Chapter Sixteen

26.8K 814 47
                                    

WALA si Chase sa higaan nito nang magising si Charry kinabukasan. Niyakap niya ang sarili nang makaramdam ng ginaw. Makulimlim ang paligid, nagbabanta na naman ang ulan. Ipinagdasal niya na dumating nang mas maaga ang jeep na maghahatid sa kanya sa airport ng Naga bago pa sila abutan ng ulan.

Nakita niya ang pandesal at mantikilya na nakahain sa mesa. May pritong itlog din at ilang piraso ng daing na isda. Nakalagay sa bowl ang sinangag.

Nagutom siya bigla. Ang tinimplang gatas lang ni Chase kagabi ang laman ng sikmura niya. Hindi na siya kumain ng solid food sa takot na isuka lang.

Nilinga ni Charry ang paligid. Nasaan kaya si Chase? Kung pagbabasehan ang nakahaing pagkain, mukhang hindi pa ito nag-aalmusal.

Napaaga kaya ang pagdating ng driver nito kaya iniwan na siya? Wait. Ano iyong naramdaman niya bigla? Nalulungkot ba siya? Kung totoo mang iniwan na nga siya ni Chase, ano naman? Mabuti nga iyon, eh. Matatahimik na ang buhay niya.

Bumuntong-hininga si Charry. Pero mukhang hindi siya masaya. Kung dati ay kinakabahan siya mabanggit pa lang ang pangalan ni Chase, bakit ngayon, bukod sa excitement, nilu-look forward na rin niyang makita uli ito?

Charry shook her head. Tinungo niya ang lababo at binasa ang mukha. Baka sakaling ma-wash out ng tubig ang agiw sa kanyang isip. Tinutuyo na niya ang mukha gamit ang face towel na nakasampay sa bintana nang mapatingin siya sa gilid ng lababo. Nag-init ang mga pisngi niya nang maalala ang eksena nila roon ni Chase kagabi. Ang banayad nitong boses, ang nanunuot na titig...

Sanay naman siyang makipagtitigan, lalo na kapag nasa gig siya at kailangan niyang kantahan ang isang guest na nangungulit ng special song mula sa kanya. Bakit sa mga lalaking lantaran ang pang-aakit sa kanya ay wala siyang maramdamang spark o kilig o kung ano mang tawag doon? Bakit kay Chase, may malisya? Bakit kay Chase, bumibilis ang tibok ng puso niya?

"Hinihintay mo bang lumamig ang pagkain bago mo kainin?"

Napapitlag si Charry sa gulat. Natatarantang humarap siya para lang bumunggo ang mukha sa dibdib ng nagsalita. Maagap siyang nahawakan ni Chase sa braso bago pa siya mawalan ng panimbang. Nag-angat siya ng tingin dito. Saglit na naghinang ang kanilang mga mata bago halos sabay na bumitaw nang ma-realize na ang awkward ng ayos nila.

Tumikhim si Chase. Nakita niyang nagbuka ito ng bibig pero hindi naman nagsalita.

"Nasa biyahe na ang driver mo, Chase," sabi ni Manong Guiller mula sa entrada ng kubo.

Pasimple siyang napabuga ng hangin. Lihim na nagpasalamat sa pagdating ng matanda. Kung sila lang kasi ni Chase, baka hindi nila mabasag ang pagkailang sa isa't isa.

Chase cleared his throat. "Salamat ho, Manong Guiller..."

"Charry, hija... Bakit hindi ka na lang sumabay kay Chase? Nakainom daw ang driver ng jeep na nakuha ko kahapon kaya hanggang ngayon ay nakahilata pa, sabi ng misis. Sayang naman iyong ibabayad mo sa driver kung puwede ka namang idaan ni Chase sa airport..."

Sumulyap siya kay Chase. Iniiwas niya ang mga mata nang mahuli itong nakatingin. "M-magkaiba ho kasi kami ng pupuntahan, Manong..." sagot niya.

Naiwan ang natitira niyang pera sa bag habang tumatakas sila ni Chase sa mga kidnapper noong isang araw. Kaya kahapon ay tinawagan niya si Jiso para makiusap na padalhan siya ng pera at i-book na rin ng ticket sa eroplano pabalik ng Maynila.

Mabilis na nakapagpadala ng pera ang kaibigan kahit nangungulit na alamin kung nasaan siya. Iginiit nitong sunduin siya pero nagpakatanggi-tanggi siya. Kapo-promote lang nito bilang team leader at ayaw niyang istorbohin pa nito si Erwan na kagaya nito ay busy rin sa trabaho. Hindi naman siguro maglalakas ng loob ang mga tauhan ni Silver na sundan siya sa mga mataong lugar.

Men in Tux 1 : Falling For Mr Cruel (Wattys 2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon