Ikalabing-tatlong Hiwaga

513 20 4
                                    

Makailang ulit na binalikan ko siya sa kubo. Makailang ulit na inalok na lumabas, at makailang ulit din na siya’y sumama sa akin. Ayokong umasa, ngunit ito ang ibinibigay ng puso ko sa akin: pag-asa.

Sa aking pakiramdam ay nagsimulang magkaroon ng kulay ang aking buhay, at unti-unting nagkakaliwanag ang nararamdaman namin sa isa’t isa. Sa una’y nakikita ko ang kanyang pag-aalinlangan, ngunit kahit hindi namin sabihin sa isa’t isa ay nakikita ko ito sa kanyang mga kinikilos. O marahil ay ito lamang ang gusto kong paniwalaan.

Isang gabi na kami ay magkasama, ihinilig niya ang kanyang ulo sa aking balikat. Sinabi niya sa akin na mayroon siyang gustong ipagtapat sa akin, ngunit nais niya munang tipunin ang lakas ng kanyang loob dahil hindi raw niya gusto na mabansagang isang baliw. Ako ay pumayag. Sinabi ko sa kanya na may ipagtatapat rin ako sa kanya, at magkita kami sa may maliit na tulay sa parke kinabukasan ng dapithapon. Sinabihan niya ako na siya ay siguradong darating, at huwag na siyang samahan pabalik sa kubo sa dahilang hindi ko na inalam pa. Hinawakan ko ng mahigpit ang kanyang mga kamay at sinabi ko na, “hihintayin kita, kahit gaano katagal.” Hinawakan rin niya ang aking mga kamay na parang ayaw niya itong bitiwan, ngunit alam kong kinakailangan na kami ay mawalay pansamantala. Sinundan ko pa rin siya pabalik sa kubo dahil sa aking pag-aalala.

Natanaw ko ang takot sa kanyang mukha ng siya ay pumasok sa loob ng kubo. Napuno ako ng pag-aalinlangan na baka siya ay mapaano, ngunit pinilit kong isipin na siya ay magiging maayos lamang at magkikita pa kami bukas.

Hindi ako makatulog kinagabihan. Nasa isip ko ang takot sa kanyang itsura ng siya ay pumasok sa loob ng kubo, at kung ano na rin ang nais niyang sabihin sa akin. Ano kaya ang kanyang kinatatakutan? Ngunit kung ano man ang nasa kanyang isipan, alam kong bukas ay ipagtatapat ko na sa kanya ang tunay kong nararamdaman. Ipaparamdam ko sa kanya na maaari niya akong pagkatiwalaan, at handa ako na tulungan siya sa lahat ng bagay.

Dumating ang umaga. Hindi na rin ako makapaghintay sa pagdating ng hapon. Nagmamadali akong nag-ayos at nag-ensayo ng aking sasabihin, kahit na alam kong mauutal ako pagdating niya.

Dumating ako sa lugar ng aming tagpuan ng mas maaga sa itinakda namin na oras. Pinilit kong kalmahin ang aking sarili, pinunasan ang nagpapawis na mga palad sa paghihintay. Ngunit ng sumapit ang nakatakdang oras ng aming pagkikita ay walang Menchie na dumating.

Napuno ng pangamba at pagkatakot ang aking puso. Baka kung ano na ang nangyari sa kanya. Baka siya ay ginahasa at pinatay sa kubo. Baka nakita at sinundo na siya ng kanyang magulang. O baka ayaw niya sa akin. Ngunit pinilit ko itong alisin sa aking isipan.

Isang oras. Dalawa. Tatlo. Ngunit wala pa ring Menchie na dumating.

Pinanghawakan ko ang kanyang sinabi na siya ay siguradong darating, ngunit ng makaapat na oras ay aking tinahak ang daan patungo sa mumunting kubo na kanyang tinuluyan. Tinanaw ko ang labas nito, ngunit mukhang walang tao sa loob.

Pinasok ko ang loob ng kubo at nakita ko ang isang malalim na marka ng pwersahang pagpasok sa kahoy na sahig nito. Ngunit wala siya dito. At maliban doon, wala na akong iba pang nakita na kakaiba sa loob ng kubo. Nakita ko ang itim na notebook na may guhit ng pentagram sa harap at kinuha ko ito. Kinuha ko rin ang dip pen na nakita kong ginagamit niya sa pagsusulat sa librong ito.

Bumalik ako sa lugar ng aming tagpuan sa pagbabakasakali na kami ay nagkasalisi lamang at hinihintay niya ako doon. Ngunit hindi ko siya nakita. Naghintay pa ako ng ilang sandali, ngunit hindi na siya dumating pa.

Bumalik ako sa aming tahanan, humiga sa aking kama. Hindi na ako naghapunan. Wala akong gana. Bakit hindi siya nagpakita sa oras at lugar na aming pinagusapan? Ano kaya ang nangyari sa kanya?

Hindi ko gustong paniwalaan ang mga nangyari, at bumalik ako kinabukasan sa lugar ng aming tagpuan sa oras na aming napag-usapan. Ngunit hindi pa rin siya dumating.

Itinago ko sa loob ng aking mga kagamitan ang notebook at dip pen na nakuha ko sa kubo. Inilagay ko ito sa loob ng isang kahon at itinali.

Makailang beses akong bumalik sa lugar na aming napag-usapan, ngunit hindi na talaga siya dumating. Oo, alam kong desperado ako, ngunit nag-iisa siya sa puso ko.

Ang mga araw ay naging buwan, at ang mga buwan ay bumilang at naging taon, ngunit nanatili ang aking nararamdaman para sa kanya. Ang pagkamangha sa kanyang pagkatao, hindi nawala. Nagsimula akong humanap ng babae na tutulong sa akin na malimot siya, ngunit siya ay kakaiba. Wala talaga siyang katulad. Siya pa rin ang isinisigaw ng aking puso.

Isang taon. Dalawang taon. Tatlo. Paulit-ulit akong bumabalik sa lugar ng aming tagpuan, ngunit hindi na siya bumalik.

Sinubukan kong pumunta ng Maynila at hanapin siya sa lugar na kanyang sinabi sa akin noon. Itinuro nila ako sa iba’t ibang lugar kung saan siya posibleng tumutuloy o ang mga pamilya na nawawalan ng anak na nasa kanyang edad, ngunit kahit ako ay makarating doon, wala silang kilalang Menchie.

Hindi kaya at baka niloko niya lamang ako? Walang kahit na anong ebidensiya na mayroong babaeng katulad niya, o nabuhay man lamang.

At nagdaan pa ang mga taon at naging dekada, ngunit hindi na ako nakakita ng babaeng katulad niya, o ang magugustuhan pa ng aking puso. At sa muling pagkakataon, bumalik ako sa lugar na dapat naming maging tagpuan sa oras na aming napag-usapan.

At dito ko siya nakita. Oo. Nakita ko siyang muli. Dumating siya sa itinakda namin na lugar, sa oras na aming napag-usapan, dalawampu’t anim na taon ng huli ko siyang makita.

Hinding hindi ko makakalimutan ang kanyang mukha. Bakas pa rin dito ang takot at pag-aalala ng huli ko siyang makita.

At hindi rin nagbago ang kanyang itsura ng huli ko siyang makita.

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Where stories live. Discover now