Ikalawang Hiwaga

1K 33 96
                                    

Inikot ni Menchie ang mata at sinuri ang paligid. Madilim, maraming puno. Ang lupa ay malambot na parang nasa isang bukid siya nakatayo. Ang langit ay puno ng bituin, at ang ihip ng hangin ay sariwa at malamig. Inakap niya ang sarili at napansin niyang hindi pa siya nakapagpapalit ng damit.

Sa pagtanaw niya sa malayo ay nakaaninag siya ng mumunting liwanag. Lakad-takbo niyang tinungo ang pinanggagalingan nito at nakarating sa isang munting nayon. Kahoy ang mga bahay na tila isang probinsya. Pasulyap-sulyap siyang humanap ng mapagtatanungang tao kung nasaan na ba siya. Palinga linga sa paligid, nangingilid ang mga luha at nanalanging sana ay makauwi na siya.

Nang makakita ng bato ay naupo si Menchie at nagmuni-muni. Yumuko at umiyak. "Nawawala na 'ko." Aniya. "Dapat di ko na ginawa 'yun."

"Miss, may problema ka ba?"

Tumingala si Menchie at nagpunas ng luha. Isang lalaki ang nagtatanong sa kanya, marahil ay kasing-edad niya. Hindi kaputian, matipuno ang pangangatawan. Buhaghag ang buhok ngunit bumagay ito sa bilog niyang mga mata. Balbas na umiikot sa kanyang baba at mga labi. Guwapo, naisip niya.

"Nawawala po ako." Sagot niya.

"Sa'n ka ba nakatira?" Muling tanong ng lalaki.

"Saan po bang lugar 'to?"

"Kung sasabihin mo sakin sa'n ka nakatira, baka matulungan pa kita kung saan ka sasakay pauwi."

"Sa Welcome Rotonda po."

"Nako. Tiga-Maynila ka ba?"

"Opo."

"Malayo yun dito. Bus ang sasakyan mo. Bakit ka ba napadpad dito?"

"Mahabang istorya po. Saan po ako sasakay?"

"Diyan sa kanto. Sasamahan na kita."

"Nako po hindi na po. Kaya ko na po."

"Nasa lugar ka namin kaya sasamahan kita."

Sa kapipilit ng lalaki, pumayag na rin si Menchie na magpahatid patungo sa sakayan. Habang nasa daan, nakakita si Menchie ng isang tindahan at nakaramdam ng uhaw. "Sandali lang po," sabi niya sa lalaki, "bibili lang po ako ng maiinom."

"Sige."

Nang iniabot ni Menchie sa tindera ang kanyang bayad, nagtaka siya ng isoli nito ang kanyang pera. "Hindi tinatanggap yan." Sabi nito sa kanya.

Tinignan ni Menchie ang pera niya. Tama naman ang binigay niya. "Ate, tama naman po bayad ko. Fifty po ito."

"Hindi yan tinatanggap. Saan ba galing iyan? Eh eto ang singkwenta." Naglabas ang tindera ng pera na nagkakahalaga ng singkwenta kay Menchie at ito ay kanyang ikinagulat. Luma ang istilo ng pera na ipinakita nito sa kanya.

"Ate luma na po 'yan, eto na po ang bago."

Tinignan ng lalaki ang kanyang pera. "Iba na ba pera sa Maynila?" Tanong nito sa kanya.

"Ito na itsura ng Fifty Pesos ngayon. Luma na yan. Sa buong bansa ganito na style ng fifty. Hindi nyo ba alam? Hindi na tinatanggap 'yang perang yan."

"Teka, ako na magbabayad." Sabi ng lalaki at tumingin sa kanya. "kung hindi iba pera sa Maynila, bakit ganyan pera mo?" Sabay abot sa kanya ng inumin.

"Ha? Eh matagal na na-issue tong bagong pera ah." Sagot ni Menchie habang ibinubulsa ang kanyang pera. Matagal ng binago ang style ng pera ah. Ba't luma pa rin gamit nila dito?" Tanong niya sa sarili.

"Nandito na tayo," sabi sa kanya ng lalaki. "Diyan ka sasakay ng bus pabalik ng Maynila."

"Salamat po."

"Walang anuman."

Napangiti si Menchie. Sa wakas, makakauwi na siya.

Pumila na si Menchie papasok sa loob ng bus nang masulyapan niya ang isang munting tindahan ng diyaryo sa kanyang tabi. Sumulyap siya sa isa sa mga ito. Nanlaki at nanlumo, hindi makapaniwala si Menchie sa kanyang nakita.

Ang petsa na nakasulat sa diyaryo ay Marso 16, 1980.

Hiwaga #PHTimesAwards2019 #YourChoice2018Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon