senyales na naririto pa siya. Nagsimula na akong mainip at mawalan ng pag-asa. Sige, ilang minuto pa. Kapag hindi ko pa siya nakita, uuwi na ako. Hindi bale ng abutin ako ng dilim sa pag-uwi, saka na ako magiisip ng maipapaliwanag.

Hindi ko napansin na sa aking paglalakad ay napalalim na ang aking pag-iisip, ng aking maaninag ang isang pamilyar na mukha ng isang babae. Nakaupo siya sa labas ng isang kubo. Hindi ba ito ang kubo ng matandang magtatawas? Magtagal na panahon ko na siyang hindi nakikita. Ano ang kanyang pakay rito?

Habang ako ay papalapit, unti-unti kong nakita ang galak sa kanyang mukha. Ang mga titig na para bang ninanais niya akong makitang muli. Mabilis siyang tumayo at sumalubong sa akin. Ayokong magbakasakali; alam ko naman na wala siyang ibang kilala at maaasahan dito sa aming lugar. Masyado yata akong umaasa. Iginapos ko ang aking puso na tatalon na palabas ng aking dibdib sa sobrang kagalakan.

"Oy!" tangi kong nasambit. Agad akong naghagilap ng masasabi. "Bakit nandito ka? Akala ko ba umuwi ka na?"

"Inaatay ko kasi yung nakatira dito." Sabay turo niya sa kubo.

Matagal ng hindi umuuwi ang matanda sa kubo na ito. Sino ang nakakaalam kung ano na ang nangyari sa kanya?

"Ahh, magpapatawas ka ba?" Napatawa ako sa aking naiisip. Pwede siyang pansamantalang dito muna mamalagi. "Nako, di ko sigurado yan, pero madalas wala yung nakatira diyan. Padaan daan, ewan ko lang ngayon."

"Ah, ganon ba?" sagot nito. Nakita ko ang bakas ng alinlangan at pag-aalala sa kanyang mukha.

Inalok ko na silipin namin ang loob ng kubo, at madali naman na pumayag ang dalaga sa ideyang ito. Dahan-dahan naming nilakad ang bakuran papunta sa pinto ng bahay ng matandang magtatawas. Madalas ako dito noong ako ay maliit pa. Ang mga dating halamang namumulaklak ay mukha na ngayong napabayaan, ngunit katakataka na ang mga sampaguita ay nabubuhay pa, kahit naliligiran na ito ng mga hindi pangkaraniwang mga halaman.

Hindi mahirap sungkitin ang pinto ng kubo, at mabilis ko itong nabuksan gaya ng dati. Tinawag ko siya agad, na mabilis at nakangiti naman na tumalima. Patakbo siyang pumasok sa loob na parang isang bata na dinala sa isang pook-pasyalan. Nakatutuwa siyang tignan habang nililibot ang mga istante ng kagamitan sa loob ng kubo. Maliit lamang ang loob ng kubo ng matanda, at hindi nagbago kung paano ko ito naaalala noong huli akong nagpunta rito ng ako'y maliit pa. Inabot ko ang isang dream catcher na nakasabit sa istante. Isa ito sa mga maraming ipinamimigay ng matandang magtatawas sa mga bata upang hindi sila bangungutin.

"Tulungan mo ko?"

Tumingin ako sa kanya at napangiti. Kahit ano ay gagawin ko, basta makasama lamang kita.

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon